CHAPTER FOUR
ANG matinding kirot sa kanyang sentido ang unang naramdaman ni Che-che pagmulat niya ng kanyang mga mata. Minasdan niya ang paligid. Kumunot ang kanyang noo nang makita ang puting kisame.
Ibinaba niya ang kanyang paningin at ganon na lamang ang gulat niya nang mamukhaan ang nakaupong lalaking payapang natutulog sa kanyang tabi habang hawak ang kanyang kamay. Kakaibang damdamin ang lumukob sa kanya sa eksenang iyon. Parang hinaplos ang kanyang puso sa tanawing nakikita niya.
Hindi niya napigilan ang sariling iangat ang kamay at haplusin ang buhok nito. Pero mali yata ang kanyang ginawa dahil nagising ito at nagtama ang mga mata nila. Saglit niyang naramdaman ang kakaibang ritmo ng kanyang puso.
"Che-che. Thank God you woke up. Anong nararamdaman mo? May masakit ba sayo?" sunod-sunod na tanong ni Josh habang hindi malaman kung ano ang hahawakan sa kanya.
Umiling siya at pinigilan ito sa pagkataranta. Bumangon siya. Inalalayan naman siya nitong makaupo.
"Okay lang ako, Josh," maagap niyang sabi at ito naman ang pinaupo niya. Bakas na bakas sa mukha nito ang pag-aalala. Hindi niya dapat maramdaman ang mga iyon pero nagiging sutil ang damdamin niya. "Anong ginagawa ko rito?" takang tanong niya at ginala ang paningin sa kabuuan ng ospital.
Naging masuyo ang mga mata nito. "Hindi mo ba naalala?"
"Ang alam ko lang kanina nag-meeting tayo. Tapos bumalik ako sa opisina ko. Masakit ang ulo ko kanina pang paggising ko. Ang bigat-bigat ng pakiramdam ko habang pabalik ako sa opisina at pagkatapos biglang nagdilim ang paningin ko. Wala na akong matandaan pa nang mga sumunod."
"Hinimatay ka," maagap na sabi nito. "Mabuti na lamang at kaagad na pumasok sa opisina mo si Rona at humingi ng tulong sa amin. Kaagad ka naming sinugod dito sa ospital," paliwanag nito.
Huminga siya ng malalim at hinimas ang sentido. Sobrang napapagod na yata siya sa trabaho.
"Salamat sa pagdadala sa akin dito," sinserong wika niya.
Ngumiti ito ng masuyo sa kanya. "Napansin ko na kanina sa meeting na may dinaramdam ka. Alagaan mo naman ang sarili mo Che-che." Ramdam niya ang pag-aalala sa tinig nito. "Paano na lang kung may nangyaring masama sayo? Wala dito ang mga magulang mo at mag-isa ka lang. Huwag mo namang pagurin ang sarili mo sa trabaho. Paminsan-minsan matutunan mo naman ang salitang pahinga. Maayos nga ang agency nagkakasakit ka naman. Wala ring silbi ang lahat kung mahina ang katawan mo," mahabang lintanya nito.
"Pwede ba huwag mo na akong sermunan," reklamo niya. "May sakit na nga ako pinapagalitan mo pa ako," parang batang sabi niya.
"Dahil napakatigas ng ulo mo," may galit sa tinig nito. "Hindi mo lang alam kung gaano ako nag-alala habang nakita kitang nakahandusay sa sahig. Hindi ko alam kung anong gagawin ko."
Natigilan siya sa inaakto nito ngayon. Namumula ang mukha nito habang nagsasalita. Kagaya pa rin ito noon kapag nagagalit ito sa kanya. Mapait na ngumiti siya. Bakit pa ba nito ginagawa ang mga bagay na ito ngayon?
Pero ganon na lamang ang gulat niya ng walang babalang kabigin siya nito at yakapin ng mahigpit. Ramdam niya ang suyo sa ginawa nitong iyon. Gusto niya itong itulak pero walang lakas ang kanyang mga kamay para gawin iyon.
Naramdaman na lamang niya ang mabilis na tibok ng kanyang puso. He's so close to her right now. He can hold her this close. Sa maraming taong lumipas ngayon lang niya muling naramdaman ang masuyong yakap nito sa kanya. Inaamin niyang nagugustuhan niya ang ginagawa ni Josh. Pero may mali, hindi ito dapat mangyari. Para siyang binuhusan ng malamig na tubig nang manariwa sa kanyang isipan ang mga alaalang iyon.
BINABASA MO ANG
We Can Learn To Love Again COMPLETED
HumorSupermodel No. 5 Josh Rios, ang "Papa Dimple" ng TMA.