#rvrsWP || 1.78

2.5K 95 17
                                    

𝙼𝚊𝚛𝚌𝚑 𝟸𝟻 || 𝚂𝚊𝚝𝚞𝚛𝚍𝚊𝚢 || 𝟷𝟶:𝟷𝟾 𝙿𝙼

C H I N N A

        RINIG ANG tunog ng pagtipa ni Miss Din sa keyboard kahit pa nasa dulo ang opisina nito. Halos bakante na ang buong palapag. Silang dalawa na lang ang tao roon, at ang hinihintay niyang si August.

        Bukod sa okasyunal niyang paglingon sa paligid at pagtitig sa pinto ng elevator, hindi naman halata ang pagkanerbyos niya.

        Tumunog ang elevator. Kumurap siya at agad na nag-iwas ng tingin. Lalong humigpit ang hawak niya sa strap ng bag.

        Nako. Mukhang kailangan ko na naman ng kape.

        "Hey," mababa ang boses ni August. Parang tinatantiya pa ang magiging reaksyon niya.

        Tumunghay siya. "Uy." Napalunok siya.

        Lord, bakit po ang awkward?

        "Ako pa pinapakalma mo kanina, a?" Natawa ito nang mahina at saka naiilang na napahawak sa batok. "Kunin ko lang gamit ko tapos alis na tayo."

        Tumango lang siya – na sinagot naman ni August ng matipid na ngiti.

        Nakapamulsa ito habang naglalakad palayo sa kanya.

        Makaraan ang ilang minuto, bumalik itong bitbit ang backpack. "Tara na?"

        "Saan tayo?" Sinubukan niyang ngumiti pero dahil sa kaba, ngiwi ang kinalabasan.

        Lumakad ito papunta sa elevator. Nakasunod lang siya.

        "Sa coffee shop? D'yan na lang sa may tawid?" Natural lang ang tono ng boses nito. Parang hindi man lang kinakabahan.

        Bakit parang siya lang ang kabado?

        "Sa 7/11 na lang. Sarado na yata 'yang coffee shop sa tapat, e." Nagkibitbalikat siya, baka sakaling mapakalma ang sarili.

        Pumindot ito sa elevator. Muli itong nagpamulsa.

        Mataman niyang tinitigan ang mukha ng lalaki. Ilang beses itong napalunok at nang mapansing nakatitig siya ay agad itong umiwas ng tingin.

        Bahagya itong humarap sa kanya. "Bakit?"

        "Bakit ano?"

        "Nakatitig ka kanina, e." Muli itong tumawa, pinagagaan siguro ang hangin sa loob ng elevator.

        "Masama bang tumitig?" Itinaas niya ang isang kilay at saka nakalolokong ngumiti.

        "Hindi naman," maluwang ang ngiti nito, "Gusto ko nga, e."

        Nanlaki ang mga mata niya. Hindi siya handa, e. "Hoy."

        "Ano?" natatawa nitong tanong. "Dami mong problema, 'no?"

        "Oo, kaya 'wag ka nang dumagdag," pang-asar niya.

rêveries (an epistolary)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon