Chapter 3

4K 93 0
                                    

NAPAPAKAMOT sa ulo na isinara ni Jade ang laptop niya. Kanina pa siya may sini-search doon pero bigo siyang mahanap ang pakay. Napasandal siya sa backrest ng upuan at napabuntong-hininga.

Tatlong araw na ang nakakalipas mula nang uma-attend siya sa Party of Destiny pero hanggang ngayon ay hindi mapuknat-puknat sa isip niya ang nangyari doon. Paulit-ulit na nagpa-flashback sa isip niya ang mukha ni Robert at ang mga labi nito. Maging sa panaginip ay hindi siya tinatantanan nito.

Bigla siyang napaayos ng upo nang bumukas ang pinto ng shop at pumasok sina Louise at Anikka. “Thank God, you’re still alive!” palatak ng huli pagkakita sa kanya.
Lumapit ang mga ito sa lamesang kinaroroonan niya at ibinitang ang dala na isang box ng donuts at milk tea.

“Ano’ng ginagawa n'yo rito? Wala ba kayong mga trabaho?” tanong niya.

“Ako mamaya pa, nasa conference pa ang mga doctors sa area ko,” tugon ni Louise na isang med-rep. “Ewan ko lang sa isang iyan.”

“I’m one of the boss kaya wala silang karapatang mag-reklamo. I can leave the office anytime I want,” wika naman ni Anikka kay Louise bago siya binalingan. “We’re here to check if you’re still alive or kung buo kang nakabalik mula doon sa party na pinuntahan mo. Hindi ka kasi nagpaparamdam since that night kaya nag-aalala na kami.”

Noong gabi na nasa Party of Destiny siya ay nakatanggap siya ng tawag mula kay Anikka at nang malaman nito na tumuloy pa rin siya sa pagpunta sa party ay halos mag-hysterical ang babae. Gusto pa sana siya nitong sunduin pero hindi niya sinabi rito kung saan sa Batangas siya naroon, pagkatapos ay pinatayan na niya ito ng cell phone.

“Ang OA mo kasing mag-react palagi,” aniya na binuksan ang box ng donut at kinuha ang pinaka-paborito niyang flavor.

“Ang tigas kasi ng ulo mo! Hindi ka marunong matakot! Eh, kung may masamang nangyari sa 'yo roon?!” halos pasinghal na sabi sa kanya ni Anikka habang si Louise ay kumakain habang nakapanood sa kanila.

“Wala namang nangyari sa akin, 'di ba?” papilosopo niyang sagot.

Naningkit ang mga mata ni Anikka at umakto na tila gusto siya nitong sabunutan. “Sira! Naku ulitin mo pa ang kagagahang iyon talagang masasaktan na kita!”

Napangiti siya. “Don’t worry, hindi na mauulit ang party na 'yon. And besides, kahit maulit iyon wala nang dahilan para magpunta pa ako doon,” aniya at saka uminom ng milk tea.

Nangunot ang noo ng dalawa at naguguluhan siyang tiningnan.

“Totoo ang hula! I finally found him!” tuwang-tuwang anunsiyo niya.

Napailing si Anikka. “Hibang!”

“Talaga?!” ani naman ni Louise pero bigla itong napa-aray nang hampasin ni Anikka sa braso.

“Isa ka pa! Susuportahan mo pa talaga ang kagagahan niyan!” nandidilat na sabi ni Anikka sa babae.

“Totoo talaga,” sabi naman niya. “Lahat ng sinabi ni Aling Salve nangyari. 'Yong initials, 'yong unexpected moment during midnight. Iyon mismo!”

Hindi nagsalita si Anikka, pinag-krus lamang nito ang mga braso sa tapat ng dibdib as if to say na hindi pa rin ito kumbinsido sa sinasabi niya.

“Ano ba’ng nangyari?” usisa naman ni Louise.

Ikinuwento ni Jade sa dalawa ang buong detalye ng nangyari sa party, mula sa pagdating niya sa resort hanggang sa sandaling nalaman niya na RVT ang initial ng lalaking aksidente niyang nahalikan. Tahimik na nakinig ang mga ito, pero si Anikka ay panay ang iling.

“Kahit ako hindi makapaniwala. Destiny talaga, 'di ba?” aniya pagkatapos magkuwento.

“Ewan ko sa 'yo,” ani Anikka habang si Louise ay napakibit-balikat.

😊Party of Destiny #11: Searching for the One (COMPLETED; Published Under PHR) Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon