The usual. 3pm at our haven. See you!
- Angelo
Iyon ang nakasulat sa post-it pagbukas ni Aya ng locker niya. Excited niyang sinipat ang wristwatch niya. Malapit nang mag-alas tres ng hapon. Kailangan na niyang magmadali. Ayaw niyang naghihintay nang matagal si Angelo, ang secret boyfriend niya ng isang taon na mahigit.
"Aya!" tawag nang pamilyar na tinig sa likuran niya. Mabilis niyang nilukot ang post-it at ibinulsa bago hinarap ang bagong dating.
"C-cedric!" mautal-utal na balik-tawag niya sa matalik na kaibigan ni Angelo at isa rin sa malalapit niyang kaibigan at manliligaw.
"May gagawin ka mamaya? Tara kain tayo sa labas," magiliw na aya nito sa kanya.
Ilang beses siyang napakurap, hindi siya sigurado kung ano ang dapat niyang isagot. Hanggang ngayon tuwing kaharap niya si Cedric nakukonsensya pa rin siya dahil kahit ito, hindi alam ang tungkol sa kanilang dalawa ni Angelo.
Desisyon ni Angelo na 'wag ipaalam kay Cedric ang tungkol sa relasyon nilang dalawa. Bukod kasi sa unang pormal na nanligaw si Cedric sa kanya, parehas pa silang scholar sa kumpanya ng pamilya ni Cedric. Hindi naman siya naniniwala na maari silang gawan ng masama ni Cedric dahil mula nang maging magkakaklase silang tatlo sa isang minor subject noong unang taon nila sa kolehiyo, laging kabutihan lang ang ipinapakita ni Cedric sa kanya. Sa katunayan, ito ang mismong tumulong sa kanya na makakuha ng scholarship sa kumpanya ng mga magulang nito. Kung wala ang scholarship niya, pihado hirap na hirap pa rin siya ngayon na pagkasyahin ang kakarampot na sweldo niya sa isang convenience store kung saan siya nagpa-part-time bilang cashier. Pati ang inaabot ni Sis. Teresa sa kanya, ang directress ng ampunan kung saan siya lumaki at kasalukuyang nakatira, kulang din. Kaya malaki ang utang na loob niya kay Cedric. At wala siyang balak na saktan ito sa kahit na anumang paraan. Kaso...
"Earth to Aya." Pinitik ni Cedric ang mga daliri nito sa harap niya. Iyon ang nagpabalik sa huwisyo niya sa kasalukuyan. "Mahirap ba sagutin ang tanong ko?" Ngumiti ang binata, sumilay ang dalawang biloy nito sa magkabilang pisngi.
"S-sorry, marami lang akong iniisip," dahilan niya. "Medyo nagmamadali kasi ako ngayon, eh." Sumulyap siya sa relo niya. Alas-tres impunto. Napangiwi siya. Late na siya.
"May duty ka sa convenience store?" tanong nito.
"W-wala. May gagawin lang kaming project ng mga groupmates ko," tarantang paliwanag niya, bago muling isinara ang locker niya. "Ano... sa birthday mo na lang. Babawi ako sa birthday mo. Sure na nando'n ako," aniya bago gumanti ng ngiti.
Lumapad ang ngiti ng binata. "Sinabi mo 'yan, ha. I'll expect you on Wednesday then."
Alanganin siyang tumango. "Oo! Ano bang gusto mong regalo?"
Lalong gumaan ang ngiti ni Cedric. Ginagap nito ang kamay niya at masuyong pinisil iyon. "You, being there Aya, is more than enough gift for me."
Pilit siyang gumanti ng ngiti bago dahan-dahang binawi ang kamay sa binata. Nagbuga ng hininga si Cedric bago alanganing napakamot sa leeg.
"Sorry. Nagmamadali ka nga pala," anito.
"S-sige Cedric. Mauna na ako," alanganin niyang paalam. Malungkot lang na ngiti ang isinagot nito.
* * * *
Sa likod ng Admin Building ng university, doon ang haven nila ni Angelo. Wala kasing nagagawing estudyante ro'n na labis niyang ipinagtataka dahil tahimik doon at mahangin. Marami kasing puno sa paligid. Sa katunayan, si Angelo ang nakadiskubre niyon mula nang maging student assistant ito sa Univesity Library na ilang daang metro lang ang layo mula sa Admin Building.
BINABASA MO ANG
End; After That
RomanceRomance - Horror Genre collaboration with heydazzlinggirl. A Writers to Watchout entry.