Chapter 14

7.8K 197 4
                                    

"WOW! Ang dami mo na palang naisulat na libro, Gladys," manghang-manghang wika ni Anne habang tinitingnan nito ang mga librong ibinigay niya sa housemate niya. "Ang galing mo talaga."

"Makapuri naman 'to," napapahiyang wika niya. Hindi siya sanay na may pumupuri sa kanya. Iyon ang dahilan kung bakit hindi siya gumawa ng account sa kahit na anong social networking sites. Hindi niya alam kung paano ginagamit ang Facebook at kung ano ba ang ibig sabihin ng Twitter. Basta naririnig lang niya ang mga iyon.

Masaya ang kuwentuhan at huntahan nila tungkol sa mga pocketbook na isinulat niya nang dumating ang "kontrabida" sa bahay.

Nag-angat agad ito ng kilay nang dumako sa mga libro niya ang paningin. "Ang hilig n'yo talaga sa basura," komento nito.

Nasaktan ang pride ni Gladys sa sinabi nito. Gayunman, pinigil niya ang sarili na sagutin ito. Ayaw niyang patulan ito dahil siguradong magkakagulo sa boardinghouse. Kapag nagkataon ay baka mapatalsik pa siya roon ni Miss Alba.

"Ikaw lang naman ang basura dito," sabi ni Thet kay Joan.

Nagulat siya sa ginawa nito. Ang akala niya ay mananahimik lang ito katulad ng iba.

"Oh, really? At ano ang tawag n'yo riyan sa mga hawak n'yo? 'Yan ang dahilan kung bakit paniwalang-paniwala kayo sa pag-ibig. Well, I'm sorry to tell you but love doesn't exist. Pinapaniwala lang kayo ng mga walang-kuwentang writer na totoo ang fairy tales. Kaya hayan, pare-pareho kayong loser," paglilitanya ng malditang si Joan, saka dere-deretsong umakyat sa hagdan.

Napatayo siya sa inis. "Kawawa ka naman pala. Hindi ba mas loser ang mga taong hindi naniniwala sa pag-ibig? Siguro ganyan ka kasi walang nagmamahal sa 'yo. Kawawa ka naman talaga. Ang ganda-ganda mo nga pero walang lalaking kayang sumeryoso sa 'yo. 'Yon siguro ang dahilan kung bakit hindi mo sinabing hinahanap ako ni Zephyr noong gabing niyakap mo siya. Ayaw mong may ibang taong maging masaya. Ang gusto mo ay maging katulad mo kaming lahat, walang nagmamahal." Pagkasabi niyon ay nagtungo siya sa kanyang kuwarto.

She didn't mean what she said to Joan. Hindi rin siya masaya na sinabi niya iyon. Alam niyang nasaktan niya ito. Mali naman kasi ang ginawa nito. Napaiyak siya. Magkahalong inis at guilt ang nararamdaman niya. Iyon ang unang pagkakataon na may pinagsalitaan siya ng masasakit na salita.

Mayamaya ay nag-ring ang cell phone niya. Pinahid niya ang mga luha niya, saka sinagot ang tawag. "Hello?"

"Gladys, umiiyak ka ba?" tanong ng nasa kabilang linya.

Agad niyang nakilala ang boses ni Zephyr. "Hindi," pagsisinungaling niya.

"Hindi ka magaling magsinungaling. Halatang-halata na sa boses mo, ayaw mo pang aminin. Ano ang problema?"

"Wala nga."

"Pupunta ako riyan. Mag-uusap tayo." Nawala na ito sa kabilang linya.

Bagsak ang mga balikat na naupo siya sa kama. Nasapo niya ang kanyang mukha. She just hurt someone and it was killing her.

Hayaan mo na 'yon, bagay lang 'yon sa malditang 'yon, bulong ng isang bahagi ng isip niya. Pero kahit na gaano pa kasama ang isang tao, wala pa rin siyang lisensiya na saktan ito sa kahit na anong paraan.

Ilang saglit pa ang lumipas nang marinig niya ang sasakyan ni Zephyr. Pati ang tunog ng sasakyan nito ay nakabisa na rin niya. Hindi na niya hinintay na tawagin siya nito. Lumabas na siya ng bahay.

Nakakunot ang noo ni Zephyr nang maabutan niya ito. "Ano ang problema?" tanong nito.

Nakalabing yumakap siya rito. Kahit paano ay gumaan ang pakiramdam niya nang haplusin nito ang likod niya.

"Ano ba ang nangyari?" tanong nito.

"Nagkasagutan kami ni Joan," pag-amin niya rito, saka kumalas sa pagkakayakap dito. "Kasi naman siya. Nilait niya ang mga libro ko. Hindi ko naman siya gustong pagsalitaan ng hindi maganda, eh. Masyado lang akong naapektuhan sa mga sinabi niya."

"Alam mo, natural na 'yang mga ganyang hindi pagkakaintindihan. Hayaan mo na. Magiging okay rin kayo." Inakbayan siya nito.

Humawak siya sa baywang nito. "First time ko kasing makipagsagutan nang ganoon. Hindi ko nga alam na kaya ko siyang pagsalitaan ng hindi maganda, eh. Hindi naman pala talaga ako mabait na tao," she said guiltily.

"Mabait ka, Gladys. Ikaw talaga. Saka ano naman kung nagkasagutan kayo? Normal lang 'yan, tao ka, eh. Ang abnormal, lahat ng tao ay close mo. Tao ka lang. Isa pa, may karapatan kang sabihin ang nais mong sabihin. Kung siya naman ang nagsimula, problema na niya 'yon. You just gave her a dose of her own medicine." Nakalabing tiningnan lang niya ito. "Do you want me to talk to her?" tanong sa kanya ni Zephyr.

Bigla siyang naalarma. Bumitiw siya sa pagkakahawak sa baywang nito. "Ayoko. Huwag na. Hayaan mo na ang Joan na 'yon," pagpoprotesta niya. Kapag nagkausap kasi ang dalawa, tiyak na magkakaroon na naman ng pagkakataon si Joan na akitin si Zephyr.

"Bakit?" nagtatakang tanong nito.

"Basta ayoko."

"Bakit nga?"

"Dahil ayaw kong kinakausap mo siya!" wala sa loob na bulalas niya. Natutop niya ang kanyang bibig. Oh, God. Ano ang ginawa niya? Iyon na ba ang tamang panahon para sabihin niya rito ang nararamdaman niya.

"Bakit?"

Humugot siya ng malalim na hininga. This is the moment. Hindi na niya pinigil pa ang kanyang sarili. "Manhid ka ba? Hindi mo talaga alam?"

"Ang alin?"

"Ano ba naman, Zephyr. Hindi mo alam na gusto kita? Hindi mo ba talaga nararamdaman 'yon? I've been here all along making you feel good about yourself. Ginagawa ko ang lahat ng 'yon dahil espesyal ka sa akin. At ayaw kong lumalapit ka kay Joan dahil alam kong may balak siyang akitin ka. Ang manhid-manhid mo naman." Akmang tatalikuran niya ito nang pigilan siya nito sa braso.

Muntik na siyang himatayin nang kabigin siya nito at angkinin ang kanyang mga labi.

It was her first kiss. She closed her eyes and let his lips do the work. Mayamaya ay tumugon siya sa halik nito. In all fairness, fast learner siya. Saka lang pinutol ni Zephyr ang halik nang pareho na nilang kinailangan ng hangin para huminga.

In Love With A Love Guru by Andie HizonTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon