Chapter 1

13.4K 162 4
                                    

MAG-AALAS-NUWEBE na nang makauwi si Heaven. Nginitian niya ang guwardiya na nagbukas sa kanya ng gate, saka niya idineretso sa garahe ang kanyang kotse. Bitbit ang bag ay bumaba siya ng kotse at nagtungo siya sa main door ng mansiyon.

“Mabuti naman at dumating ka na,” salubong sa kanya ni Manang Stella, ang pinakamatanda nilang kasambahay.

“Niyaya ho kasi ako nina Krisma na mag-dinner. Sina Mommy at Daddy ho?”

“Nasa study, kanina ka pa nga nila hinihintay. Ang bilin ng daddy mo ay papuntahin ka ro’n pagdating mo,” tugon nito.

Kumunot ang kanyang noo. “Bakit ho? May problema ba?”

Nagkibit-balikat ito. “Hindi ko alam.”

“Sige ho. Pakiakyat na lang ho nitong bag ko sa kuwarto ko.” Iniabot niya sa matanda ang handbag bago siya nagtungo sa study. Iniisip niya kung ano ang posibleng dahilan kung bakit kailangan siyang ipatawag ngayon ng kanyang ama. Dati-rati ay habang nag-aalmusal siya kinakausap nito at ng kanyang ina. Kakatok na sana siya sa pinto nang maulinigan niya ang tinig ng Mommy Almira niya mula sa loob ng study.

“Seriously, Frederick, tiyak na mabibigla ang anak mo,” sabi ng kanyang mommy.

“Matagal na niyang alam ang tungkol dito,” simpleng sagot ng daddy niya na si Frederick Chuatingco.

Lalong na-curious si Heaven kung ano ang pag-uusapan nila ng kanyang mga magulang kaya marahan na siyang kumatok sa pinto.

“Come in,” malakas na sabi ng daddy niya.

Pinihit niya ang seradura at tahimik na pumasok sa pinto. Naabutan niyang nakaupo sa swivel chair sa likod ng study table ang kanyang ama habang ang kanyang ina ay nakatayo sa harap nito. Kapwa nakatingin ang dalawa sa direksiyon niya.

“Ipinatatawag daw ho ninyo ako sabi ni Manang Stella,” aniya, saka marahang ipininid ang pinto.

“Sit down,” anang daddy niya. “May mahalaga tayong pag-uusapan.”

Walang imik na lumapit siya at naupo sa isa pang upuan na nasa harap ng mesa ng kanyang ama. Naupo na rin sa isa pang upuan ang mommy niya. Nagtataka siya sa pag-aalalang nakikita niya sa mukha ng kanyang ina.

“Remember what I told you when you were young?” tanong sa kanya ng daddy niya.

Kumunot ang noo niya. Hindi niya alam kung ano ang tinutukoy nito kaya marahan siyang umiling.

“Nag-usap na kami ni Enrique. We decided that it’s about time we get on with our plan.”

“What do you mean, Dad? What plan?”

“Next month na ang engagement party ninyo ng anak ni Enrique na si Kurt,” kaswal na sagot ng daddy niya.

Natigilan siya at napamaang sa kanyang mga magulang. Daig pa niya ang sinampal sa narinig. Nakatingin din ang mga ito sa kanya na tila hinihintay siyang magsalita. Pero wala siyang maapuhap na sasabihin.

“Ipapakasal namin kayo ni Kurt,” sabi ng daddy niya nang hindi siya magsalita. “Nasa tamang edad ka na kaya dapat nang—”

“You’ve got to be kidding me, Dad!” malakas na sabi niya. Tiningnan niya ang mga magulang niya na tila ba sinasabing nababaliw na ang mga ito. Nang hindi umimik ang mga ito ay napailing siya at tumayo. Ilang beses siyang napabuga ng hangin habang nagpaparoo’t parito sa silid. “You can’t be serious, Dad,” she said indignantly. She silently prayed that it was just a joke. Pero kilala niya ang kanyang ama. Ito ang tipo ng tao na wala yatang kahit kaunting sense of humor sa katawan.

❤Heaven's Love (COMPLETED; Published Under PHR)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon