Hapon na nang makauwi si Miguel. Naabutan niyang nagsasampay ng mga puting damit si Aling Mina.
"O, ba't ngayon ka lang?" nag-aalangang tanong ng nanay niya nang makita siya.
"Gumala pa kami ng tropa," dire-diretso naman siyang pumasok ng bahay sabay bato ng bag sa sulok, at hinayaang bumagsak ang sarili sa sofa.
"Kumain ka na muna...nagluto ako ng minatamis na kamoteng kahoy..."
Gusto n'ya sanang tumayo para kumain ngunit mas pinili niyang matulog na lang dahil sa kapaguran sa paggala. "Mamaya na lang, inaantok ako," sabay taklob ng unan sa ulo.
Kinabukasan, nagising si Miguel mula sa sikat ng araw na nanggagaling sa naiwang nakabukas na bintana. Tinakpan niya ng kamay ang kan'yang mukha na tinatamaan ng sikat ng araw, bago pakurap-kurap na iminulat ang mga mata. At dahan-dahang umupo mula sa pagkakahiga. Tumingin siya sa kaliwa kung saan nakapuwesto ang pintuan palabas ng bahay, at tumingin sa kanan kung saan ang daan papuntang kusina. Kinapa niya ang bulsa ng kan'yang pantalon na maong, binunot ang android cellphone, at tiningnan ito kung anong oras na. Nakita rin n'ya na may 3 new message mula kay Paolo at Kevin. Hindi na n'ya ito binasa at ipinatong na lang sa katabing lamesita ang hawak-hawak na cellphone. "Nakauniporme pa pala ako," usal niya sa sarili. Hinubad niya ang kanyang polo at pumunta ng kusina para kumain. Tinanggal niya ang takip ng maliit na mangkok, toyo ang laman na may kasama pang hiniwang siling labuyo. Binuksan niya ang takip ng sunog na kaldero, puro tutong at nilalanggam. Inilagay niya ito sa lababo't itinapat sa rumaragasang tubig mula sa gripo. Dumiretso na lang siya sa kuwarto kung saan nakita niyang natutulog sa papag si Aling Mina, si Myla at ang bunso niyang kapatid na si Gwenn. Nilapitan niya ang kanyang ina, at bahagya niya itong kinalabit sa binti gamit ang kaniyang daliri sa paa. "Mi, pambiling pagkain," bahagyang niyugyog ang ina. Tulog na tulog. Inulit niya pa ito nang isang beses. "Mi, pambiling pagka--"
"Uhmmm?" mahinang sambit ni Aling Mina. Umunat pa ito.
"Nagising din sa wakas," sinabi niya sa kanyang sarili.
"Nand'yan na ba'ng Tatay mo?"
"Wala pa...'di pa dumarating."
"E, ang kuya mo, dumating na?"
Tumingin siya sa abot-tanaw sabay ngisi. "Aba, malay ko ro'n!" bahagya pang tumaas ang boses niya. "Wala naman akong pakialam do'n, e," mahina lang ang pagkakasambit niya sa kaniyang huling sinabi, at hindi naman ito gaanong narinig ni Aling Mina bagkus ay kinuha na lang nito ang isang maliit na pitaka na nakatago sa loob ng unan na kasalukuyan nitong hinihigaan. Bumunot ito ng isang pulang papel sabay abot kay Miguel.
"Magkano?" tanong niya sa ina.
"Trentang pan-de-sal at saka isang bihon. D'yan ka na lang bumili sa kanan at nagugutom na rin ako."
Agad namang lumabas ng kuwarto si Miguel para bumili.
"Saka isang nescafe 3in1," pahabol ni Aling Mina.
Lumabas s'ya ng apartamentong halos mahigit apat na taon na nilang tinutuluyan. At tulad ng inaasahan, nakita n'ya na naman si Mang Bobit na pinupunasan na naman ang sasakyan nito. Hindi na ito bago sa kan'yang paningin dahil araw-araw n'yang nakikita ang gawi nito. Minsan n'ya na ring nakausap ito kapag tumatambay s'ya sa bungad ng garahe. Paraan n'ya na rin ang pakikipag-usap dito dahil pamangkin nito si Mio na humahawak at nangongolekta ng mga ibinabayad ng mga nangungupahan. At madalas, ang may-bahay ni Mio ang tagakolekta at humaharap sa mga naghahanap ng apartamentong matutuluyan. At sa tuwing naaalala n'ya ang pamangkin nitong si Mio, hindi rin maiwasang pumasok sa isip n'ya ang kapatid n'yang si Emman. Dahil minsan nang bagong lipat pa lang sila, umuwi nang hatinggabi si Emman na sakto namang pauwi na rin ang lango sa alak na si Mio na ang bahay ay katabi lang ng apartamentong tinutuluyan nila. Dahil hindi pa man sila taga ro'n sa loob ng compound, minsan na ring naikuwento ni Mang Bobit sa kanila na madalas ang nagaganap na pagnanakaw ng mga tagalabas, kaya nang hatinggabing 'yon, dahil na rin sa hindi namukhaan at lango sa alak si Mio, inakala nitong tagalabas at magnanakaw si Emman. Nagwala ito at hinamon lang naman si Emman ng suntukan. At siyempre dahil na rin sa ingay na nililikha ni Mio, madali silang naawat ng mga nabulabog sa pagkakatulog na mga kapitbahay. Kaya simula no'n, na sa tuwing lalabas si Emman at makakasalubong si Mio, yuyuko si Emman at sasambitin nang mahina ang salitang bakla. Hindi man sinasadya ni Mio ang mga pangyayari no'ng nagdaan, hindi na rin nila maiwasan ang patagong pangungutya rito dahil likas itong mayabang. At kung madalas, pag uuwi ito nang lasing, dinig sa kabilang kabahayan at sa kanilang apartamento na binubugbog nito ang kanyang maybahay. Hindi na bago sa kanila ang di-kaaya-ayang kaasalan nito lalo pa't kung uuwi ito nang lango sa alak. At meron man silang kaunting di-pagkakaunawaan ni Emman, natitiyak n'yang may kalalagyan si Mio sa oras na ulitin nitong bastusin ang kapatid. At sa tuwing nakikita n'ya si Mang Bobit, minsan ding pumapasok sa isip n'ya na kung hindi mo lang pamangkin si Mio at kung hindi lang sila ang humahawak ng apartamento, tiyak ang kalalagyan nito.
BINABASA MO ANG
Panacea (Published)
Художественная прозаApat na magkakaibang mundo. Kanya-kanyang buhay na kahaharapin. Kanya-kanyang suliranin na dapat lutasin. Paano nila ito gagawin?