Chapter 8

4.8K 99 2
                                    

MAG-AALAS-OTSO na ng umaga nang magising si Heaven. Kung tutuusin ay halos hindi nga siya nakatulog. Hindi muna siya bumangon. Nanatili siyang nakahiga sa kama habang nakatitig sa kisame. Nakagat niya ang ibabang labi. Hindi pa rin siya makapaniwalang nakabalik na siya sa kanilang bahay. Kinapa niya sa bedside table ang kanyang cell phone at muling tinawagan si Christian. Nagri-ring na ang cell phone nito pero hindi nito iyon sinasagot. Malamang ay nasabi na ni Yvette dito ang nangyari.

I-t-in-ext niya ang kanyang nobyo.
Siguro ay nasabi na sa 'yo ni Yvette ang lahat. Please don’t be mad at me. I’ve been wanting to talk to you pero hindi lang ako makakuha ng magandang pagkakataon. Let’s talk. Hayaan mong ako mismo ang magpaliwanag ng lahat sa 'yo.

Pagtapos niyang i-send ang text na iyon sa numero ni Christian ay hinanap naman niya ang numero ni Yvette. Pero bago pa niya matawagan ang kaibigan ay may narinig na siyang sunod-sunod na katok sa pinto ng kuwarto niya.

“Ma’am, ipinapatawag ho kayo ng daddy ninyo. Hihintayin daw ho niya kayo sa study,” narinig niyang sabi ng tao na nasa labas.

“Pakisabi bababa na ako,” sabi niya, saka napilitang bumangon. Mabilis siyang naghilamos at nagpalit ng damit bago lumabas ng kanyang silid.

Nagtungo siya sa study. Marahan siyang kumatok sa pinto bago niya iyon binuksan. Nagsalubong ang mga kilay niya nang makita ang dalawang lalaki na kasama roon ng mga magulang niya. Kapwa nakasuot ng puting polo at itim na pantalon ang dalawang lalaki. Nakatayo ang mga ito sa bandang likuran ng silyang kinauupuan ng mommy niya.

“Come in, Heaven,” anang daddy niya.

Tumalima siya. Pumasok siya, hindi inaalis ang tingin sa dalawang lalaki.

“They’re your bodyguards,” sabi ng daddy niya nang tuluyan siyang makalapit.

“Bakit ho?” tanong niya. “I don’t need them.”

“I know you can take care of yourself, but I hired them not for your protection. Kinuha ko sila para masigurong hindi mo na kami matatakasan pa,” matabang na sabi nito.

Pinigilan niya ang sarili na mapabuntong-hininga. Sinasabi na nga ba niya at iyon ang gagawin ng daddy niya pagbalik niya. Daig pa niya ang bata na pababantayan nito ang lahat ng kilos niya.

“Ano ho ba’ng balak ninyong gawin? Ikulong ako dito sa bahay?”

Sinalubong nito ang kanyang tingin. “Kung ako lang ang masusunod, hindi kita patatapakin sa labas ng mansiyong ito, Heaven. Magpasalamat ka sa mommy mo at pinakiusapan niya ako na kumuha na lamang ng magbabantay sa 'yo.”

Tiningnan niya ang kanyang mommy na nakatingin din sa kanya. Nakikiusap ang mga mata nito na para bang sinasabing huwag na niyang kontrahin ang gusto ng kanyang ama.

“Hindi ko aalisin ang mga bodyguard mo hangga’t hindi ka tumitino at sumusunod sa gusto ko,” sabi pa ng daddy niya bago nito binalingan ang dalawang lalaki. “Bantayan ninyong mabuti ang Ma’am Heaven ninyo. Huwag ninyong hahayaang mawala siya sa paningin ninyo. At i-report ninyo sa akin kung sino ang mga kinakausap niya at kung saan siya nagpupunta.”

“Yes, Sir,” halos sabay na sabi ng dalawang lalaki.

“Ito lang ba ang dahilan kung bakit ninyo ako ipinatawag?” tanong niya. Sinisikap niyang ayusin ang kanyang boses kahit ang totoo ay gusto na niyang magpapadyak sa inis.

Hindi sumagot ang kanyang ama.

Binalingan niya ang dalawang bodyguard.  “Ihanda ninyo ang kotse. Pupunta ako sa boutique.”

“Kailan mo balak na mag-report sa opisina?” tanong ng ama niya sa kanya.

“Kapag inalis na ninyo ang mga bodyguard ko,” matapang na sabi niya bago niya tinalikuran ang mga ito.

❤Heaven's Love (COMPLETED; Published Under PHR)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon