Ang 'Di Matitibag na Haligi

7 1 0
                                    

    Third Person's POV        

Sa dulo ng isang malawak na karagatan ay matatagpuan ang munting bayan ng Orion. Payapa ang lugar doon. Pawang mga kaluskos ng dahon mula sa mga puno't halaman ang mauulinigan mo tuwing gabi. Kakaunti lamang ang mga kabahayang nakatirik doon at karaniwang yari sa mga pinagtagpi-tagping kahoy at iba pang mga mumurahing materyales.

Pangingisda ang pangunahing hanapbuhay ng mga tao roon at kuntento na sa payak na pamumuhay na mayroon sila. Ang pamilyang Romulo ay naninirahan malapit sa dalampasigan. Ang kanilang tahanan ay maikukumpara sa isang kubo dahil sa liit nito.

Isang masayahing bata si Ana, mahilig kumain ng mga matatamis, palatawa at maraming kaibigan. Bigyan mo lamang ito ng isang lollipop ay tiyak na sisilay na ang abot tenga niyang ngiti. Kinagigiliwan siya ng mga tao doon at lalong lalo na ang kanyang mga magulang na sina Isabella at Romano. Laking pasasalamat nila sa Diyos dahil pinagkalooban sila ng anak na gaya ni Ana.

Wala na silang mahihiling pa. gayon na lamang ang kanilang pagkabigla nang sumapit sa ika-pitong gulang si Ana. Nagsimula nang lumitaw ang mga maliliit na bukol sa palibot ng kanyang katawan na kalaunan ay nagiging sugat na nangingitim o kaya'y namumula at minsa'y tumatagas dito ang puting likido na may halong kaunting dugo. Mahapdi ang mga sugat nito lalong lalo na kapag nababasa.

Labis na nabahala sina Isabella at Romano sa kalagayan ng anak. Kumonsulta sila sa iba't ibang albularyo na nagmula pa sa malayong lugar subalit ni isa sa kanila ay walang nakapagsabi kung ano talaga ang karamdaman ng bata at kung ano ang maaaring gawing panlunas dito. Ang dating masayahing si Ana ay naging malungkutin at iyakin. Nilayuan siya ng kanyang mga kaibigan dahil sa hindi pangkaraniwang sakit.

Walang nagtatangkang lumapit kay Ana dahil diring diri ang mga ito sa kanya at nag-aalala baka mahawa pa sila sa sakit niya. Naging tampulan ng tukso si Ana. Malimit siyang tawaging "pangit", "nakakatakot", "anak ng engkanto" o kaya'y "anak ng kapre" at iba pang masasakit na salita na nagmula pa sa mismong bibig ng mga itinuring niyang kaibigan. Lubhang nasaktan ang damdamin ni Ana. Dahil sa labis na kalungkutan, napagdesisyonan niyang manatili na lamang sa loob ng bahay upang makaiwas sa tukso at panghuhusga.

Sinikap ng mag-asawa na mag-ipon ng sapat na pera upang maipatingin sa doktor ang kakaibang sakit na dumapo sa kanilang anak ngunit ilang ospital na ang napuntahan nila ay hindi pa rin matukoy ang tunay na karamdaman ng bata. Lumong-lumo sila sa bawat ospital na kanilang napuntahan sapagkat pare-pareho lamang ang sinasambit ng mga ito-hindi nila alam ang tunay na sakit ng bata at hindi nila tiyak kung may lunas pa ba ito.

Wala nang nagawa pa sina Isabella at Romano kundi tanggapin na lang na wala ng lunas sa karamdaman ni Ana. Hindi napigilang mapahikbi ng mag-asawa sapagkat nawalan na sila ng pag-asa na gagaling pa mula sa hindi pangkaraniwang sakit ang anak.

Tahimik na nakaupo sa isang silya si Romano at lihim na tinatanaw ang anak na nakahiga sa katre. Nakatingin sa kawalan ang bata at ang mga mapupungay nitong mga mata'y pulang pula dahil sa labis nitong panaghoy. Masakit para kay Romano na makita sa ganoong kalagayan ang anak subalit wala siya magawa.

Sumulyap siya sa magandang mukha ng asawa na tila tumanda ng ilang taon dahil sa lungkot na nadarama. Napuna niya ang hapong hapo nitong mga mata na nangingitim sa bandang ilalim dahil sa madalas itong hindi makatulog sa gabi. Kanina nga'y nagbaka sakali silang muli na tumungo sa pagamutan ngunit umuwi ring walang napala.

Ibinuhos ng mag-asawa ang atensyon sa kanilang anak. Dapat nila itong pasayahin sa mga araw pang lilipas. Nagsumikap pang lalo si Romano sa paghahanapbuhay at minsa'y nagtutungo ng bayan upang bilhan ng laruan at paboritong lollipop ang anak upang kahit papaano'y maibsan ang kalungkutang nadarama nito. Tuwang-tuwa ang anak sa dala nitong pasalubong kaya dinalasan niya pa ang pagbili ng mga ito.

Ang 'Di Matitibag na HaligiTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon