Luha ng Kawalan

8 0 0
                                    


Unti-unti kong hinawi ang iilang mga hibla ng aking buhok na sumabog sa'king mukha. Inilibot ko ang aking paningin at hinayaan ang mga matang maghanap ng kasagutan at maghanap ng sapat na dahilan upang magising mula sa isang kagimbal-gimbal na bangungot ng reyalidad, mula sa reyalidad na kahit ang pagmamahal na iyong hinahawakan ay hindi magiging sapat.

Hindi matatanggap ang nararamdaman mo lang. Kasi ni minsan hindi iyon naging sapat sa mga magulang ko. Naging malupit ang buhay sa aming tatlo hanggang sa ang pagmamahal na siyang itinago't inalagaan namin ay unti-unting naglaho at tuluyang kinain at inangkin ng dilim.

Ang masayang si papa, mama at ako ay isang napakalupit na memorya na alam kong patuloy na hahabol sa'kin hangga't ako ay mawala na rin.

-------

"Anak! Andito na si papa!"

Sigaw ng isang lalaki sa labas ng bahay namin. Napangiti ako ng matamis at iniwan ang aking lumang laruan at sinalubong ang aking ama. Ngiting-ngiti siya at niyakap ako ng mahigpit. Tumawa kaming dalawa, dahil para naman kaming isang taon na di nagkita eh araw-araw naman namin  itong ginagawa. Napatili ako nang may biglang humalik sa'kin sa pisngi at nakita si mama na humalik din sa pisngi ni papa.

-------

Napahawak ako sa aking pisngi nang may maramdaman akong luhang bumuhos mula sa aking mga mata habang naaalala ang naging buhay ko.

Mga ala-alang masakit man ay handa 'kong patuloy na hawakang mahigpit. Sapagkat masakit lamang ang mga iyon ngayon kasi iyon ang naging kasiyahan ko noon.

Sapagkat alam kong kahit magdadalamhati ako ngayon, di na maibabalik pa ang mga bagay na meron ako noon. At ang tanging pwedeng gawin ay tanggapin ang katotohanang iyon.

------

"Bakit umuuwi ka na ngayong lasing at palagi pang inuumagahan sa pag-uwi Henry? Alam mo namang kailangan ka dito sa bahay. At paano yung gastusin dito huh? Konting konsiderasyon naman!"

Naggising ako nang marinig ang mga sigaw ni mama. Sa buong buhay ko ay ngayon ko lang sya narinig na sumigaw, na galit na galit. Mabilis akong bumangon at itinapak ang walang saplot kong mga paa sa sahig. Ininda ko ang nanunuot na lamig dito at mas pinansin ang kaba sa aking dibdib.

"Minsan lang naman 'to. Tsaka yung manager naman namin ang nagyaya."

Rinig kong sabi ni papa. Unti-unti akong nakahinga ng maluwag kasi di sumigaw si papa.

"Niloloko mo na ako ngayon huh? Hinahanap ka sa'kin ng manager mo, tatlong araw na! Hindi ka pumapasok sa trabaho at nakikipag-inuman lang? Henry anong problema mo?"

Napatigil ako lalo na nung narinig kong may nabasag sa labas.

"Nakakapagod ka na Alice!"

------

Yun lang ang naabutan ko pagkalabas ko sa aking kwarto. Kitang-kita ko ang pagtingin sa'kin ni papa. Lumitaw ang lungkot sa kanyang mga mata habang nakikita akong umiiyak. Pero hindi siya tumigil sa paglakad hanggang sa anino nalang niya ang aking nakitang papalayo.

Yun ang gabi na nawala ang nag-iisang lalaking minahal ko sa buhay ko. Ang nag-iisang hari ko. Akala ko hindi magagawa ng hari ang iwan at pabayaan ang mga taong nakapaligid sa kanya. Akala ko makikipaglaban ang hari sa mga tao at problema na maaaring gumulo sa buhay niya.

Pero bakit yung hari namin ni mama napagod sa amin? Bakit yung hari namin eh nagawa kaming pabayaan at iwan? Hindi ko alam na pwede pala yun. Hindi ko alam na yung init ng yakap ng papa ko ay mawawala din kasabay ng biyolenteng ihip ng hangin. Hindi ko alam at mas lalong hindi ko inakalang mangyayari iyon.

Limang taon ang lumipas simula nung umalis si papa ay namatay yung mama ko. Para akong isang dalagang kinunan na rin ng buhay. Nagmumukha akong baliw na pinagkaitan ng kasiyahan at binubuhay ng kalupitan ng tadhana.

Lakad dito, lakad doon. Takbo dito, takbo doon. Kung pwede lang pati dugo sa katawan ko ay ibuhos ko na rin sa mga oras na yun ay ginawa ko. Baka sakaling maalis yung pait. Baka sakaling lumipad na din papalayo ang pighati sa puso ko...

Short Lovely StoriesTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon