CHAPTER SEVEN

9.6K 158 3
                                    


PANGATLONG bar na iyon na pinasok ni Garret. Hindi niya makita si Jena sa dalawang naunang bar na pinuntahan niya. Bahagyang nanakit ang mga mata niya sa kasusuyod sa bawat sulok ng bar. Nakadalawang shot na rin siya ng brandy at pinigilan na lang niya ang sariling madagdagan pa iyon dahil magda-drive pa siya pauwi.

Akmang uupo na siya sa high stool na nasa harapan ng wine bar nang biglang may nahagip ang paningin niya ng isang babaeng nagsasayaw, napapagitnaan ng ilang babae at lalaki.

She looked stunning. Tila lalong nakadagdag sa kariktan nito ang malamlam na ilaw na tumatama rito.

Heaven's sake! Totoo ba itong nakikita ko? usal ng kanyang isip. Pinagmasdan niya nang maige ang babae. Hindi siya maaring magkamali, si Happy ang nakikita niyang sumasayaw. Noon lang niya ito nakitang nagsayaw nang ganoon, bigay-todo.

Nagtagis ang mga bagang ni Garret nang makita ang isang lalaking kasama nito na tila lasing na at mistulang macho dancer na nagpapamalas ng erotikong sayaw sa harapan ni Happy. At Mukhang okay lang iyon kay Happy. In fact, nagtatawanan ang mga ito.

Nangangati na ang mga paa ni Garret na  lapitan ang mga ito ngunit nagpakahinahon siya. Alam niya, wala siyang karapatang panghimasukan ang personal na buhay ni Happy. Maraming beses na siyang tinalampak nito sa bagay na iyon.

Isang alaala ang mabilis na lumitaw sa kanyang isip...


"KAILANGAN ba talagang kaharap pa ako, Tatay Isko? Palagay ko'y hindi na ho siguro dapat na sumama ako sa inyo. Tiyak na mamasamain ni Happy kapag nakita ako n'on."

"Hindi. Ako ang bahala, Garret. Gusto ko kasi, hindi lang ako ang kakaliskis, kikilatis sa boyfriend na iyon ng aking anak. Gusto kong makarinig ng ibang opinyon, maliban siyempre sa opinyon ni Mila at ni Happy."

Napakamot siya sa batok. "Akala ko'y kung ano nang emergency kaya n'yo ako ipinatawag kay Tano." Mula nang makapasok siya ng trabaho sa isang construction firm ay si Tano na ang pumalit sa kanya kapag may mga tanggap na kontrata si Tatay Isko. Kaya naman hindi pa rin sila nawawalan ng komunikasyon ng matanda. Kahit lumipat na ito ng tirahan, nakukuha pa rin nitong pumasyal sa lugar nila.

Ang totoo,  masakit sa loob niyang Makita si Happy ngayong may boyfriend na ito. Nasasaktan pa rin siya hanggang ngayon. Bagaman may ideya na siya sa bagay na iyon dahil nang minsang magpunta siya sa tinitirhan ng mga ito ay nalaman niyang lumalabas na ang dalaga para makipag-date. Hindi nga ba at nang gabing iyon ay tahasang inamin niyo sa kanya na may nanliligaw na rito? At base sa hitsura ng dalaga ay  mukhang malaki ang pag-asa ng sinumang herodes na iyon na mapasagot si Happy. Ibang klase ang happiness ng dalaga nang gabing iyon.

At pagkatapos, heto si Tatay Isko, pinakikiusapan siyang sumama para daw makilatis nilang dalawa ang boyfriend ng anak nito. May gaganaping maliit na salu-salo sa bahay ng mga ito at darating ang nasabing boyfriend ni Happy para pormal na ipakilala kay Tatay Isko.

Kung alam lang ni Tatay Isko, umiiyak ang kanyang puso nang mga sandaling iyon. Baka hindi niya kayanin at kung ano pa ang magawa niya kapag nakita niyang masayang naglalambingan sina Happy at ang boyfriend nito.

Pero paano nga ba niya tatanggihan ang hinihiling sa kanya ni Tatay Isko? Of all people, ito pa ang matitiis niya? Hindi niya iyon magagawa rito.

"Ang tagal mo naman yatang mag-isip," anito. "Sabi mo'y wala ka namang lakad. Kaya nga ako nag-undertime ngayon para isabay ka na papunta sa bahay. Gumayak ka na, hijo, at nang makaalis na tayo."


DAMANG-DAMA ni Garret ang pailalim na tingin sa kanya ni Happy. Malinaw ang mensaheng nakapaloob doon. Batid niyang hindi ito natutuwa sa presensiya niya. Gayonman, hindi naman nito iyon ipinahahalata sa mga kasama. Civil ang pakikitungo nito sa kanya. Nagawa nitong ipakilala sa kanya ang boyfriend na si Joey de Venecia. Anak-mayaman, guwapo, maporma, at refined kumilos ang lalaki kaya walang dudang may pinag-aralan ito.

IBIGIN MO AKO, LALAKING MATAPANG (MEN IN BLUE#26) COMPLETEDTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon