Sa Likod Ng Tinta

154 17 0
                                    

nung isinusulat ko pa lamang itong tula
hindi ko alam kung paano ba uumpisahan

ang hirap naman kasing simulan

kung tayo ay malapit na sa katapusan

oo sobrang hirap letrahan

lalo na yung mga panahong hindi mo man sabihin pero ramdam ko na gusto mo na akong iwan

pero ako'y nagbulag-bulagan

kunwari hindi ko alam

iniiwasan ko yung mga bagay
na pwede nating pag-awayan

kasi...

kasi magkakaroon ka ng dahilan
para umalis ng tuluyan

nakikinig ka ba?

isa ka ba sa mga nakaupo diyan sa baba?

o baka naman nasa labas ka

nagtatago kasi ayaw mong malaman nila

na ipinagsisigawan kong mahal

mahal na mahal kita

pero matanong lang kita
ilang tula na ba?

ilan na bang kanta?

pati mga nobela

na sinulat ko para sa'yo sinta

na iyo namang binabalewala

parang sa'yo ay walang halaga

wag kang mag alala

paubos na

paubos na ang aking tinta

dahil...

dahil kung hindi mo nahalata

lahat ng ibinigay kong sulat

isa lamang ang ginagamit kong panulat

at sinabi ko sa sarili na kapag ang tinta ay nakonsumo na't lahat

ito na ang hudyat

ito na ang hudyat

upang mga mata ko ay imulat

at magising sa katotohanang sa kabila ng lahat

ang mga binigay ko'y hindi pa rin sapat

mahirap...

mahirap magpanggap na tanga

yung kunwari hindi mo pa alam na niloloko ka na

yung kunwari nakangiti ka pero gusto mo nang umiyak pero ayaw mong makita niya

ayaw mong makita niya

na pinanghihinaan ka

kasi baka bigla niya sabihing...

kakapit ka pa ba?

kasi bibitawan na kita

mga salitang ayaw kong marinig

lalo na kung manggagaling sa 'yong bibig

dahil baka sumabog na itong dibdib

pero ayokong magtanim ng galit

kahit pa di mo sinasabi ang dahilan kung bakit

ang sabi mo lang ay "basta... basta"

na ang totoong ibig sabihin ay "sumuko ka na... sumuko ka na"

anong sakit

na gunitain yung ating mga nakasanayan

yung mga nakakatawa nating kalokohan

yung mga kulitan, asaran, tawanan pati iyakan

yung mag aaway pa tayo para lang maglambingan

naaalala mo pa ba ang mga yan?

at kung kunwari ay di mo na matandaan

marami pa...

marami pang sariwa pa sa aking alaala

mga alaalang nagpapaalala

na minsan isang araw
naging tayong dalawa

at isa sa mga lagi kong naaalala

na talaga namang hindi ko mapigilang mapatawa

ay yung mga gabing tayong dalawa ay hihiga sa gitna ng kalsada

manonood sa mga tala

palibhasa'y ang mga sasakyan ay wala na

hindi tayo nangangamba...

hindi tayo nangangamba

na may darating pa na iba

at hihiling...

na sana gabi lang ang meron
at wag nang sumapit ang umaga

pasensiya na...

pasensiya na kung sa tuwing magkasama tayo ay lagi akong natutulala

pasensiya na

kung ayaw mo sa pagsusulat ko dahil hindi mo hilig ang tula

pasensiya na

kung madrama akong magsalita

pasensiya na

hayaan mo...

ito na ang huling kabanata

dahil lumalabo na itong tinta

at oo.. ako ay sumumpa

na hanggang sa huling letra

na maipipinta

ng panulat kong naghihingalo na

hanggang sa huling sandali nais kong ipadama

na sa likod ng tinta...

ay ang aking pagsinta

at kung dati binabasa mo lang
ngayon maririnig mo na

at dahil sa mga nagvivideo
baka sa mga susunod na araw ay mapanood mo pa

kaya lulubus-lubusin ko na

tutal tinataktak ko na sa lamesa

ang panulat kong wala nang ibubuga

ang panulat kong parang ikaw...

malapit nang mawala

nararamdaman kong ito na ang mga huling kataga

sapagkat anumang oras ay maaari na lamang na hindi ko na makita

ang itim na tintang dati ay

Naabot mo na ang dulo ng mga na-publish na parte.

⏰ Huling update: Mar 27, 2019 ⏰

Idagdag ang kuwentong ito sa iyong Library para ma-notify tungkol sa mga bagong parte!

Sa Likod Ng TintaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon