Reflection #1
"kristiyanong Pakialamero"
isa sa maraming natutunan ko sa seminaryo habang kami ay hinahanda upang maging isang relihiyosong Salesiano ay ang salitang tinatawag naming "SALESIAN BLASPHEMY". Laking pagkagulat ko nang marinig ko na meron pala kaming sariling blasphemy. ang akala ko ay katulad ito ng paglait o pagkutya sa ngalan ng diyos o kaya naman ay kawalan ng paggalang sa kanya. Ang sabi ng aming Novice Master, ang paring nangangalaga sa aming paghubog bilang mga seminaristang nobisyano, na ngayon ay isan ng obispo, ay hindi dapat ito kailanman marinig na lumalabas sa aming bibig. Hindi kami mabuting Salestiano kapag binabanggit namin ito . Ano ba ang "blasphemy" na ito? Simple lang ito ay ang katagang : "ITS NONE OF MY BUSINESS" sa orihinal na lingguwaheng Italiano ay "NON TOCCA A ME!" SA Filipino ay mas malakas ang dating " WALA AK0NG PAKIALAM !" Ang akala natin ang mabuting pamumuhay ay ang pag-iwas lamang sa kasalanan o pagGawa ng masama . TaMA naman ngunit hindi lang iyon. hindi sapagkat hindi ka gumagawa ng masama ay mabuting Kristiyano ka na. Ang kasalanan ay hindi lang "COMMISSION" Ito rin ay "OMISSION". Anong ibig sabihin nito? Nagkakasala din tayo kapag hindi natin nagawa ang isang kabutihan kapag nabigyan tayo ng pagkakataon. Halimbawa, nakita mong nandaraya ang kasama mo sa trabaho, at pinabayaan mo lang dahilan sa kaibigan mo siya ay nagkasala ka na rin. Nakita mo ang kaklase mong nangongopya sa exam at hindi mo pinagsabihan ... Nagkakasala ka rin. Nagpunta ang barkada mo sa isang masamang lugar, napipilitan ka lang na sumama pero wala kang ginagawang pagwawasto ... kasalanan mo rin ! Ibig sabihin may pananagutan tayo sa maling ginagawa ng ating kapwa! Ito ang pinapahiwatig ng panginoon na : KAPAG SINABI KO SA TAONG MASAMA NA SIYAY MAMAMATAY AT DI MO ITO IPINAABOT SA KANYA UPANG MAKAPAGBAGONG-BUHAY, MAMAMATAY NGA SIYA SA KANYANG KASAMAAN NGUNIT PANANAGUTAN MO ANG KANYANG KAMATAYAN. MAy pananagutan tayo sa ating kapwa. Hindi madali ang pagiging Kristiyano. Kinakailangan nating maging totoo sa harap ng kamalian. Marahil, marami tayong masasaktan at masasagasaan ngunit kinakailangan. Hindi Tayo sisiskat . Mawawala ang "bango" ng ating pangalan sa iba. Kalimitan tayo pa ang magiging Mali . Ngunit Hindi ito ang dahilan upang magwalang kibo na lamang tayo habang ang masamang gawain ay nangyayari sa ating harapan. Ang isang Kristiyano ay PAKIALAMERO. Ngunit ang ating pakikialam ay hindi upang ibaba ang dignidad ng iba o upang ipahamak sila. ang ating pakikialam ay katulad ng pakikialam ng Diyos sa atin. Pakikialam na may masuyong pagmamahal. Ibig sabihin ang layunin natin ay upang ituwid ang ating kapawa at tulungan silang maunawaan ang kanilang maling ginagawa. Hindi tayo dapat magbulag-bulagan at magbingi-bingihan. Ang sabi nga ni Edmund Burke "ALL THAT IS NEEDED FOR EVIL TO PROSPER IS FOR GOOD PEOPLE TO REMAIN SILENT."