Kabanata 8

24 2 0
                                    


Sa liwanag ng aandap-andap na ilaw sa poste nakatambay si Kevin kasama ang ilang kalalakihang hitik sa yosi at ang mga katawan ay hindi maipagkakailang lulong sa droga. Tahimik ang paligid. Tanging huni lang ng mga nagdaraang kolorum na tricycle ang maririnig. Humithit muna si Kevin ng yosi, dumahak, at dumura bago nagsalita.

"Lalakad ba tayo ngayon?"

"Wala pang balita si Kap," mabilis na tugon ni Eross habang ang ulo ay palinga-linga. Ito ang madalas n'yang kapalitan bilang runner.

"Kailan ba ulit daw kailangan ng tao?"

"Hindi ko alam...baka sa susunod na araw o sa isang linggo," bahagya nitong itinaas ang short at naupo sa gutter. "Bakit? Kailangan mo ba ulit ng pera?"

"Hindi pa naman...nagtatanong lang."

"Balitaan na lang kita 'pag meron na..."

.....

Kinabukasan ay maagang pumasok si Aling Rona sa pinapasukang parlor. Araw ng Sabado at alam niyang maraming nagpapa-manicure 'pag weekends. Kailangan niyang kumita ngayon dahil mahaba na ang listahan ng utang niya sa tindahan ni Aling Toyang. Katunayan, ayaw na silang pautangin pa at panay na ang pagbubunganga.

"Aba, Rona, mahiya-hiya ka naman. Ang haba na ng listahan ninyo!" bulyaw ni Aling Toyang. "Magbayad ka muna, aba! Ano ba'ng akala mo sa tindahan ko? Charity? Aba, aba, aba!" parang machinegun ang bunganga ni Aling Toyang nang subukan ni Aling Rona na mangutang ulit kagabi ng isang kilong bigas at isang latang sardinas na iiwan niya sanang pagkain para kay Kevin. Hindi na siya nagpilit pa at hiyang-hiyang umuwi at iniwasan ang mga kapitbahay na nakikiusyoso sa pangyayari.

Ngayong Sabado, kailangan niyang kumita ng malaki. Bukod sa mga dapat bayaran, alam niyang mas mapapadalas ang paghingi ni Kevin ng pera dahil sa mga bayarin sa eskuwelahan. Tanghali pa lang ay nakakalimang costumer na si Aling Rona. Hindi niya mapigilang mapangiti dahil pakiramdam niya ay suswertihin siya ngayong araw.

Alas-dos ng hapon, pagkatapos niyang mag-manicure sa pang-anim niyang costumer, may pumasok na matabang ale. Kuntodo nakaporma ito bagama't nagmukhang suman sa hapit at nangingintab na pulang damit.

"Magpapa-manicure at pedicure ako," matinis ang boses ng matabang ale. Napanganga ang lahat ng nasa parlor hindi dahil sa maganda ang ale kundi dahil sa itsura nito. Bukod sa suot na hapit at pulang damit, nakatali rin ang buhok na nagmukhang pugad sa tuktok ng ulo nito. Nadedekorasyunan pa ito ng mga pulang balahibo ng manok.

"Hi, Madam! Ang taray naman ng beauty mo," pambobola ni Bambi, ang baklang manager ng parlor. "Dito ka maupo, Madam," alok ni Bambi. "Rona, halika at ibigay mo ang pinakamaganda mong serbisyo kay Madam Urduja." Ang matabang babae na tinawag ni Bambi na Madam Urduja ay may-ari ng malaking grocery na malapit sa parlor at kaututang-dila ng asawa ng Kapitan.

"Magandang hapon po, Madam!" malugod na bati ni Aling Rona habang hila-hila ang rack na pinaglalagyan ng iba't ibang brand at kulay ng cutex at mga gamit sa paglilinis ng kuko. "Ito po, Madam, alin po ba sa mga kulay na 'to ang gusto n'yo?"

Hinagod muna ng tingin mula ulo hanggang paa si Aling Rona bago ito bumaling sa mga cutex. Pinili nito ang pagkapula-pulang kulay na inihiwalay naman ni Aling Rona.

Nang magsimula ang pagma-manicure, naging malikot ang matabang babae kaya muntik-muntikan nang masugatan ito. Medyo nakahinga nang maluwag si Aling Rona nang matapos ang pagma-manicure. Nagsimula na siyang i-pedicure ito. Kung malikot ito no'ng kamay pa ang nililinis, mas lalo pa nang mga kuko sa paa na ang inaasikaso ni Aling Rona.

"Madam, h'wag po kayong malikot kasi baka masugatan ho kayo," malumanay na sabi ni Aling Rona.

"Anong sabi mo? Sino ka para utusan ako?" bulyaw ng matabang babae kay Aling Rona.

Panacea (Published)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon