Chapter 1

21.7K 247 1
                                    

NAHILOT ni Lianne ang sentido niya habang tinitingnan ang mga bills at kung ano-anong papel na nakatambak sa harap niya. Pakiramdam niya ay sasabog na ang utak niya sa pag-iisip ng solusyon sa patong-patong na problemang kinakaharap.

“Okay ka lang ba?” tanong sa kanya ng pinsan niyang si Cecile.

Tiningnan niya ito. “Sa hitsura kong ito, tingin mo ba, okay ako?” puno ng sarkasmong sabi niya.

“Relax, hindi mo ako kaaway,” napapangiting sabi nito at umupo sa kanyang tabi.

Nasa sala sila ng kanilang bahay. Nakasalampak siya sa sahig at nakaharap sa coffee table kung saan nakapatong ang mga bills at samut-saring mga papel. Nakapangalumbaba siya habang pumipindot sa calculator. Tahimik lang siyang pinanood ni Cecile.
Napabuga siya ng hangin pagkatapos ng ilang minutong pagtipa sa calculator.

“Ayoko na talaga!” malakas na sabi niya. “Hindi ko na alam ang gagawin ko!”

Hindi kumibo ang pinsan niya. Sanay na ito sa mga protesta niyang ganoon.

“Kahit na ano’ng gawin ko, hindi pa rin enough ang kinikita natin para sa mga bayarin,” reklamo niya. “Hindi ko na alam kung anong klaseng pagtitipid pa ang kailangan kong gawin.”

“Oo nga. Todo cost cutting na nga ang ginagawa natin. Halos wala na nga tayong tao sa restaurant,” sang-ayon ni Cecille.

Isang restaurant ang pinagkukunan nila ng kabuhayan. Noong isang linggo ay napilitan siyang paalisin ang ibang tauhan doon dahil hindi na rin niya alam kung saan kukunin ang ipampapasuweldo sa mga ito. Isang kusinero at dalawang serbidora na lamang ang natitira niyang tauhan. Sila ni Cecile at ang matalik na kaibigan ng mommy niya na si Tita Emily ang siyang pumalit at gumagawa ng trabahong naiwan ng mga inalis niyang tauhan.

Nang mamatay ang kanyang ina dalawang taon na ang nakalilipas, naiwan sa kanya ang restaurant at pati ang mga problema. Monthly payment para sa pagtubos sa nakasanlang bahay at lupa nila, pampasuweldo sa mga tauhan sa restaurant, at monthly bills tulad ng kuryente, tubig, at telepono—ang mga iyon ang buwan-buwang pinoproblema niya.

“May notice na dumating buhat sa bangko,” aniya at iniabot kay Cecile  ang isang sobre. “Maglilimang buwan na tayong hindi nakakahulog. Ano’ng gagawin natin ngayon?” Mahihimigan ang kawalan ng pag-asa sa kanyang tinig.

Pareho silang nawalan ng imik. Tulad niya ay parang napaisip din ng malalim ang pinsan niya.

“Ano kaya kung isara na lang natin ang restaurant?” suhestiyon nito pagkaraan ng ilang minuto. “'Tapos, ibenta o paupahan na lang natin ang puwesto. Maganda ang location n’on. Kahit kinse mil ang hingin nating renta pupuwede.”

Tiningnan niya ito na para bang nahihibang na ito. “Nagbibiro ka ba? Iyon talaga ang naisip mong solusyon?” Hindi niya naikubli ang inis sa kanyang tinig.

“Lianne, alam kong importante sa 'yo ang restaurant. Siyempre, pinaghirapan 'yon ni Tita—”

“Alam mo naman pala, eh,” putol niya sa sinasabi nito. “Alam mong pinaghirapan iyon ni Mommy, 'tapos sasabihin mo sa akin ngayon na isara na lang 'yon?”

Napahinga ito ng malalim. “Iisang-tabi mo muna ang pagiging sentimental, Lianne. Iniwan 'yan sa 'yo ng mommy mo para pagkunan mo ng ikabubuhay, not necessarily ipagpatuloy mo ang restaurant, pero para magkaroon ka ng panimula sa bago mong buhay ngayong wala na siya. Maging praktikal ka naman.”

Hindi siya kumibo. Madilim ang kanyang mukha habang nakatingin dito.

“Ano ba’ng mas mahalaga sa 'yo, ang restaurant o ang bahay at lupa na ito?” tanong nito.

😊Somewhere I belong (COMPLETED; Published under PHR)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon