Mahal,
Tatlong taon na simula ng makipaghiwalay ka sa akin, ganoon na pala katagal yun. Tatlong taong wala ka sa piling ko, tatlong taong nagdurusa ako, tatlong taong pagpapanggap na masaya ako. Alam mo ba mahal sinubukan ko ng buksan ang puso ko sa iba. Nagbabakasakali na mapalitan ka nila. Tatlo ang binigyan ko ng pagkakataon, yung una maayos naman sya, mas matanda sa akin, mahal ako sigurado ako dun, may anak din pero binata, pero parang walang pangarap sa buhay, matanda na sya pero walang ipon, hindi gaya mo na masipag at madiskarte sa buhay kaya parang nawalan ako ng gana, ikaw pa din talaga.
Yung ikalawa maayos din, may magandang trabaho gaya mo, may pangarap sa buhay kaso hindi seryoso sa relasyon at hanap lang ay laro, alam ko hindi mo gugustuhin na sya ang pumalit sayo.
Yung ikatlo mas maayos, may maganda ding trabaho, may respeto, tanggap ako, lahat ng magagandang bagay sayo nasa kanya din mas higit pa nga kung tutuusin pero tanga nga siguro ako pinakawalan ko din.
Hindi siguro talaga tama na magmahal ng iba kung hindi ka pa naman tapos magmahal ng iba. Hindi ko kayang ibigay ng buo ang pagmamahal na deserved nila kasi hanggang ngayon ikaw pa din talaga. Binati kita nung 4th anniversary natin. Tinawanan mo lang ako at tinanong kung mahal pa kita, wala akong pagaalinlangang sinagot na oo mahal pa din kita. Natawa ka lang at sinabing itulog ko na lang. Sana ganun nga lang talaga kadali, na pag natulog ako ngayon hindi na kita mahal. Mahal na mahal pa din kita pero hindi ko na hinihiling na bumalik ka. Sapat na sa akin na magkaibigan tayo para sa anak natin. Magkakaanak ka na sa iba ang hiling ko lang ay sana wag mo pa din pabayaan ang anak natin. Sana sya pa din ang priority mo. At ako hindi ko na pipilitin ang sarili ko na palitan ka, hindi ko na pipilitin ang sarili na magmahal ng iba. Hahayaan ko ang Diyos ang magdesisyon kung ano ang para sa akin. Huwag ka magalala masaya ako kahit magisa, andito naman ang anak natin, ang pamilya ko at kaibigan ko ok na ako. Magiingat ka.Nagmamahal,
Iyong asawa
