Chapter 2

9.3K 167 5
                                    

KAHIT gaano kasarap ang mga pagkaing nakahain sa harap ni Lianne, pakiramdam niya ay wala siyang ganang kumain. Siguro ay dahil iyon sa dalawang lalaking nasa harap niya. Pigil niya ang sariling bumuntong-hininga. Talagang naninikip na ang dibdib niya dahil sa emosyong kanina pa niya pinipigil.

“Bakit hindi ka kumakain?” tanong ni Xander sa kanya.

Tiningnan niya ito. “Busog pa ako. Bago ako pumunta rito ay dumaan muna ako sa bahay ng kaibigan ko sa Novaliches. Kumain ako ro’n,” pagdadahilan niya.

“Kahit tikman mo lang ang pochero, hija. Si Mamang Aida mo ang nagluto niyan. Paborito mo iyan, 'di ba?” sabi ng kanyang ama.

Noong bata ako, oo. Pero nakikita mo naman siguro na malaki na ako. Hindi na iyan ang paborito ko, pero siyempre hindi mo 'yon alam dahil lumaki akong wala ka sa tabi ko, ngalingaling isagot niya pero pinigil niya ang kanyang sarili.

Pakiramdam niya ay gusto na talagang sumabog ng dibdib niya. Pero hindi puwede, may oras para doon. Hindi niya gagawin iyon sa harap ng saling-pusa sa pamilya nila na si Xander. Kahit na kasinlaki ng kontinente ng Asya ang sama ng loob na nararamdaman niya sa kanyang ama, ayaw niyang ipahiya ito sa harap ng ibang tao. Kahit inabandona sila nito nang napakahabang panahon ay itinanim ng kanyang ina sa isip niya na dapat pa rin niyang irespeto at mahalin ang kanyang ama sa kabila ng ginawa nito.

Pigil niya ang mapaismid nang maisip iyon. Oo, ang respeto ay puwede niyang ibigay kahit paano, hindi dahil ama niya ito kundi dahil nakatatanda ito sa kanya. Pero ang mahalin ito pagkatapos sila nitong pabayaan, isang malaking kalabisan yata iyon.

Tiningnan niya ang kanyang ama. “Gusto ko na hong magpahinga.”

Napatingin ang dalawa sa kanya.
“Hindi ka pa nga halos kumakain,” ani Xander.

Pinigilan niya ang sariling pagtaasan ito ng isang kilay. Ano ba’ng pakialam mo? nais sana niyang sabihin.

“Sige na, hija. Alam kong pagod ka sa biyahe. Magpahinga ka na. Bukas na lamang tayo mag-usap,” sabi ng daddy niya at nginitian siya.

Tumayo na siya at tinalikuran na ang mga ito.

Nakakaapat na hakbang pa lang siya nang bigla siyang may maalala. Nilingon niya ang dalawa. “S-saan ho ang magiging silid ko?”

Nagulat ang ama niya sa kanyang tanong. “Siyempre sa dati mong silid, hija. Sige na, umakyat ka na.”

Tuluyan na niyang iniwan ang dalawa.

Natatandaan pa naman niya ang pasikot-sikot sa mansiyon. Isa pa, napansin niyang tila wala namang nagbago sa ayos niyon.

Umakyat siya patungo sa dati niyang silid. Marahan niyang binuksan ang pinakahuling pinto sa gawing kanan at pumasok sa loob.

Natigilan siya nang makita ang kabuuan ng silid. Ang ayos niyon ay tulad pa rin sa kung paano niya iyon iniwan labintatlong taon na ang nakararaan. Naroon pa rin ang cabinet na puno ng stuffed toys niya at sa ibabaw ng kama ay nakapatong ang malaking teddy bear na regalo ng kanyang ama noong sampung taong gulang siya. Iyon ang huling birthday niya na kompleto pa ang pamilya nila.

Nangilid ang mga luha niya nang maalala iyon. Pakiramdam niya ay parang pinipiga ang dibdib niya. Umupo siya sa ibaba ng kama at niyakap ang mga tuhod habang umiiyak.

Kanina pa niya pinipigilan ang kanyang emosyon. Nang makita niya ang kanyang ama, hindi niya malaman kung ano ang dapat niyang maramdaman. Sinungaling siya kung sasabihin niyang hindi siya nakadama ng pananabik dito, pero mas matindi ang sama ng loob na nasa puso niya. Kanina ay gustong-gusto niyang sumbatan ito at ipamukha rito kung gaano ito kasamang ama. Pero pinigil niya ang kanyang sarili dahil baka kapag ginawa niya iyon ay mauwi sa wala ang pagpunta niya roon.

😊Somewhere I belong (COMPLETED; Published under PHR)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon