CHAPTER TEN

9.2K 131 0
                                    


HINDI maiwasang kabahan ni Jena nang maunahan siya ng kanyang ina sa pagbubukas ng kanilang pinto. Nag-aalala siyang baka si Garret na ang dumating at pihadong itataboy ito ng kanyang ina. Alam niyang sa umpisa pa lang ay mabigat na ang dugo ng kanyang ina  sa binata.

Lumabas na siya ng kuwarto. Narinig niya ang boses ni Garret na bumati ng "magandang gabi" sa nanay niya. Mabuti na lang at walang kibong binuksan lang nito ang pinto at iniwan na ang bisita. Bumalik na ito sa tindahan.

Nagkatinginan sila ni Garret. Alam ni Jena, hindi naitago ng makeup ang pamumugto ng kanyang mga mata.

"Hi!" nakangiting bati ni Garret. "Belated happy birthday." May hawak itong naka-gift wrap na kahon.

"S-salamat... Maupo ka."

Naupo ang binata sa pang-isahang sofa.

"Ano'ng gusto mong inumin?" tanong ni Jena.

"Kahit na ano."

Matamlay na nagtungo siya sa kusina. Naglabas siya ng bote ng Coke at saka nag-slice ng Black Forest cake na regalo ng manliligaw niyang si Mr. Cruz. Mayroon pang gift wrap na nakalagay sa isang special na paper bag na hindi na niya pinagkaabalahang tingnan. Kung galing siguro iyon kay Garret, magkukumahog siyang buksan.

Inilapag niya sa center table ang mga pagkain.

Kinuha ni Garret ang baso ng soft drink. "Alam ko, masama ang loob mo sa akin."

"W-wala na iyon. Kinalimutan ko na."

"Ows? Masama pa rin ang loob mo, alam ko."

"Ganoon talaga. Alam ko namang ako ang pinakahuli sa listahan ng mga importanteng tao sa iyo."

"Bakit nga pala hindi ka pumasok? Tinawagan kita sa boarding house n'yo, wala ka raw. Wala ka rin dito. Saan ka ba nagpunta?" pag-iiba nito ng paksa. Halatang hindi ito komportable sa mga sinabi niya.

"Tapatin mo nga ako, Garret. Ano ba talaga ako sa iyo? Mahal mo ba talaga ako?"

May ilang segundo ang pinalipas nito bago magsalita. "Mahal kita... bilang kaibigan, Jena."

Nangilid ang mga luha niya ngunit mabilis niyang pinahid iyon ng kamay.

"I'm sorry. Wala akong intensiyong saktan ka... pero mabuti na iyong maklaro ko na sa iyo. D-dapat nga'y noon ko pa ito ginawa."

"Pero... a-akala ko'y gusto mo  ako.  M-matagal na tayong magkakilala... magkasama..." nahihirapang bigkas niya.

"Inaamin ko, gusto kita. Pero sa paglipas ng panahon, naging malinaw sa akin kung ano ang damdamin ko sa iyo, Jena. Pasensiya ka na. Hindi ko lang agad nagawang maging honest sa iyo. Pero siguro naman... nararamdaman mo iyon sa aking ginagawa."

"I see..." mahinang sabi niya. Ilang sandaling naghari ang katahimikan sa kanilang dalawa bago siya nagpatuloy. "Kagabi ay magdamag akong nag-isip... hanggang kanina, Garret." Pinilit niyang ngumiti. "P-pinag-isipan ko ang sitwasyon natin. Dapat nga talaga ay noon pa kita tinanong. Pero naduwag ako. Natakot ako sa maaari kong marinig sa iyo. Dapat nga, magalit ako sa iyo kasi... kasalanan mo. Hinayaan mo akong maniwalang may... may pag-asa tayo.  May pag-asang maging tayo... " Hindi biro ang pagtitimpi niyang huwag mabasag ang kanyang boses.

"Pasensiya ka na."

"Pero kasalanan ko rin." Pagak siyang tumawa. "Wala kang ipinangako sa akin. Kaya walang dahilan para paghanapan kita ng mga bagay na alam kong mahihirapan kang ibigay sa akin."

"Naniniwala akong makakatagpo ka rin ng lalaking karapat-dapat sa pagmamahal mo, Jena."

"Ewan ko..."

IBIGIN MO AKO, LALAKING MATAPANG (MEN IN BLUE#26) COMPLETEDTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon