“Reena! Mag-igib ka na ng tubig! Maliligo na si Patty!”
“Opo, ‘Ta, ito na po.”
Pinatay ng dalaga ang kalan at saka nilagay ang niluto niyang agahan sa plato bago tumakbo palabas upang mag-igib.
Ganito lang ang buhay ni Reena sa araw-araw; paglulutuan ang pamilya ng kaniyang tiyahin, mag-iigib ng tubig na ipanliligo ng mga ito, maghuhugas ng mga platong pinagkainan, at saka siya kikilos para sa sarili niya.
Napangisi si Reena nang maisip ang katayuan niya ngayon sa buhay. Ang cliché. Parang usual set-up lang sa mga telenovela at dramas. Pero ewan, ito siguro talaga ang realidad.
“Ay, kabayo!” nasigaw ni Reena nang mabasa ng tubig galing sa umaapaw na balde ang mga paa niya. Madaling araw pa lang kaya malamig pa, dagdag pa na umulan buong gabi dahil sa habagat.
“Reena! Nawawala ka na naman sa sarili mo, dalian mo na! Male-late na si Patty!” sigaw ng tiyahin niya mula sa bintana kaya nataranta siya.
“Opo, ito na po!” sagot ni Reena at dali-dali nang binuhat paakyat ang baldeng may lamang tubig.
Pagkatapos niyang mag-igib para sa ipanliligo ng kaniyang tita, asawa nito, at anak ng mga ito ay umupo muna siya sandali. Minabuti na niyang buksan ang radyo para makinig ng balita.
Napahawak siya sa noo niya upang kapain kung pinagpapawisan ba siya. Kahit na araw-araw na niya itong ginagawa ay ‘di mapagkakaila na nakakapagod pa rin ang mga ito lalo na’t natataranta siya tuwing sumisigaw ang tita niya na para bang nasa kabilang barangay pa siya.
“Pamilya ng hari ng Espanyang si King Martín II, patay matapos ambushin sa Seville. Panganay na anak ng hari sa una nitong asawa, pinaghahanap na ng masa.”
“Kawawa naman,” nasabi ni Reena matapos mapakinggan ang balita sa radyo.
“Hay, grabe talaga ang buhay. Kahit mga hari nagkakaroon ng problema at hindi laging masaya,” saad pa niya habang inaayos ang tape sa de-keypad niyang cellphone.
“Ano ba, Reena! Paupo-upo ka lang diyan, puro ka cellphone! Tapos na kami kumain! Maghugas ka na!” sigaw na naman ng tita niya kaya tumayo na siya upang gawin na nga ang sinasabi nito.
“Opo, ito na po,” sagot ni Reena at inayos na ang lamesa saka nagsimulang maghugas ng plato. Habang nagsasabon ng mga pinggan ay napaisip siya.
‘Ano kayang feeling tumira sa bahay na hindi nakakarindi? ‘Yung tipong walang sigaw nang sigaw na gawin mo ‘to, gawin mo ‘yan. ‘Yung may kalayaan kang gawin ang gusto mo. Kahit sandali la—’
“Reena! Saan mo nilagay ‘yung medyas ni Patty?! Male-late na siya!”
“Nandoon po sa maliit na drawer! Sa may lagayan niya ng medyas, ‘Ta!” sagot ni Reena at naghugas na ulit.
Sandaling natulala si Reena sa mga hinuhugasan. Pati sa pag-iisip niya ay hindi siya makapag-isa, hindi niya magawa ang gusto niya’t pati na tapusin ang sinasabi niya sa isip niya.
Napangiti siya nang mapakla. ‘Siguro nga ang choice ay para lang sa mayaman, para lang sa mga pinagpala sa mundong ‘to. Gano’n din sa kalayaan. Kapag mahirap ka, wala kang choice. Kailangan mong gawin ‘yung mga bagay na bubuhay sayo kahit na hindi mo naman gusto.’
Paulit-ulit lang na ganito. Parang paulit-ulit lang ang buhay niya araw-araw, walang pagbabago... hanggang sa may nag-alok sa kaniya ng bagong trabaho.
BINABASA MO ANG
Rewrite The Stars
Teen Fiction[SMUG Series #2] Theodore King is the only child of a multi-billionaire businessman and is expected to be the heir of his father. But what happens when he refuses to take the path his parents made for him? Will they let him slip away from their grip...