Chapter 2
Sariwa pa sa mga alaala ko nung bata pa’ko na wala akong mapagkakakilanlan. Wala akong mga magulang, ni-hindi kilala ang mga kamag-anak, kung meron man. Wala akong ideya kung sino at ano ako. Nalaman ko nung siyete anyos na ako’y ampon lang ng mga kumupkop sa ‘kin. Pinagpasalamat ko pa dahil limang taon pa lang ako, inaabuso na ako. Umabot sa punto na iniligaw nila ako sa lawak ng kamaynilaan na parang isang pusa na ayaw pabalikin sa tunay na lungga. Ang saklap! May nagmagandang loob sa ‘kin na ako’y kupkupin na naninirahan din sa kalye at walang permanenteng tirahan. Ang pangalan niya’y Toto. Galing Negros Oriental ngunit sinubukang makipagsapalaran sa Maynila pero ang naging bagsak ay pulubi. Buong pagsisisi nya imbes na magandang trabaho ang makita niya’y pangangalakal ang bagsak dahil walang gustong tumanggap sa kanya ‘pagkat wala siyang pinag-aralan.
Namuhay kami ni Toto nang masaya kahit mahirap ang buhay. Nangangalakal kami at minsa’y nangingisda upang may kainin tatlong beses isang araw, minsan nga’y isang beses lang dahil walang mahuli o ‘di kaya’y malas lang kami nung mga araw na iyon. Sanay na sanay na ako sa kalye nung ako’y magkinse, dito nama’y dinapuan ng malubhang sakit si Toto. Namatay siya na wala man lang paalam. Ni hindi ko man lang siya napunta ng Ospital dahil ang galing niyang magtago ng karamdaman nya. Wala ring gustong magpalibing sa kanya kaya ako na lang ang naghukay upang siya’y ilibing. Naisip ko na ganito rin ang magiging kahihinatnan ko pagtanda ‘ko. Pag minalas ka nga talaga at ipinanganak ka na mahirap pa sa daga ay wala kang magagawa kundi tanggapin ang kapalaran mo.
Simula ng pumanaw si Toto’y ako na lang mag-isa. Ang hirap ng walang kasamang kumain ng paborito mong arozkaldo tuwing umaga sa loob ng walong taon. Minsa’y naiiyak nalang ako kapag iniisip ko ang kalagayan ‘ko. Sumasama ako sa ibang batang lansangan paminsan minsan lang dahil kakaiba ang ugali ko. Madaling mang-init ang ulo ko kapag tinukso nila ako na nauuwi sa rambol na parang wrestling. Kahit pagala-gala ako at walang totoong matutuluyan, tinuruan kong tulungan ang sarili kong magbasa at sumulat. Ang isip ko’y basta marunong ako nuon kahit hindi ako nakapag-aral ay hindi pa rin ako maituturing na mangmang.
“Palimos po,” sambit ng kaawa-awang pulubi habang kinakain ko ang siopao. “Teka bakit ka namamalimos sa’kin e pulubi din ako?” diktang tugon ko. “Bawal ba? O sige sa iba nalang ako mamamalimos,” simangot na tugon niya. Sa awa ko’y hinatian ko sya ng siopao at sabay kaming kumain. Habang pinagsasaluhan ang pagkai’y napatitig ako sa kanya. Kapansin pansin ang ganda nya dahil may halong banyaga ang kanyang kulay. Napansin ko ito kahit na natatabunan ang kanyang balat ng itim na grasa.
“Saan ka galing? Anong ginagawa mo dito? Parang may lahi kang amerikano ha?” tanong ko sa kanya. “Ang dami mo namang tanong!” biglang sagot niya. “Bakit masama bang magtanong? Pasalamat ka hinatian pa kita ng siopao ko.” Pinagmamasdan ko siya habang kumakain, ang ganda niya talaga e. Hindi ko inakalang may pulubing ganito kaganda. Napansin niya ako habang tinititigan ko siya ng seryoso. “Half Filipino/ Half American ako. Di ko kilala ang tatay kong kano. Ang nanay ‘ko naman patay na,” sambit nito.
“Wala ka bang tirahan?”
“Lumayas ako sa amin kaya wala na akong tirahan.”
“Bakit ka umalis?”
“Wala ka na dun!” Mahigpit niyang usal.
“Meron akong pake dahil binigyan kita ng siopao!” ungol ko.
“E ano naman kung binigyan mo ko ng siopao? Makaalis nga dito!”
May pagka suplada tong batang ito. Ito ang naglalaro sa isip ko ngunit interesado ako sa kanya nung mga panahong iyon.
“Saan ka pupunta?” Sigaw na sabi ko sa kanya habang papalayo na siya ng lugar.
Hindi nya na ako inimik. Gusto kong ipamukha sa kanya na binigyan ko sya ng siopao at kelangan niyang sagutin ang mga simpleng tanong ko.
Minatyagan ko ang babaeng ito at kung kani-kanino namamalimos. Naisip ko tuloy na baka isa siya sa mga batang pagmamay-ari ng sindikato at tinuturuang mamalimos kung saan-saan. Isang araw lumapit ako sa kanya at inalok na kumain. “Tara sumama ka sa’kin libre kita ng almusal,” di ‘ko siguradong alok. “Meron akong pambili,” tipid na tugon nito. “Ayaw mo ililibre na kita? Bahala ka mamaya ubos na pera mo. Ireserba mo nalang yan panghapunan.” Napapayag ko rin siya sa aking mapanuksong alok. “Sige. Pero ‘wag mo na akong tatanungin ha lalo na kung saan ako nakatira?” wirdong tugon niya. Napagtanto ko tuloy na may malalim itong lihim na ayaw niyang malaman ko. Nahiwagaan tuloy ako sa dalagitang ito. “Sige payag ako. Di na kita tatanungin.”
Dumiretso kami sa karinderya na araw-araw pinupuntahan ‘ko. Mabait ang nagmamay-ari nito dahil may lugar talaga kung saan pwedeng kumain ang mga yagit na gaya ko. Ibinigay ko sa babaeng mestiza ang isang mangkok ng arozcaldo na nuo’y napakabango. Gutom na gutom na sinimot niya ang mainit na almusal. Sa aking sorpresa’y nagmakaawa pa itong ilibre ko pa siya. “Ang takaw mo talaga, sana hindi na kita inalok,” yamot ko. Wala akong nagawa kundi sumimangot at umorder ng panibago.
“Anong pangalan mo?” tanong ko sa kanya. “Diba sabi ko wag ka saking magtatanong?” simangot na tugon niya. “Grabe ka naman pangalan mo lang tinatanong ‘ko!” eksaheradong sagot ko sa kanya. “O sige ako si Jade, ikaw?”. “Samson,” mabilis kong sagot. Pagkatapos ng tanong kong iyo’y wala nang lumabas sa bibig ko sa loob ng tatlong minuto. Tanong din kase ang sasabihin ko sa kanya pero ayaw niyang magtanong ako sa kanya. Naguluhan tuloy ako at nagtanong ulit. “Saan ka natutulog? Ngayon lang kita nakita dito ha?”. Napasimangot siya na tila nangangain ang mga titig. Hindi na lang siya sumagot at diretso lang sa pagkain. “Ang gulo-gulo mo at ang labo mong kausap,” sabi ko sa kanya sabay kamot sa ulo ko. “Hindi ka lang marunong tumupad sa usapan,” panuyang sagot niya. “Ako na ngang nanlibre sa ‘yo ikaw pa may ganang umasta ng ganyan. Dapat nga magpasalamat ka pa sakin e. Ang labo mo!” tampururot ko sa kanya. “Sabi ko ayoko diba? Ikaw lang nangulit kaya pumayag ako. Sa susunod 'wag mo na ko alukin, dyan ka na nga!” agad syang tumayo at sabay alis ng lugar.
Wow lang ha. Ibang klase talaga itong si Jade. Habang inaalala ko ang mga tagpong ito’y napapangiti ako na abot hanggang tenga.
BINABASA MO ANG
In Love with a Beggar
RomansaDating mga batang pulubi na ngayo'y naging Multi- Milyonaryo dahil sa Lotto. Sinong mag-aakalang papalarin sina Samson at Jade na biyayaan ng isang malaking sorpresang bumago sa mga buhay nila. Matapos mahati ang napanalunan ay naghiwalay sila ng la...