"...Lupa ng araw ng luwalhati't pagsinta buhay ay langit sa piling mo. Aming ligaya na pag may nang-aapi, ang mamatay nang dahil sa iyo..." sabay-sabay na awit ng mga mag-aaral ng Mataas na Paaralan ng Rizal. Abala ang lahat sa pagpunta sa kani-kanilang mga classroom.
"Tara na, kupal, akyat na tayo," pagyaya ni Miguel kay Dave na noo'y nakapatong pa rin ang kaliwang kamay sa dibdib, at nakatingin sa watawat. "Tanga! Tapos na!" inakbayan ni Miguel si Dave at naglakad.
"Teka lang, si taba 'yun, a!" sa di kalayuan ay nakita ni Dave si Paolo na kapapasok pa lang ng gate ng kanilang paaralan, at kinakapkapan ng guwardya. "Taba!" pasigaw na tinawag ni Dave ang kaibigan.
Narinig naman 'yon ni Paolo at bumawi. "Kupal!" bagama't pasigaw ay nakangiti pa rin siyang lumapit. Nakipag-high five siya sa dalawang kaibigan, at tinapik ang mga ito sa braso bilang pagbati. "Parang kulang tayo ng isa...nasa'n si Lolo?" tanong niya sa dalawa nang mapansing wala pa si Kevin.
"Baka nauna na sa 'ting umakyat," tugon ni Miguel.
"Gago, uugod-ugod na 'yun, e, papaanong mauuna sa 'tin 'yon?" biro ni Dave.
"Hahahahaha!" nagtawanan ang tatlo.
.....
"Good morning, class!" bati ni Mrs. Villaroya pagpasok na pagpasok nito ng pinto ng kanilang classroom.
Tumayo naman nang sabay-sabay ang mga estudyante niya at bumati. "Goooood mooorniiing, Ma'am Villaroya, maaaabuhay!" walang kabuhay-buhay ang naging pagbati.
Sa bandang likuran, magkakatabi ang magbabarkada. Si Miguel na walang kagana-gana, tamad siyang tumayo nang dumating ang kanilang guro. Ni walang salitang lumabas sa bibig niya nang bumati ito. Katabi niya naman sa kanan si Paolo na nakatingin sa labas ng bintana, at animo'y may tinatanaw na malayo. Katulad ni Miguel, hindi rin ito bumati sa guro. Nasa bandang kaliwa niya si Dave na seryosong nakikinig sa mga sinasabi ng kanilang guro. Ngumisi na lang siya at napailing.
"Ok, sitdown!" muling sambit ng kanilang guro. "Get one whole sheet of paper and write down one to fifty!" naglabas ito ng mga test paper, at ipinamigay sa mga estudyanteng nasa harapan niya. "Get one and pass!"
"Tol, pengeng papel," siniko ni Miguel si Paolo. Tumingin ito sa kanya at sumenyas na wala. Binalingan niya ng tingin si Dave. Nakita niya itong nanghihingi rin ng papel sa mga kaklase. "Tol." mahina lamang ang pagkakatawag niya kay Dave. Tumingin naman ito. "Hingi mo rin ako...dalawa," tumango lang si Dave.
Tahimik ang buong klase. Seryoso sa pagsagot sa quiz na ibinigay ng kanilang guro. Halos matatapos na ang isang oras na ibinigay sa kanila, wala pa ring naisusulat na sagot si Miguel at Paolo. Nakatunganga lang ang dalawa habang naghihintay ng makokopyahan. Sa mga ganitong pagkakataon, hinihintay nilang matapos si Dave na nangongopya rin sa mga kaklase.
"Sssshhh!" sumitsit ang guro dahil sa ilang estudiyanteng nagbubulungan. "Are you finished?" tanong ng guro sa mga estudyante. Sumagot naman ang mga ito ng hindi. "Ten minutes more!" may mangilan-ngilang nag-react. Hindi naman iyon alintana ng magbabarkada dahil abala ang mga ito sa pangongopya.
"Good morning, Ma'am!" bati ni Kevin na kadarating lang, at nakatayo sa labas ng pintuan ng kanilang kuwarto.
"San Pedro, late ka na naman!" sita ng guro na seryosong nakatingin sa kanya. "Araw-araw ka na lang late pumasok, a! Sa susunod na ma-late ka ay 'di na kita tatanggapin sa klase ko!"
"Opo, Ma'am."
"Anong opo?!"
Yumuko lang si Kevin at napakamot sa ulo. "Ay, sorry po, Ma'am...'di na po mauulit," mahina lang ang pagkakasabi niya ngunit sapat ang lakas para marinig ng kaniyang guro.
"Ok, come in."
Pumasok siya at narinig niya na tinawag siyang Lolo ng kaklase niyang si Arriane na nakaupo lang malapit sa pintuan. Ngumiti lang siya at dire-diretsong pumunta sa likuran kung saan nakapuwesto ang barkada. Nakita niya si Miguel at Paolo na nakayuko, at nagmamadaling kumopya sa papel ni Dave na nakapatong pa sa kandungan ni Paolo upang hindi makita ng kanilang guro. Kumuha siya sa bag niya ng isang buong papel, at mabilis na kumopya.
"Ok, pass the papers forward!" tumayo ang guro at isa-isang kinuha ang mga papel.
"Tol, sandali lang!" naghahabol si Kevin sa pagsusulat at pangongopya.
"Bilisan mo, gago!" sabi ni Paolo.
"Goodbye, class!" tumayo ang guro at nagpaalam.
"O, tol, o!" tapos na ngayon si Kevin.
"Gago, ikaw magpasa n'yan!" tumayo si Kevin at hinabol ang papalabas na guro.
BINABASA MO ANG
Panacea (Published)
General FictionApat na magkakaibang mundo. Kanya-kanyang buhay na kahaharapin. Kanya-kanyang suliranin na dapat lutasin. Paano nila ito gagawin?