Jose Rizal

187 18 54
                                    


Sa apat na sulok ng dingding ay isang lalaki ang nakabilanggo,  nakasalampak siya sa malamig na sahig habang iniisip ang mga nagawa sa nakalipas na mga taon. Ang pangalan ng lalaki ay Jose Rizal, isang magaling na manunulat sa kasaysayan.

Naputol ang kaniyang pag-iisip nang makarinig siya ng ingay mula sa labas ng kaniyang selda. Nang lingunin niya ito ay wala naman siyang nakitang kakaiba. Ang dalawang bantay niya ay naroon pa rin, nanatiling nakatayo at walang kagalaw-galaw.

Muli sana siyang uupo sa kaninang inuupuan nang matigilan siya dahil may matanda na roon.
May dala ito kawayang baston, makapal ang balbas at madungis ang itsura. Nakangiti ito sa kanya na para bang may gustong ipahiwatig.

Nagtaka si Rizal. Napatanong siya sa kaniyang isip kung paano ito nakapasok sa selda niya gayong mahigpit ang bantay sa Fort Santiago.

Nang lingunan niya naman ang mga guwardiya na nasa labas ng kaniyang selda ay naroroon pa rin ang mga ito. Nakatalikod sa gawi nila.

Wala siyang kaalam-alam na tumigil ang oras sa sandaling yaon.

Muli niyang binalingan ng tingin ang matanda. Pinagmasdan niya ito mula ulo hanggang paa. Wala namang kakaiba dito, ordinaryong matanda lamang ito sa paningin niya.

"Sino ka?"
Unang tanong niya.

"Hindi mo na kailangang malaman. Nandito ako upang magtanong sa iyo, Ginoo," saad ng matanda bago tapikin ang sahig sa kanyang harapan para paupuin si Rizal.

Kahit nagtataka ay sumunod naman siya.

"Paano ka nakapasok dito señor? Napakadelikado kapag nahuli ka! maaring malagay ka rin sa bingit ng kamatayan!" lumingon-lingon siya sa mga bantay at sa bukana ng selda para tingnan kung may gagawin ba ang mga bantay niya—pero wala.

Nagulat siya nang hawakan ng matanda ang kaniyang kamay. Napaharap siyang muli rito dahil sa pagtataka. Malalim ang nga titig nito at tila may masamang balitang hatid sa kanya.

Bubuka na sana ang kaniyang bibig upang kwestyunin ang matanda nang mapatigil siya ng magsalita ito,

"Gusto mo bang makita ang hinaharap?"

"Anong ibig mong sabihin, señor?" Nagtataka niyang tanong.

Hindi naman siya sinagot ng matanda, sa halip, inilahad lang nito ang hawak na baston sa kaniyang harapan at tumango kay Rizal.

"Gamitin mo 'yan kapag tapos mo nang libutin ang kasalukuyang panahon. Kapag hindi mo na kaya, ituktok mo 'yan sa lupa ng tatlong beses at makakabalik ka na rito. Mag-iingat ka, Rizal."

Bago pa siya makasagot at tanungin ang matanda ay umikot na ang paningin niya hanggang sa nagdilim ito at tuluyan na nga siyang nawalan ng malay.

Pagmulat ng kaniyang mata ay ibang paligid na ang nabungaran niya. Hindi niya mawari kung nasaang lugar siya at kung paano siya nakalabas sa Fort Santiago.

Ilang beses pa siyang napapikit dahil sa hapdi ng mata dulot ng biglaang liwanag. Nasanay kasi siya sa kadiliman ng kaniyang selda na tanging lampara lamang ang nagsisilbing araw sa loob, kaya ngayon ay halos mahilo siya.

Iginala niya ang kaniyang paningin sa mausok na paligid. Unang tumama ang paningin niya sa mga sasakyan na nagdaraan, mabaho ang inilalabas nitong usok kaya naman agad siyang napatakip ng ilong.

Sunod na kaniyang napuna ay mga nagtataasang gusali sa kaniyang paligid, namangha siya.

Nang may mapadaang babae sa harapan niya ay hinawakan niya ito ng marahan sa braso, tinanong niya kung nasaang bansa siya gamit ang ibang lenggwahe.

RETRACTION OF RIZAL ✔️Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon