Kabanata 1

23 3 0
                                    

Maingat kong inilapag sa kama ang mga damit matapos ko itong hanguin mula sa pinagsampayan ng mga ito.

Mariin naman ang tinging ipinupukol sa akin ng aking tiyahin. Malugod akong tumango sa kanya at nagtanong, "Ano pong susunod kong gagawin?"

Matinis ang mapang-asar na tawang kanyang iginawad sa ginawa kong pagtatanong.

"Nag-iisip ka ba, Adra? Kailangan ko bang ulit-ulitin ang mga bagay na dapat ay saulo mo na?" mariin nitong tanong.

"Hindi po,"

Muli itong tumawa at ibinalik ang pansin sa binabasang libro.

"Kapag natapos mo ang paglilinis ng buong bahay ay magluto ka kaagad."

Agad akong tumango sa kagustuhan nitong mangyari at inumpisahan na ang paglalampaso pagkatapos kong makuha ang basahan.

Mahinang pagdaing ang ginawa ko matapos kong maramdaman ang pagod at sakit sa likuran matapos linisin ang buong bahay.

Nakakapagod!

Mabilis akong napabangon nang marinig ko ang malakas na sigaw ng aking tiyahin, "Adra, hindi ba't inutusan kitang magluto? Nasaan na?"

Napabuntong hininga na lamang ako nang maalala ang bilin nito sa akin. Lagot na naman ako nito.

"Wala ka talagang kwentang bata ka! Pasalamat ka at hinahayaan pa kitang tumira dito!"

Hinayaan ko na lamang siya sa patuloy niyang sermon patungkol sa akin at inumpisahan na ang pagluluto.

Matapos maihain ang pagkain sa lamesa ay tahimik kong inumpisahan ang aking pagkain.

Mapang-asar na mga titig ang ibinibigay sa akin ng aking tiyahin na hanggang ngayon ay hindi ko maintindihan kung para saan.

Magmula pagkabata ay ganito na ang turing nito sa akin. Nang tumungtong ako sa edad na walo ay ipinaubaya niyang lahat sa akin ang mga gawaing bahay.

Hindi ko naman ito tinutulan dahil takot akong mapalayas. Hindi ko rin hinangad na suwayin ang kahit na anong utos nito dahil ayokong mapalayo sa aking tiyahin.

Siya na lamang ang natitira kong kamag-anak. Kapatid siya ng aking ina na namatay matapos akong ipanganak na kahit na sa litrato ay hindi ko nakilala sa kadahilanang walang maibigay ang aking tiyahin dahil mahigpit nitong bilin na huwag ko siyang tanungin ng kahit na ano patungkol sa mga magulang ko.

Wala rin akong kahit anong impormasyon patungkol sa aking ama. Lumaki ako na hindi kilala ang aking mga magulang. Lumaki na lamang ako at nagkaroon ng puwang sa pangangalaga ng aking tiyahin.

"Ang ibinilin ko sa iyo, Adra. Baka nakakalimutan mo?"

Mabilis ang ginawa kong pag-iling, "Hindi po,"

Nang masagot ko ang tanong ay kusa na siyang tumalikod at umakyat papunta sa kanyang kwarto.

Paniguradong magpapahinga na ito.

Nang matapos kong ligpitin ang mga pinagkainan ay napagdesisyunan kong lumabas muna at magpahangin.

Bitbit ang manipis na balabal ay maingat kong isinara ang pinto para hindi makagawa ng kahit na anong ingay.

Napailing na lamang ako. Paniguradong mapapagalitan na naman ako kapag nalaman ng aking tiyahin ang ginawa kong paglabas.

Pasaway ka talaga, Adra!

Malamig na hangin ang agad na sumalubong sa akin matapos kong umakyat sa tambak. Inilatag ko ang balabal at ito ang ginawang upuan.

Tahimik kong pinagmasdan ang buwan na nagliliwanag ng husto ngayong gabi. Nakakapagtakang wala man lang akong makita kahit na isang bituin. Uulan na naman kaya?

Dangerous ElysiumTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon