Ngayon ay parang laro, sabay tawa
Habol-habolan, ikaw ang taya
Kung merong isang tao na kabisado ang bawat kanto ng aking utak at liko ng bituka, si Niña na siguro ‘yun. O, at least ang dating Niña.
Si Niña ay anak nina Tita Tetch at Tito Jun na best friends nina Mama at Papa. Magkapitbahay kami at sa parehong eskwelahan kami nag-aaral kaya we share a lot of childhood memories. Maliit pa lang kami, naging katuwaan na rin kasi nina Mama at Tita na bilhan kami ng magkakaternong damit, at ilang beses na rin nila kaming isinali sa mga Little Mr and Miss contests. Kaya bata pa lang kami ni Niña ay palagi na kaming tinutukso sa isa’t-isa.
Bida pa nga ni Mama, noong nasa Kinder daw kami, nagplano kaming magtanan para magpakasal. Luh. Ilang daang beses na itong paulit-ulit na ikinwento ni Mama at ni Tita, at ilang daan beses na rin kaming napahiya ni Niña sa harap ng maraming tao. I guess mae-experience ko na naman ‘yun today.
“Imagine. Six years old lang ‘tong si Charles, at kaka-five lang niyang si Niña, pero alam niyo ang ginawa?” umpisa ni Mama. “Nagtanan! Tinamaan ng magaling.”
“Marekoy, hindi naman sila nagtanan. Muntik na,” dugtong naman ni Tita.
“Ang pasimuno, siyempre ang aking lalaksot na si Charles.”
“Nag-field trip sa Manila Zoo ang klase nila. Aba, at itong si Charles, sinabihan si Niña na magkita raw sila sa harap ng hayop na may mahabang leeg at doon sila magpapakasal,”natatawang kwento ni Tita.
Magkakatinginan sina Mama at Tita at bago pa man maituloy ang sinasabi, hahagalpak sila ng tawa habang nakaabang naman at sabik sa susunod na takbo ng kwento ang nakikinig.
Ping.
RAYT: San ka? Basketball tayo kina Mccoy.
Imbes na muling mapahiya, pinili ko na lumabas na lang ng bahay at puntahan ang mga kaibigan ko. Papalabas na ako ng gate nang…
“Hoy, Ostrich!” Si Niña.
“Oh.” Parang may kakaiba sa itsura niya ngayon.
“Kumusta?” bati niya sa akin. Naka-itim na T-shirt at pantalon si Niña. Naka-tsinelas lang siya at hawak ang kanyang cellphone. Ano na naman kayang trip nito?
“Sakto lang. Magba-basketball kami ni Rayt. Sama ka?”
“Hindi na. Alam ko naman na bano kayo sa basketball, baka mapahiya pa kayo,” sabi ni Niña, malapad ang ngiti.
Lakas. Hindi sa pagmamayabang, ako ang ace player ng varsity team, at alam ko na inaasar niya lang ako.
“Okay,” sabi ko. Hindi ko na pinatulan ang pang-aasar niya kasi laging ako ang talo sa huli.
Tumawa lang nang mahina si Niña. Mahaba ang itim na buhok ni Niña. Mahaba rin ang kanyang mga pilik-mata, at manipis ang kanyang mga labi na nakukulayan ng dark lipstick.
“Bakit?” Nahalata niya siguro ang pagsipat ko sa kanyang itsura.
“Bakit ang panget mo pa rin?” umpisa ko.
“Ay, wow.”
“I mean, sina Samantha at Jelline anglaki ng iginanda over the summer. Pero ikaw?” Shit. Naiinis na siya. Wrong move.
“Ha! Anggwapo mo eh. Kakahiya naman sa’yo, Baboy!” Nakakunot ang kanyang noo at nakanguso ang labi, and I can’t help but smile.Mukhang mananalo ako today.
“Giraffe,” sabi ko.
“Ostrich. Baboy. Ostrich. Baboy.” Pang-aasar ni Niña.
Hanggang sa magtatawanan na lang kami kasi sobrang weird ng nangyari sa field trip sa Kindergarten.
“Sandali,” sabi niya, “May pabor ako.”
“Ano ‘yun? Bilisan mo kasi naghihintay na si Rayt.”
“Ayiiee. Kayo na ba ni Rayt? Sinagot ka na ba niya?”
“Baliw.”
Tatawa siya nang walang tunog maliban sa mala-batang halakhak sa dulo. Medyo weird ang habit niya na’to pero nakasanayan ko na rin.
“Kilala mo ba ‘yung si Ryle?” sa wakas ay tanong ni Niña.
Ryle? Ryle Santiago? Siya ang leader ng isang banda sa school. Naging magkagroup kami sa isang project kaya medyo naka-close ko siya pero,“Hindi,” sabi ko.
“Sinungaling! Magkausap kayo nung isang araw sa may cafeteria. Nakita ko.”
“Oh, selos ka? Kaibigan ko lang ‘yung si Ryle. Alam ko naman na matagal mo na akong crush, Nina, pero…”
“Feelingero,” naiinis na sagot niya. “Eh sino kaya ang may crush kay kanino? Sa pagkakaalam ko, ikaw ang nagyaya na pakasalan ako Kinder pa lang.” Halos pabulong niyang dagdag.
Kaya alam ko na never akong mananalo sa asaran kasi lagi siyang may alas. Kindergarten. Ugh.
Nagsimulang mag-init ang pisngi ko. Kahit pa ilang beses na akong tinukso ng mga tao dahil dun, bihira lang na ungkatin ni Niña ang kwentong ito.
“Crush mo ‘ko, ‘no? Ayieee… Ostrich.”
Ano bang problema mo, Niña? Eh ano kung crush kita? Parang tanga.
“Hindi,” sagot ko.
“Eh bakit namumula ang tenga mo? Ayieee…”
“Hindi ah. Eh, ano bang kailangan mo kay Ryle?” sabi ko na lang para maiba ang usapan.
Tatawa ulit si Nina nang walang tunog kasi alam niya na panalo na naman siya.
“Wala naman. Gusto ko lang kasing maging member ng school band. Ilakad mo naman ako,” sabi ni Niña. Kaya naman pala. That explains the whole gothic look. Emo music kasi ang trip ng banda ni Ryle. Sikat si Ryle sa school dahil magaling siyang maggitara at marunong rin kumanta.
“Crush mo?” Bakit ba ako napipikon?
“Oo. Bakit? Crush mo rin?”
“Maria Vivoree Niña.”
“Oh, bakit Charles Kieron John?”
“Ewan ko sa’yo. Hindi kami close. Pero kilala siya ni Rayt. Titingnan ko.”
“Ayan ang gusto ko sa’yo eh,” iaangat niya ang kanang kamay para makipag-high five.
‘Yun lang? Ako, marami. Ang gusto ko sa’yo kaya mong sakyan lahat ng trip ko. Magaling ka kumanta. Maganda ka. Mabait ‘pag tulog. Malambing sa magulang. Matalino. Malambot ang buhok.
Imbes na makipag-apir, aabutin ko ang buhok niya at guguluhin ito. Asar na asar niya akong gagantihan ng hampas. Tatakbo ako palayo kay Niña at sa feelings na hanggang ngayon ay hirap na hirap akong itago.
======
verse 2: niña
(02.0X.2019)chorus: charles and niña
(02.0X.2019)