ALAS-TRES y medya pa lang ng madaling-araw ng Linggo ay gising na sina Heaven at naghahanda na sa pagpunta sa palengke. Kailangan nilang makabenta ng marami ngayong umaga dahil hanggang tanghali lang sila magtitinda. Sa umaga lang kasi maraming namimili kapag ganoong araw. Pagkatapos maligo at magbihis ay bumaba na siya para mag-almusal. Naabutan niyang kumakain sa kusina sina Yvette at Tiya Leny.
“Magandang umaga po,” nakangiting bati niya kay Tiya Leny bago siya naupo sa tabi ni Yvette.
“Bilisan mo na ang pagkain at parating na rin sina Itay,” sabi sa kanya ng kaibigan.
Bago siya naligo ay umalis na sina Carlo at Tiyo Nestor para kumuha ng mga panindang karne. Ang sabi ni Tiyo Nestor ay hintayin na lamang nila ang mga ito para sabay-sabay na sila sa pagpunta sa palengke. Binilisan niya ang pagkain. Eksaktong katatapos niyang magsepilyo nang marinig nila ang sunod-sunod na busina mula sa labas ng bahay. Tinapos niya ang pagsesepilyo at nagmamadali na silang lumabas ng bahay at lumapit sa jeep na naghihintay sa kanila.
“Ang tagal n’yo naman, 'Tay. Mag-aalas-kuwatro y medya na, eh,” reklamo ni Yvette. Sa unahan ito umupo.
“Ang bata na 'to, hindi naman kaagad mawawala ang mga tao sa palengke,” ani Tiyo Nestor.
Umupo siya sa likod kung saan naroon din si Carlo. Paalis na ang jeep nang may narinig silang tumatawag kay Tiyo Nestor.
“Tiyo Nestor, sasama ho ako!”
Lumingon si Heaven at nakita niya si Christian na tumatakbo palapit sa kanila buhat sa boardinghouse. Agad itong sumakay sa jeep at naupo sa tapat niya. Nakakunot-noo siyang napatingin dito.
“May lakad ka?” tanong ni Yvette sa lalaki.
“Ano’ng gagawin mo sa palengke, Kuya?” tanong din ni Carlo, mababakas sa mukha ang pagtataka.
“Tutulong ako sa inyo sa pagtitinda,” nakangiting sagot ni Christian sa mga ito bago siya tiningnan at kinindatan.
Napatikwas ang isang kilay niya at nakairap na binawi ang tingin dito.
“Hindi ba dapat, sinisimulan mo na 'yong documentary na gagawin mo?” tanong uli ni Yvette.
“Bukas na lang, ikatlong araw ko pa lang naman dito, eh. I-enjoy ko muna dapat, 'di ba?” ani Christian.
“Matanong ko nga pala, Christian, binata ka pa ba o may asawa ka na?” tanong ni Tiyo Nestor habang nagmamaneho.
“Binata pa ho ako,” sagot ni Christian at nakita niyang muli siya nitong sinulyapan.
“Kaya siguro gusto mong pumunta sa palengke para makita mo ang magagandang dalaga rito sa lugar namin,” biro pa rito ni Tiyo Nestor.
Tumawa si Christian. “Hindi ko ho kailangang lumayo pa at pumunta sa palengke para makakita ng magagandang dalaga. Sapat na ho 'yong ganda nina Yvette at Helen.”
Tumawa nang malakas si Yvette. Nang tingnan naman niya si Christian ay nginitian siya nito.
“Off-limits na si Ate, Kuya. May boyfriend na siya. 'Yang si Ate Helen ang puwede mong diskartehan,” ani Carlo.
Pinigilan niya ang sarili na batuhin ng tsinelas si Carlo. Hindi na lamang siya umimik at inalis na ang tingin kay Christian. Ilang sandali pa ay nakarating na sila sa palengke. Mabilis silang bumaba ng jeep. Magkatulong na binitbit nina Carlo at Christian ang mga karne ng baboy. Pagkababa nila ay umalis na rin si Tiyo Nestor para umuwi sa bahay. Tuwing Linggo ay hindi ito pumapasada.
Nagsisimula na sila ni Yvette na buksan ang tindahan nang lumapit si Christian. Inihatid lang nito sa puwesto nito si Carlo at sumunod din sa kanila.
BINABASA MO ANG
❤Heaven's Love (COMPLETED; Published Under PHR)
Romansa"Papatulan ko lahat ng kabaliwan mo, just to make sure na hindi ka mawawala sa akin. I'd rather look stupid than to spend my whole life without you near me." Hindi inaasahan ni Heaven na tototohanin ng kanyang ama ang sinabi nito na ipinagkasundo si...