Ang Manunulat

60 1 0
                                    

Ang Manunulat (Isang maikling kuwento)
© grotesquepen. All Rights Reserved.

+++

Kasabay ng kaniyang pag-upo sa malambot na kama ay ang pagpatak ng ulan sa kanyang bintana. Tumalon ang mga aklat na nakapatong, pati ang bolpen at isang munting kuwaderno na tila nakaramdam sa kaniyang presensya. Hindi pa nasusuyo ng suklay ang kaniyang buhok mula sa kaniyang paggising ngunit hindi niya iyon alintana. Kinuha niya ang bolpen at kwaderno, huminga nang malalim, at nagpakalunod sa sarili niyang haraya.

Tila mahika ang pluma na lumalabas sa dulo ng kaniyang panulat. Walang kahulilip ang kapayapaang bumabalot sa kaniyang kaluluwa. Ang mga salita ay sumasayaw sa saliw ng paghimig niya sa isang awiting natutunan niya pa sa kaniyang lola. Kung titignan ay lantay lamang ang pares ng isang pirasong papel at mga salitang nakaukit dito ngunit iyon ay hindi hungkag. Tulad ng isang bahaghari, pagkatapos ng pagtangis ng langit ay paglabas ng isang tanawing hindi matatawaran sa taglay nitong yumi at ganda.

Sa huling patak ng tinta ay isinara niya ang kuwaderno nang may malamyang ngiti-umaasa. Tumayo siya't bahagyang inayos ang sarili. Dala-dala ang mabulaklak niyang payong, katulad ng pabangong iwinisik niya sa kaniyang leeg, ay naglakad siya tungo sa kanlungan ng isang taong kahiraman na niya ng suklay noon pa man. Nakangiti itong bumati sa pagbukas niya ng pinto. Ibinigay niya ang kuwaderno't ipinabasa ang hinabing akda. Nakalalango at tunay na nakararahuyo ang bawat salita.

Tinignan siya ng lalaki't sinabi, "Masaya ako't nahanap mo na ang makapagpapatibok ng iyong puso. Parehas tayo."

Lumakas ang dagundong sa dibdib ng dalaga, tila nagkaroon bigla ng naninirahang daga rito.

"Naalala mo ba ang kaibigan nating humayo tungong ibang bansa? Ako'y labis na nagagalak sa pagbabalik niya. Siya."

Kasabay ng paghina ng ulan ay ang pagbagsak ng kanyang ngiti.

"Maswerte ang lalaking naibigan mo. Sino?" tanong ng binata.

Pilit niyang ibinalik ang kurba sa kaniyang mga labi. "Ikaw," bulong ng kaniyang puso't isip-ngunit alam niyang ang bulong na ito ay salat upang marinig ng lalaking nakaupo sa harapan niya.

Nagpaalam siya't lumabas. Katulad ng talon, hindi mapilgilan ang pag-agos ng luha mula sa kaniyang mga mata. "Ikaw," bulong niyang muli. "Sampung taon..."

Tumila na ang ulan at sa di kalayuan, naroon ang bahaghari. Hindi pa tapos ang kaniyang pighati at yaon ang pag-asa, malayo, hindi kailanman makukuha. Tama siya. Sana'y kinulong na lamang niya sa kaniyang haraya ang damdaming hindi kailan man maibabalik ng lalaking kaniyang sinisinta.

+++

091114

eh kasi nahirapan akong gamayin ulit ang Filipino writing, ayan TT___TT tapos medyo hindi pa pormal. magpapakamakata na ako. Joke. Anyway, kaartehan lang tong note na to. Bye, have a good day!

Naabot mo na ang dulo ng mga na-publish na parte.

⏰ Huling update: Sep 27, 2014 ⏰

Idagdag ang kuwentong ito sa iyong Library para ma-notify tungkol sa mga bagong parte!

Ang ManunulatTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon