Sa Ngalan Ng Pinggan

17 2 0
                                    


Nanay ako'y mayroon sa inyong hinihiling
Isipan sana'y magising
Sa gabundok na mga platong sa kusina nati'y nagniningning
Wala akong anting-anting
Sa gawaing-bahay naman ay hindi ako umiiling
Ngunit dito sa lababo'y huwag niyo akong ilibing

Isa lamang ang nais ko matapos ang kainan
Ako'y huwag ninyong ituturo upang maghugas ng pinggan
Sa lamesa ay paringgan
Ako lang ba ang nagiisang masipag sa'ting angkan?
Bigyang-pansin si Bunso na lumalamon din naman

Kay hirap namang kuskusin ng kutsara't tinidor
Malangis pa ang kawaling tila pinagpawisang kargador
Kaldero'y anong itim,singkulay ng labintador
Ang pamunas pa ng pinggan ay inyong lumang pasador

Nanay ako'y huwag na huwag ninyong susubukan
Baka dito sa kusina'y magkaroon ng himagsikan
Uugong ang kalayaan
Lilipad ang mga baso't aabot sa kalawakan
Madudurog sa lansangan
At ang pitsel at platito'y mauuwi sa karimlan

Hindi ko mapigilan na sa kusina'y magdabog
Ang bandehado'y iumpog
Isako nga ang mga plato't sa poso negro'y ilubog
Magkadurog-durog
Magkalasog-lasog
Isama na rin ang tamad na si Bunsong naghahambog

Kung gaano kalinamnam ang ulam na inihain
Paboritong putahe at mainit na kanin
Ganoon din kapait ang paghuhugas sa damdamin
Mabuti pang pumutol ng dahon ng saging
Ilapag sa lamesa at doon na lamang kumain

Sadyang sinungaling yaong mga patalastas
Doon ay ipinapakitang kayo itong naghuhugas
Isang piga,isang punas
Hindi naman sa pamumuna't direktang pamimintas
Ngunit pagdating sa lababo'y kaming anak ang bumabatas
At unti-unting nauutas

'Masarap lamang ngumuya ng putaheng katakam-takam
Ngunit ang maghugas ng kubyertos ay sadyang kasuklam-suklam
Kaya't aking dinadalangin sa Diyos na may alam
Na maglaho ang kagutuman at sikmurang kumakalam

Ako naman ay mabait at di gaanong suwail
Tanging sa paghuhugas lumalabas itong pangil
Umaalma't umaangil
Sabihin niyo mang ako'y isang anak na inutil
Ngunit sa lababo'y hinding-hindi ako hihimpil!

(Ang nilalaman ng tulang ito ay pawang kathang-isip
Baka presyon niyo ay tumaas at ulo niyo ay uminit
Huwag kayong mapipikon o kaya'y magagalit
At baka ang baon ko'y malagay sa panganib)

Makatang Kulang Sa ArugaWhere stories live. Discover now