Chapter 3

8.9K 150 1
                                    

“NARIYAN ba si Tito?” tanong ni Xander sa babaeng sekretarya ni Tito Felipe.

Pagbalik niya sa kanyang opisina mula sa meeting kasama ang production at creative department ng Javier Advertising Company, sinabi sa kanya ng sekretarya niya na ipinatatawag siya ng chairman sa opisina nito. Isa ang JAC sa mga kompanya sa ilalim ng Javier Group of Company. Siya ang napili ni Felipe Javier na gawing general manager ng JAC.

“Yes, Sir. Kanina pa ho niya kayo hinihintay,” nakangiting tugon ng babae.

“Thank you,” aniya. Kumatok muna siya sa pinto ng opisina ni Tito Felipe bago niya binuksan iyon. “Ipinatatawag raw ho ninyo ako.”

Umikot ang swivel chair ni Felipe paharap sa kanya. “Come in, hijo.”

Ipininid niya ang pinto at saka lumapit sa mesa ng matandang lalaki; umupo siya sa upuang nasa harap niyon. Tiningnan niya si Tito Felipe at hinintay itong magsalita.

“It’s about Lianne. Nag-usap kami kaninang umaga bago ako umalis,” simula nito.

Kumunot ang kanyang noo. Nauna siyang umalis ng mansiyon kanina kaysa rito dahil nagpasundo sa kanya sa airport ang best friend niyang si Desiree.

“Sinabi niya sa akin ang pakay niya sa pag-uwi rito. She needs money para matubos ang lupa at bahay ni Lucy,” sabi pa ni Tito Felipe.

Hindi siya nagsalita, pero sa loob-loob niya ay alam niyang may dahilan ang biglang pagbabalik ni Lianne. Kagabi ay napansin niya sa kilos ng babae na hindi ito nananabik na makita ang ama. Ni hindi nga kakikitaan ng tuwa ang mukha nito.

Nauunawaan niya si Lianne kung masama man ang loob nito. Hindi naman nito alam ang pinagdaanan ni Tito Felipe nang umalis ang mga ito ng mansiyon. Kung mayroong nakakaalam kung paano naghirap ang kalooban ni Tito Felipe, siya iyon. Alam niyang labis ang pangungulila nito sa mag-ina nito, pero dahil sa kahilingan ni Lucy, napilitang magtiis ang matandang lalaki.

“Gusto ho ba ninyong ako ang mag-asikaso ng problema ni Lianne?” tanong niya.

“Hindi. Tinawagan ko na si Attorney Nievez. Siya na ang bahala tungkol doon. Iba ang ipapagawa ko sa 'yo, hijo.”

Muli siyang napakunot-noo.

“Sinabi ko kay Lianne na tutulungan ko siya kung mananatili siya sa atin sa loob nang isang buwan. And she agreed to my deal,” patuloy ni Tito Felipe.

“Ano ho’ng gusto ninyong gawin ko?”

“Ayoko nang mawala pa sa aking muli ang anak ko, Xander. I want you to help me convince her to stay for good. Help me convince her that this is where she belongs,” pakiusap nito.

Ilang sandaling hindi siya nakaimik. Paano niya gagawin iyon? Nagkasama nga sila ni Lianne noong maliit pa ito—siya ang tumayong panganay na kapatid nito—pero matagal na panahon na iyon.

“I’ll convince her to work for our company while she’s here,” ani Tito Felipe na wari ay nabasa ang laman ng kanyang isip. “At gusto kong ikaw mismo ang magtuturo sa kanya.”

Napatango lamang siya.

“Malayo ang loob sa akin ng anak ko, and I can’t blame her. Tulungan mo akong mapalapit sa kanya, Xander. Katulad ng ginagawa mo noong maliliit pa kayo. Kapag nagtatampo siya sa akin noon, hindi ba’t ikaw ang gumagawa ng paraan para magkaayos kaming mag-ama?”

That was before, Tito. Do you really think I can help you fix your problem with Lianne now? She’s all grown up. Hindi ko na madaling maiimpluwensiyahan ang isip niya. And besides, sa klase ng gusot ninyong mag-ama, hindi ganoon kadaling gawin iyon, tahimik na naisaloob niya.

😊Somewhere I belong (COMPLETED; Published under PHR)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon