NAPAKUNOT-NOO si Heaven nang bumaba sila ni Yvette sa kusina para maghapunan. Wala roon si Christian. Kaninang pagdating nila sa palengke ay napansin na niyang wala ang binata. Madalas kasi pag-uwi nila ay nadaratnan nila ito sa bahay o kaya ay sumasama pa ito kay Mang Nestor sa pagsundo sa kanila. Tahimik na umupo siya sa isang silya.
“Hindi ho ba sasabay sa atin si Christian?” tanong ni Yvette sa ina nito. Ang tanong ding iyon ang laman ng isip niya.
“Lumuwas siya kaninang bandang alas-otso sa Maynila,” tugon ni Tiya Leny.
Kumunot ang noo ni Yvette. “Bakit daw ho?”
“May mga kukunin daw siyang gamit doon at may aasikasuhin din yata sa opisina nila,” sagot uli ng ina nito.
“Baka magre-report siya sa boss niya tungkol sa progress ng ginagawa niyang documentary. Nagsimula na kasi siyang mag-gather ng data para masimulan na 'yong documentary niya,” sabad ni Rhea. “Noong isang araw ay nagpasama siya sa amin ni Aina na maglibot sa buong bayan. Kumuha siya ng mga picture at video.”
Magdadalawang linggo na si Christian sa San Roque at ngayon ay maayos na rin ang pakikitungo nila sa isa’t isa. Nakagaanan na rin niya ito ng loob dahil mabait naman pala ang binata, kahit na madalas itong mang-asar at mangulit.
“Kailan daw ho ang balik niya?” naisipan niyang itanong.
“Wala namang sinabi,” sagot sa kanya ni Mang Nestor.
“Bakit, Ate? Nami-miss mo na ba agad siya?” tanong ni Aina.
Napatingin siya rito at nakita niya ang nanunuksong ngiti nito. Tumawa siya. “Sira ka talaga. Hindi, 'no!”
“Nagiging close na kayo ni Kuya Christian, eh. Saka panay nga ang tanong niya sa amin ng tungkol sa 'yo,” sabi naman ni Rhea.
Kapwa sila natigilan ni Yvette sa sinabi ng kapatid nito.
“Ano’ng mga itinatanong niya?” usisa niya kay Rhea.
“May sinabi ka ba tungkol sa totoong pagkatao ni Heaven?” tanong ni Yvette.
Ipinaikot ni Rhea ang mga mata nito. “Relax! Wala akong sinabi sa kanya na bagay na hindi niya dapat malaman tungkol kay Ate Helen,” sabi nito na idiniin pa ang pagkakasabi sa pekeng pangalan niya.
Nakahinga siya nang maluwag.
“Nagtanong lang siya ng ilang personal na bagay,” patuloy na sabi ni Rhea. “Gaya ng kung nasaan daw ang pamilya ni Ate Helen at bakit daw dito siya sa atin nakatira.”
“Ano’ng isinagot mo?” tanong niya.
“Katulad ng kuwento natin sa lahat ng tao rito,” agad na tugon ni Rhea. “Nag-iisang anak ka ng pinsan ni Tatay. Iniwan kayo ng nanay mo noong bata ka pa. At ngayon, nasa Dubai na ang tatay mo kasama ang bago niyang pamilya.”
Napatango-tango si Heaven.
“Pero mukhang hindi siya gaanong interesado sa detalye ng pamilyang pinanggalingan mo,” sabi naman ni Carlo.
Tiningnan niya ito.
“Sa palagay ko, gusto ka ni Kuya Christian. Kasi minsan, tinanong niya ako kung may boyfriend ka raw ba o kung may nanliligaw sa 'yo rito,” dagdag na sabi nito. Kung makangiti ito ay animo nanunukso.
“Puro kayo kalokohan,” aniyang nag-iwas ng tingin
“Hindi, Ate,” sabi ni Aina. “Noong minsan nga, tinanong din niya ako kung bagay daw ba kayong dalawa.”
Hindi siya umimik. Pero naramdaman niya ang pag-iinit ng kanyang mga pisngi.
At bakit ka nagba-blush diyan? Don’t tell me kinikilig ka? tudyo rin sa kanya ng isang bahagi ng isip niya.
BINABASA MO ANG
❤Heaven's Love (COMPLETED; Published Under PHR)
Romance"Papatulan ko lahat ng kabaliwan mo, just to make sure na hindi ka mawawala sa akin. I'd rather look stupid than to spend my whole life without you near me." Hindi inaasahan ni Heaven na tototohanin ng kanyang ama ang sinabi nito na ipinagkasundo si...