Chapter 4

9.2K 193 2
                                    


"GLADYS, okay ka lang?"

Nabungaran niya si Anne nang mag-angat siya ng tingin. Naroon sila sa dining area ng boardinghouse.Kanina pa siya nakapangalumbaba sa mahabang mesa. Sa katunayan ay malamig pa sa bangkay ang kaninang mainit niyang kape.

"Oo naman," sagot niya. Humigop siya ng kape.

"Talaga lang, ha? Kung makapangalumbaba ka riyan, parang magugunaw na ang daigdig mamaya," eksaheradong wika nito, saka umupo sa tapat niya. "May problema ka ba?"

"Oo. Wala akong maisulat. Kapag wala akong naisulat, wala akong pera. Kapag wala akong pera, palalayasin ako ni Miss Alba rito," sagot niya.

Inirapan siya nito. "Ang OA naman. Layas agad?"

Natawa siya. Sa totoo lang, bukod sa nahihirapan siyang magsulat ng nobela ay naiisip din niya si Zephyr. Sa tingin nga niya ay ang binata talaga ang dahilan kung bakit hindi siya makapag-isip ng magandang eksena para sa nobela niya. Palagi kasi itong nagsusumiksik sa isip niya. Wala na siyang ibang maisip kundi ito, ang kaantipatikuhan nito, at ang guwapong mukha nito.

Tatlong araw na ang nakalilipas mula nang magkabanggaan sila sa mall at makilala niya ang pamilya nito. Mula noon ay hindi na uli niya ito nakita. Na kung tutuusin ay hindi dapat niya ikinababahala. Hindi kasi sila magkaibigan. At kung interesado man ito na makita uli siya ay alam naman nito ang tinutuluyan niya. Nagpumilit kasi ito na ihatid siya sa tinutuluyan niya. Pero bakit siya nito gugustuhing makita?

Ambisyosa!

"Hello? Gladys? Still there?" pukaw ni Anne sa atensiyon niya. "Girl, nasaan ba ang isip mo? Nasa Mars? Kanina pa ako dakdak nang dakdak dito. Hindi ka naman pala nakikinig. Ang mabuti pa siguro ay iwan muna kita rito. Hindi ka yata talaga maka-move on sa nobela mo." Iniwan siya nito bitbit ang sariling tasa ng kape.

Ilang sandali pa siyang nanatili sa kusina. Nang hindi pa rin gumagana nang matino ang isip niya ay lumabas siya at nagtungo sa bakuran.

"Kuya Bruno," tawag niya sa helper ni Miss Alba. "Puwede bang ako na lang ang magdilig ng mga halaman?"

"Sigurado ka?" tanong ng may-edad na lalaki. Sa tantiya niya ay nasa mid-forties na ito.

"Opo."

Iniabot nito sa kanya ang hose ng tubig.

Una niyang diniligan ang mga halaman na nakatanim sa paso bago isinunod ang hanging plants. Aliw na aliw siya sa pagdidilig. Lalo niyang itinaas ang hose at iwinasiwas iyon upang mas madiligan ang mga hanging plant. Nangangalahati na siya sa pagdidilig nang marinig niya ang pagalit na sigaw mula sa labas ng gate.

Nagmamadali niyang pinatay ang gripo at binitawan ang hose. Binuksan niya ang gate. Naestatwa siya sa nabungaran doon. The man in her mind had come to life and was now standing right in front of her. Pero may mali; mukha itong basang-sisiw.

Napangiwi siya nang mapagtantong siya ang may kagagawan niyon. Gayunman, may isang parte niya na masayang-masaya ngayong naroon ito. "Bakit kasi hindi ka nag-doorbell?" paninisi niya rito.

"I was about to do that. Pero biglang may parang ulan na bumuhos dito," naiinis na sabi nito.

"Sandali nga. Pumasok ka muna rito." Pinaupo niya ito sa lumang garden chair na nasa bakuran. Kumuha siya ng towel sa loob ng boardinghouse, saka agad ding lumabas.

"Bakit kapag nagtatagpo tayo, nababasa ako dahil sa kagagawan mo? Hindi na ako magugulat kung sa susunod na makasalubong kita ay mahulog na ako sa imburnal." Pinukol siya nito ng matalim na tingin.

"Sinadya ko ba 'yan, ha?" naiinis na ring tanong niya. Hindi niya alam kung bakit pero ang bilis magbago ng mood niya kapag kausap niya ito. O sadyang nakakaasar lang talaga ang lalaking ito?

"Oo na. Hindi mo na sinasadya. Clumsy ka lang talaga," sabi nito habang abala sa pagpupunas ng mukha.

Inirapan niya ito. "Oo na. Clumsy na kung clumsy. Bakit ka ba kasi nandito?" .

"Hindi mo isinauli sa akin ang ID ko," sagot nito.

Bigla ay nabura ang saya na naramdaman niya. Kasalanan mo rin. Ambisyosa ka kasi. Nag-iwas siya ng tingin. "Oo nga, ano? Nasa akin pa pala ang ID mo. Sandali, kukunin ko sa kuwarto ko," paalam niya rito.

Akmang papasok na siya sa kuwarto niya nang harangin siya ni Anne. "Hey, Gladys. Sino ang Greek god na nasa labas?" halatang kinikilig na tanong nito.

"Hindi Greek god si Zephyr," sagot niya.

"Ang ganda naman ng pangalan ng Greek god na iyon. Ayos lang ba kung lapitan ko siya?"

"Hindi nga sabi siya Greek god. Isa pa, bakit ka ba nagpapaalam sa akin? Puwede mo siyang lapitan basta maghanda ka lang sa kasungitan niya." Pagkasabi niyon ay dumeretso na siya sa loob ng kuwarto. Ilang minuto siyang nagtagal sa loob dahil hinanap pa niya ang ID ni Zephyr.

Pagbalik niya sa bakuran ay may babae nang kausap si Zephyr. Pero base sa bulto ng babae, sigurado siyang hindi ito si Anne. Nang tuluyan siyang makalapit ay saka lang niya ito nakilala—si Joan. Ang babaeng umookupa sa nasa dulong kuwarto sa second floor. Hindi maganda ang mga sinasabi ng ilang bed spacers tungkol dito ngunit ayaw niyang manghusga ng kapwa.

"Nice to meet you, Joan," nakangiting sabi ni Zephyr pagkatapos nitong kamayan ang babae.

Bakit kaya mabait ito kay Joan? Siguro ay dahil sobrang ganda ng huli. Napapalatak siya. Men!

Pagkatapos magpaalam ni Joan ay iniwan na sila nito.

"Ito na ang ID mo," aniya kay Zephyr, saka inilapag sa mesa ang ID

"Thanks." Tumayo na ito sa kinauupuan.

Tila gusto niyang tumutol sa napipintong pag-alis nito. Pero pinigil niya ang sarili. Bakit ba siya nakakaramdam ng ganoon? Sa lahat naman ng lalaki sa mundo, bakit kay Zephyr pa na ibang klase ang topak?

"'Una na ako," paalam nito.

"Okay. Ingat," kunwari ay bale-walang sabi niya. Palabas na ito ng gate nang sundan niya ito.

Lumingon ito sa kanya. "Bakit?" nagtatakang tanong nito.

"H-ha?" Napatingin siya sa hawak nitong towel. "'Yong towel ko," sabi niya. Mabuti na lang at nakahanap siya ng palusot.

"Pahiram muna, wala akong pamunas." Pumasok na ito sa sasakyan at pinasibad iyon.

Nakatulalang bumalik siya sa garden table. Ano ba ang nangyayari sa kanya? Para siyang timang sa mga ikinikilos niya. Huminga siya nang malalim, saka muling nalunod sa malalim na pag-iisip.

In Love With A Love Guru by Andie HizonTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon