"Mag-iingat ka palagi at huwag mong pababayaan ang sarili mo. Tawag ka kapag andoon ka na." Mga huling kataga na aking narining mula sa aking Mama bago nila ako ihatid sa paliparan papunta ng Maynila kasama si Papa at ang aking mga pamangkin. Mga ilang sandali bago magsara ang pinto papasok, niyakap ko ng mahigpit ang aking mga magulang na unang beses ko ginawa sa mga nakalipas na panahon. Dati kasi sa Maynila lang ako nakadestino kaya di ko masyadong ginagawa ang mga ganoong bagay pero iba ngaun, ewan ko ba at nalungkot ako ng mga sandaling 'yon. Sobrang lungkot. Gusto ko sanang umiyak pero di ko kailangan ipakita sa kanila. Kailangan ko maging matatag at alam ko ganoon din sila sa akin. Wala kasing kasiguraduhan kung kailan ako makakabalik ulit pero determinado at buo ang loob ko na lisanin ang kinagisnan kong bansa.
Malapit ng umalis ang eroplano. Hudyat ng paglisan ko sa bayan ko. Kailan ko kaya ikaw ulit makikita? Alam ko balang araw, makakabalik din ako sa 'iyo at muli tayong magsasama.
Ika-14 ng Pebrero taong 2013. Nataong araw ng mga puso at kasalukuyang nasa Maynila. Maaga akong nagising, marahil na rin sa aking kagalakan at syempre dahil ngaun ang araw ng lipad ko paalis ng bansa.
Agad-agad kung tinungo ang palikuran at naligo. Malamig ang tubig at sapat ito para magising ang diwa ko. Heto na pala ang realidad. Maaga ako lumabas sa tinutuluyan ko ng hotel pagkatapos impake ng mga gamit. Nakapagpahinga na rin ng maayos at alam ko na handang-handa na ako.
Alas-dos ng madaling araw, nagtungo na ako sa paliparan. Doon nalang kami magkikita ng kasama ko. Kabado. Masaya. Nagagalak. Unang pagkakataon kasi na makakalabas ako ng bansa. Hinanda ko na ang sarili ko sa mga posibleng mangyari lalo na ang mga bagay na di inaasahan. Marami na rin kasi akong kwento na naririnig tungkol sa mga kababayan na lumalabas ng bansa at hindi pinapalad. Ewan ko ba, bakit ganoon ang mga nangyari sa kanila kaya napabuntong hininga ako at nagwika, "Bahala na."
Huling proseso bago makalipad ay dadaan sa "Immigration Counter". Maraming mga tanong, maraming mga usisa. Pinadiretso kami sa likuran ng mga opisyales at doon ay marami rin palang nag-aabang at nakapila. Nabigla ako at lumakas ang kabog ng dibdib ko. Mga ilang sandali, heto na at ako na ang susunod.
Natapos ang ilang minuto nang tanungan at sagutan, heto at nag-aantay pa din. Nag-aantay kung papalarin. Maraming mga tanong, ang iba ay nasagot ko ng maayos at ang iba . . . medyo sablay. Nanlamig ako at nanghina. Pakiramdam ko, gumuho ang mundo ko ng mga sandaling 'yon. Medyo kalabisan pakinggan pero 'yon ang totoo. Marami sumagi sa isip ko na mga posibleng mangyari kapag hindi ako nakaalis. Maglalaho ang mga pangarap ko.
Nang mga sandaling iyon, malapit ng umalis ang aming sasakyang eroplano. Tinatawag na nga ang aming mga pangalan ng makailang beses ngunit hindi pa rin kami pinayagang umalis. Isa... Dalawa... Tatlo... Hindi kami umabot. Ginawa namin ang lahat ng paraan para makasakay sa susunod na alis ngunit hindi pa rin kami pinalad. Napabuntong hininga na lang ako. Marahil hindi ito ang araw ko. Bumalik ako sa tinutuluyan ko ng mabigat sa dib-dib. Nagpahinga. Natulog.
Mga alas-siyete ng gabi, umalis ako. Kumain. Inayos ang sarili. At hindi rin nagtagal bumalik ako at humiga. Nag-iisip ng malalim habang kausap ko si Mama at inilahad ang mga naganap sa buong maghapon. Nagdasal ako at tuluyan ng natulog at sinambit ang mga katagang, "Sana bukas ay maging okey na."
BINABASA MO ANG
Diary of an Expat
De TodoMinsan sa buhay natin, may mga bagay na magpapatibay sa atin. May mga tao tayong makikilala na magtuturo sa atin ng mga importanteng leksiyon sa buhay.