Prologue

10.8K 140 5
                                    

HINDI maitago ang excitement ni Jade habang tinatawid nila ng kaibigang si Lara ang makipot na pilapil patungo sa bahay ni Aling Salve. Mahigit limang oras silang bumiyahe mula Maynila hanggang dito sa Brgy. Mancruz sa Tayabas, Quezon at pagkatapos ay naglakad na sila sa malawak na danawang ito. Pagod na siya at pakiramdam niya ay bibigay na ang tuhod niya sa layo ng nilakad pero hindi naman siya makapag-reklamo dahil siya ang talagang namilit kay Lara na magtungo rito.

Habol niya ang hininga nang sa wakas ay narating nila ang kanilang pakay.

“Tao po! Tao po! Aling Salve!” tawag ni Lara nang makalapit sila sa tarangkahan ng bakod na gawa sa kawayan.

Isang matandang babae na palagay niya ay nasa late sixties ang lumabas ng bahay pagkaraan ng ilang sandali.

“Magandang araw ho,” magkasabay na bati nila ng kaibigan niya rito.

“Lara,” napangiting sabi ng matanda nang makilala ang kasama niya. Binuksan nito ang tarangkahan ng bakod. Nagmano si Lara kay Aling Salve. “Kumusta ang Mama mo?” tanong ng matandang babae.

“Okay naman po. Sa susunod na buwan raw ho siya dadalaw rito,” nakangiting sagot ng kaibigan niya. Tahimik lang si Jade sa likuran ni Lara habang hinihintay na ipakilala siya nito sa matanda.

Napatango-tango si Aling Salve at saka siya binalingan. “Mabuti at sinamahan mo na ang kaibigan mo rito. Mukhang matagal na rin niya akong gustong makilala,” anito at nginitian siya.

Hindi nakakibo si Jade sa sinabi ni Aling Salve. Tama ito, ilang buwan na nga niyang kinukulit si Lara na samahan siya rito pero hindi sila agad nagkaroon ng pagkakataon dahil abala sila sa eskuwela lalo pa at graduating na sila ng high school.
Matagal nang naikukuwento ni Lara sa kanila si Aling Salve. Dito raw humihingi ng payo ang Mama ni Lara tungkol sa papasukin nitong negosyo at iba pang bagay. Isang manghuhula ang matandang babae at ayon kay Lara ay wala pa itong hulang sumablay, lahat daw ng sinabi ng matanda ay nagkakatotoo.

Malaki ang paniniwala ni Jade sa salitang kapalaran and she’s a hopeless romantic person. She believes that there’s someone out there destined just for her iyon bang tipong bago pa ipanganak ang isang tao ay naitakda na kung sino ang taong karapat-dapat nitong makasama habam-buhay. At iyon ang dahilan kaya siya naparito. Gusto na niyang malaman kung sino ang taong iyon at kung nakilala na ba niya ito.

“Halina kayo, pasok,” ani Aling Salve na niluwagan ang pagkakabuka ng tarangkahan pagkatapos ay nagpatiuna na ito papasok sa bahay.

Pinaupo muna sila ni Aling Salve sa salas bago ito nagtungo sa kusina. Tahimik niyang iginala ang tingin sa kabuuan ng bahay. Maliit lamang iyon pero malinis at maayos, malayo sa nai-imagine niyang bahay ng isang manghuhula. Walang kung anu-ano’ng weird na dekorasyon tulad ng nasa bahay ng mga manghuhula na nakikita niya sa mga pelikula at telebisyon.

“Hoy!” untag sa kanya ni Lara. “Bakit bigla kang nawalan ng imik diyan?”

“Wala, medyo kinakabahan lang ako,” tugon niya.

Nangingiting napailing ito. “Kumalma ka. Baka naman himatayin ka mamaya sa mga sasabihin ni Aling Salve.”

Ilang sandali pa ay binalikan na sila ni Aling Salve dala ang tray na may lamang tatlong baso ng juice at mga biscuit. Isinilbi nito ang mga iyon sa kanila.

“Pasensiya na kayo diyan, hindi pa kasi ako nakakapamalengke. Ngayon lang kasi bumuti ang panahon, ilang araw rin kasing panay ang ulan rito,” sabi ni Aling Salve na naupo sa tapat ni Lara. Bahagyang yumuko ito at may inabot na bagay mula sa ilalim ng center table. “Bueno, simulan na natin, Ineng,” nakangiting sabi ni Aling Salve kay Jade habang binabalasa ang baraha.

Marahang tango lamang ang itinugon niya habang pinapanood ito. Hindi tulad sa ibang manghuhula, ordinaryong baraha at hindi tarot cards ang gamit ni Aling Salve.

“Hatiin mo sa tatlong bahagi ang baraha,” wika ng matanda at ibinitang nito sa gitna ng lamesa ang mga baraha.

Sinunod niya ito at pagkatapos ay pinakuha naman siya ng matanda ng labing-limang baraha. Isa-isa iyong binuklat ng matanda habang nagsasalita. Positibo ang karamihan ng sinasabi nito. Ayon sa matanda ay magtutuloy-tuloy raw ang paglago ng kabuhayan ng pamilya niya, pero maaga raw magsisipag-asawa ang kanyang mga kapatid. Magiging maayos naman raw ang takbo ng kanyang pag-aaral sa kolehiyo, bagamat sa kalagitnaan raw ay isang pagsubok ang haharapin niya at iyon ang magiging dahilan para magbago ang kanyang isip sa nais niyang tahaking karera. Marami pang sinabi si Aling Salve tungkol sa mangyayari sa kanyang pamilya at future career.

“Akin na ang kanang kamay mo, Ineng,” ani Aling Salve.

Tumalima siya. Tiningnan iyong mabuti ng matanda.

“Mabilis mapalagay ang loob mo sa mga tao. Pero Hija, dapat mag-iingat ka sa mga lalaki. Huwag kang basta-bastang magtitiwala,” ani Aling Salve pagkaraan ng ilang sandali. “Maganda ka kaya marami ang maghahangad sa 'yo, lalo na ang may edad at may sabit na mga lalaki. Mag-iingat ka, may posibilidad na mahulog ang loob mo sa isang maling lalaki,” patuloy pa ng matanda at binitiwan nito ang kanyang kamay. Inipon nito ang baraha at iniabot iyon sa kanya.
“Kumuha ka ng tatlong baraha.”

Sinunod niya ito.

“Isang lalaking may mabuting puso at responsible ang itinakda para sa 'yo,” ani ng matanda pagkatapos nitong tingnan ang mga baraha.

“Kilala ko na ho ba siya o makikilala ko pa lang?” mabilis niyang tanong.

“Kung iniisip mo ang lalaking nanunuyo sa 'yo ngayon ang tinutukoy ko ay nagkakamali ka,” tugon ni Aling Salve.

Hindi siya nakaimik. Paano niya nalaman ang tungkol kay Ivan!? naisaloob niya. Napatitig siya sa matanda, ganito ba talaga ito kagaling at kaya rin nitong basahin ang laman ng kanyang isip? Mahigit isang taon nang nanliligaw sa kanya si Ivan at nahuhulog na rin ang kalooban niya rito kaya nais niyang malaman kung posible bang ang lalaki ang nakatakda para sa kanya.

“Maaaring matagal nang nanunuyo sa 'yo ang lalaking iyon pero hindi mo pa siya lubos na kilala,” dagdag ni Aling Salve. “Makabubuting layuan mo ang taong iyon. Sakit at sama ng loob lamang ang idudulot niya sa 'yo kalaunan.”

“Kung ganoon ho, hindi ko pa nakikilala ang taong destined para sa akin?” tanong niya.

“Hindi pa,” tipid na sagot ni Aling Salve.

“Kailan ko ho siya makikilala?” muling tanong ni Jade.

“Hindi ko masasabi,” pakibit-balikat na sabi ng matanda na nakatingin sa baraha. “Pero makikilala mo siya sa isang 'di mo inaasahang sitwasyon.”

Nangunot ang noo niya. “Wala ho bang clue or sign kung sino siya?”

“Makikilala mo siya sa sandaling magpapalit na ang araw,” ani Aling Salve.

“Midnight?” patanong na singit ng kanina pa tahimik na si Lara.

Tumango ang matanda at kinuha nito ang kaliwang kamay ni Jade. “R-V-T. Iyon ang initials niya,” anito pagkuway.

“RVT?” ulit niya. “Ano po’ng itsura niya? Guwapo ho ba? Mabait? Mayaman?”

Ngumiti si Aling Salve. “Hindi ko 'yan masasagot, Hija. Ang masasabi ko lang ay tanging sa piling lamang niya ikaw magiging maligaya.”

Mabagal siyang napatango-tango. Lalaking may initials na RVT na makikilala ko sa hindi iniaasahang sitwasyon during midnight, tahimik na ulit ni Jade ng mga sinabi ni Aling Salve sa kanyang isip.

“Sa palagay ko, ang mga iyon lamang ang nais mong malaman. Tama ba ako, Hija?” tanong sa kanya ng matanda.

Tumango siya, iyon lang naman talaga ang gusto niyang itanong sa matanda. Hinayaan na niya sina Lara at Aling Salve na magkuwentuhan habang inuubos nila ang meryendang inihain ng matanda.

😊Party of Destiny #11: Searching for the One (COMPLETED; Published Under PHR) Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon