See It To Believe It

19 3 0
                                    

Story 1: KALUSKOS

MAINIT!

Agad na bumangon si Lena at hinimas ang tiyan niya. Naalimpungatan kase siya dahil sa init. Normal lang naman na sa kanya ang maalimpungatan sa hatinggabi magmula ng magsimula ang panahon ng tag-init kaya sanay na siya.

Dahan-dahan niyang inangat ang braso ng kanyang anak na panganay mula sa pagkakakapit sa bewang niya. Napangiti siya habang ginagawa ito. Lagi kase siyang niyayakap ng anak habang natutulog, baka daw kase mawala siya.

Sa sala lang sila natutulog dahil mas presko dito kaysa sa kwarto nila. Ayaw nilang mag-aircon dahil tataas na naman ang bayarin nila sa kuryente.

Ingat na ingat si Lena habang naglalakad papuntang balkonahe. Baka magising niya ang mga kasama sa bahay lalo na ang nanay niya, madali pa naman itong magising dahil sa katandaan.

Hawak-hawak din niya ang tiyan niyang may kalakihan na. Walong buwan niya nang ipinagbubuntis ang pangalawa nilang anak ng asawa. Kahit masakit ang tiyan, pilit pa rin siyang naglakad.

Nang makaupo na siya sa upuan nila sa balkonahe, nakahinga siya ng maluwag. Hindi na masyadong naninigas ang tiyan niya. Medyo presko na rin ang hangin pero kinuha niya pa rin ang pamaypay sa mesa katabi ng upuan at nagpaypay. Narerelax kase siya 'pag ginagawa ito.

Ilang minuto rin siyang nakaupo sa balkonahe. Tahimik at masarap sa pakiramdam dito kaya naman napagdesisyunan niyang umidlip na lang dito kaysa bumalik sa loob.

MAINGAY!

Napadilat siya nang marinig ang kahulan ng mga aso. Pati ang matandang aso ng kapitbahay nila na bihira tumahol ay nakikisali sa pyesta ng mga aso.

Bumangon siya at sumilip sa labas. Baka may magnanakaw nang umaaliga sa kalsada kaya nagkakaganyan ang mga hayop. Bubuksan na sana niya ang pinto ng bahay nila nang may maamoy siyang kakaiba.

MAANGHIT!

Napatakip agad siya ng ilong. Hindi niya kinaya ang masangsang na amoy. Para bang may naaagnas na daga malapit sa kanya.

Patuloy pa rin ang ingay ng mga aso pero kung kanina ay tahol lang, ngayon ay alulong na.

Papasok na sana siya sa loob nang may narinig siyang kaluskos sa bubong ng balkonahe nila. Kinilabutan siya. Pano na lang kung magnanakaw ito? O kaya naman ay...tiktik?

Akala niya hindi siya makakaramdam ng tiktik magmula ng umalis sila sa Bicol para lumipat ng tirahan dito sa Bulacan. Ang alam niya, sa probinsya lang naman merong mga ganitong kababalaghan. Medyo urbanized na ang tinitirhan nilang lugar ngayon pero probinsya pa rin ito.

"Sino yan?", tanong niya sa kawalan.

Walang sumagot.

Nanahimik ang paligid.

Napasapo ng ulo si Lena. Guni-guni niya lang ata ang mga naririnig niya. Kasama lang ito siguro ng pagbubuntis niya. Napailing na lang siya at akmang papasok na sa sala nang marinig niya muli ang kaluskos ng mga paa sa bubong.

Kinuha niya ang buntot ng pagi na nakasabit sa bintana at pinaghahampas ito sa bubong ng balkonahe habang naglalamuda.

"Lumayas ka dito! Tarantado ka! Hindi mo makukuha anak ko! Gago ka! Layas!"

Patuloy niya lang ito ginagawa. Hindi niya alintana ang mga kapitbahay na mabubulabog niya o ang mga kasama niya sa bahay na magigising. Ang importante para sa kanya ay mapalayas ang demonyong nanggagambala sa kanya.

Matapos niyang lamudain ang demonyo sa bubong nila, narinig niya ang malakas na yapak ng paa. Para bang tumalon ito papunta sa iba pang bubong. Kasabay nito ang pagkawala ng nakakaalibadbad na amoy.

R-A-N-D-O-MTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon