Discussion 25: Friend turned to ArchenemyMatagal na silang naghihintay ni Leon sa labas ng Delivery Room. Ganoon ba ang lahat ng nanganganak, inaabot ng halos dalawang oras?
"Bakit wala pang lumalabas na doktor, Leon?" reklamo ni Ervin habang pabalik-balik siyang naglalakad paroon-parito. Hindi siya mapanatag dahil nanay niya ang nasa loob.
Kumunot din lalo ang noo ni Leon. Pansin din sa mukha nito ang namuong pawis na hindi man lang nito nagawang punasan.
"Hindi ko rin alam, bata. Hintayin na lang natin. Mayamaya lang lalabas na sila bitbit ang kapatid mo," anito.
Kumalma si Ervin sandali at nakapagtiyaga pang maghintay nang kaunti. Nang hindi niya na makayanan, naglakad na talaga siya para sumilip sa Delivery Room na sakto namang bumukas ang pinto. Lumabas ang lalaking naka-scrub suit na may bakas pa ng kaunting dugo. Ngunit kapansin-pansin ang madilim na mukha nito.
Lumapit siya para tanungin ang lagay ng nanay niya at ng kapatid niya. Ganoon din ang ginawa ni Leon.
"Dok, 'yong nanay ko po tsaka si baby? Kumusta po sila?"
"Dok, kumusta ang asawa ko?"
Hindi kaagad nagsalita ang kausap nila. Nakaramdam lalo ng kakaibang kaba si Ervin.
May masama bang nangyari sa nanay niya?
"Dok, 'yong nanay ko nga! Ayos lang ba siya?!"
Dito na nag-angat ng mukha ang doktor at ang mga lumabas sa bibig nito ang gumunaw sa mundo ni Ervin.
"I'm sorry. We did everything to save your mother but because of unnoticed eclampsia after labor, your mother had a cardiac arrest. We really tried our best but... we're so sorry..."
Hindi niya maintindihan ang mga sinabi ng doktor. Ang malinaw lang kay Ervin, sinasabi nito na wala na ang nanay niya.
Hindi pwede iyon! Madami pa silang plano ng nanay niya! Ni hindi pa nga niya napapaginhawa ang buhay ng nanay niya tapos sasabihin lang ng doktor na 'to na wala na ang nanay niya?!
Sa galit, tinabig niya ang doktor at dumiretso sa Delivery Room. Doon nakita niya na inaayos ng mga nurse ang nanay niya. Lumapit siya dito at pinilit alugin ang katawan.
"Sir, bawal po 'yang ginagawa n'yo," sita sa kanya ng isa.
"Nanay, gumising ka! 'Wag naman 'yong ganitong biro, Nay! Naaaay!"
Kanina lang nagbibiruan pa sila ng nanay niya, tumatawa pa ito dahil sa saya noong sabihin niyang matataas ang ilang grado niya sa klase.
Tangina. Kung alam niya lang na huling usap na nilang dalawa iyon, hindi niya na sana pinutol pa. Sana sinabi niya sa nanay niya kung gaano niya 'to kamahal nang paulit-ulit. Kahit madalas niyang sinasabi 'yon, pakiramdam niya, kulang pa. Na sana mas naglaan siya ng oras para mas mahaba iyong pinagsamahan nilang dalawa.
Sana hindi na siya naging sakit ng ulo. Sana hindi na siya naging pasaway para puro masasayang alaala 'yong meron sila ng nanay niya. Kung alam lang ni Ervin na maagang kukunin ang nanay niya, sana ginawa niya ang lahat para mapasaya ito.
"N-nay, 'w-wag ganito, o... gising ka na... magpapakabait pa ako lalo... Nay... 'wag mo akong iwan, Nay!"
Humagulgol si Ervin. Sa isipin pa lang na bukas, wala na ang taong gigising sa kanya, 'yong laging nagpapayo sa kanya, iyong nanay na nagmamahal sa kanya... parang hindi niya kaya...
BINABASA MO ANG
Si Teacher Kong Gangster VOLUME 1 (COMPLETED)
Humor"'Wag na 'wag kang maniniwala sa sinasabi ng iba tungkol sa'yo. Alam mo kung saan ka dapat maniwala? Sa sarili mo. Magtiwala ka na kaya mo. Patunayan mong mali lahat ang sinasabi nila sa'yo." Patapon ang buhay. Walang kwenta. Basagulero. 'Yan ang ba...