CHAPTER FIVE

9.2K 148 4
                                    


I'M DREAMING of a white Christmas...

Gumuhit ang mapaklang ngiti sa mga labi ni Happy nang marinig ang kantang iyon sa car stereo. Sumapit na naman kasi ang "Ber" months. September pa lang pero maririnig na sa kung saan-saan ang mga awiting pamasko.

Pinakaayaw pa naman niyang buwan ang December dahil sa maraming kadahilanan. Una, marami siyang dapat regaluhan. Bukod sa marami siyang inaanak sa binyag, sa nature ng trabaho niya ay kailangan talagang maging generous siya tuwing sasapit ang Kapaskuhan. Kabi-kabila na naman ang mga party na kailangan niyang daluhan.

Hay, nakakapagod din... sa loob-loob ni Happy.

Isa pang dahilan, pangatlong Pasko na ngayon na wala siyang boyfriend. Hindi lubos ang kaligayahan niya kapag buwan ng Disyembre dahil hindi maaring hindi niya maalala ang naging breakup nila ni Joey.

Gayonpaman, nalampasan na niya ang masaklap na kabanatang iyon sa kanyang buhay. Napakaganda naman ng kapalit ng kasawian niya sa pag-ibig. Una, pumasa siya sa board exam at isa siya sa mga nanguna sa listahan. Pangalawa, nalula siya nang magdagsaan ang alok na trabaho sa kanya ng mga big-time companies.

Pinili niya ang Villar Group of Companies dahil noong nag-aaral pa siya ay nasubaybayan niya ang track record niyon. At nang makapasok siya sa naturang kompanya ay naging dibdiban ang pagtatrabaho niya roon. Totoong mahigpit ang kompetisyon dahil ang mga kasabayan niya roon ay hindi rin matatawaran ang kakayahan subalit nagsilbing hamon iyon upang lalo siyang magpursige. Determinado siyang magtagumpay. At hindi naman siya nabigo.

Naging mabilis ang pag-asenso ni Happy. Sa loob lamang ng ilang taon ay malaki na ang pagbabago sa estado ng buhay nilang mag-anak. May sarili na siyang kotseng minamaheno. Nakatira na sila sa isang tahimik at magandang town house sa Mandaluyong. Inuupahan lang niya ang town house subalit may nabili na siyang malaking lote sa Bulacan, hindi pa lamang niya napapatayuan ng bahay. Nag-iipon pa siya ng pampatayo roon.

Matagal na niyang pinahinto sa pagtatrabaho ang tatay niya dahil bumagsak ang katawan nito nang minsang dapuan ng sakit. Humina ang baga nito. Pero dahil ito ang tipo ng taong ayaw nang walang ginagawa at hindi sanay na tumunganga lanng sa bahay kaya binigyan niya ito ng puhunan para magnegosyo.

Sa ngayon, nalilibang ito sa pagtitinda ng samut-saring gamit kagaya nang martilyo, lagari, katam, screwdrivers, at kung anu-ano pa. May maliit na pwesto ito sa Mandaluyong Market. Pati nga si Nanay Mila ay nakakaray nito sa pagtitinda.

Natuwa naman siya sa kanyang tatay. Kahit kailan, talagang bahagi na ng buhay nito ang martilyo't lagari. Excited na nga itong maitayo ang bahay nila sa Bulacan. Ipaubaya niya raw dito ang konstruksiyon ng kanilang dream house. Ipinagmamalaki nito sa kanya na wala silang magiging problema sa mga taong gagawa dahil may kontak pa raw ito sa dating mga kasamahan nito.

Sa puntong iyon, talagang proud siya sa kanyang tatay. Kahit grade six lang ang inabot ni Tatay Isko ay  pulidong magtrabaho ito. Masasabi niyang isang work of art ang mga bahay na idinisenyo at itinayo nito gayong wala naman itong formal education o training sa ganoong opisyo. Minana lang nito ang abilidad na iyon sa tatay nito na noong nabubuhay pa ay kilala at mahusay na anluwagi ng Polangui, Albay.

"Puwede na pala akong maestro, anak. Mantakin mong natuto sa akin si Garret. Aba'y magaling na ang damuho, mukhang madadaig pa ako. Samantalang no'ng magsimula ang batang iyon, lahat ng daliri sa kamay, napukpok ng kanyang martilyo. Puro patay na ang mga kuko sa daliri ng loko.

Bakit ba hindi niya maiwasang maalala si Garret?

Kumusta na kaya ang kumag na 'yon? May asawa na siguro... sa loob-loob ni Happy. Hindi niya maintindihan kung bakit nakaramdam siya ng pinong kurot sa kanyang puso.

IBIGIN MO AKO, LALAKING MATAPANG (MEN IN BLUE#26) COMPLETEDTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon