"Miss, tulungan na kita..." ang alok ni Sam sa isang babaeng anyong hirap na hirap sa mga dinadala. Kalalabas lang niya mula sa supermarket at ito ang nabungaran niya.
Pinulot ni Sam ang ilang item na nagkandahulog na at kinuha mula sa babae ang isang supot na dala nito. Dalawang malaking sisidlan ang hawak nito at pawang punong-puno.
"Naku, salamat," tila nakahinga ng maluwag na wika ng babae. "Hay... ang dami kasing pinabili ni Tita," reklamo nito.
Napatitig si Sam dito. Hindi pamilyar sa kanya ang babae. At sigurado siyang ngayon niya lang ito nakita. Maamo at maganda ang hugis ng mukha nito; may mapupungay at mapipilantik na mga mata; nakatali ang buhok na kulay blonde; maganda rin ang hubog ng katawan na bakat na bakat sa suot na fitted leggings at fitted din na sando. May kaliitan nga lang... tingin ni Sam ay nasa 5"1' ang height nito. Mukhang kasing-edad niya lang din ito.
Hindi na napigilang magtanong ni Sam, "teka... bago ka lang ba dito? Parang ngayon lang yata kita nakita," aniya sa isang palakaibigang tono. Hindi kasi basta-bastang nagpapapasok ng mga dayo dito sa lugar nila. At halos kilala rin niya lahat ng tao dito.
"Ah, oo. Diyan ako tumutuloy kina Tita Lorie. Pamangkin niya 'ko. Nitong nakaraang araw lamang ako dumating galing ng Maynila," sagot ng estranghera.
Napatango si Sam. "Kaya pala... Magkalapit bahay lang din tayo, doon naman ako sa pangalawang bahay sa tapat ninyo. Ako nga pala si Sam," ang pakilala niya, sabay abot ng kanang kamay mula sa hawak na paper bag na nakaipit sa pagitan ng kanyang kili-kili. Sa isang kamay ay bitbit na ang isang supot na dala kanina ng babae.
Tinanggap naman iyon ng estranghera at nakipagkamay. "Ako naman si Rani," pagpapakilala rin nito.
Matamang napatitig si Rani sa kaharap. May katangkaran si Sam, halos hindi siya umabot sa balikat nito. Itim na itim ang lagpas-balikat nitong buhok at ang mga mata'y sing-itim din ng buhok. Sa pagkakatitig sa mga matang iyon, pakiramdam ni Rani ay dinala siya nito sa isang gabing napakadilim, subalit, bagamat madilim ay payapa at tahimik namang gabi. Natuon ang mga mata ni Rani sa ilong ng babae. Nangunot ang noo. Matangos ang ilong nito, subalit may sumisira sa tila perpektong hugis nito... isang guhit ng peklat sa bandang gitna.
Tumikhim si Sam. Harap-harapan kasi siyang pinag-aaralan ni Rani. Malimit din niyang makuha ang ganoong tingin mula sa ibang tao, kaya't sanay na siya. "Tara?" Ang yakag niya rito.
Sabay na silang naglakad, malapit lang naman kasi. Malawak at tahimik ang kanilang baryo --- ang Barrio Halina. Kumpleto rin ito sa mga pasilidad. Lahat ng kailangan ng mga tao ay nandito na. Sa pinakagitnang bahagi nito ay isang malaking supermarket, mayroon ding sinehan, may malinis at maayos na wet and dry market, may malaking plaza, luntian ang paligid at may malilinis na ilog. Natuturingang maliit na bayan ang baryo dahil sa lawak nito.Kagaya ng pangalan ay talagang kahali-halinang tumira sa Barrio Halina, bukod kasi sa payapa, malinis at maayos, ay mababait din ang mga tao.
----
"Iyan palang pamangkin ni Lorie, kaya napunta rito ay dahil brokenhearted."
Napaangat ang tingin ni Sam sa ina mula sa kanyang ginugupitang bonzai. Mahilig siya rito at ito ang ginagawa niyang libangan kapag walang trabaho. Isa siyang resident engineer ng bayan nila. Sa ngayon ay may ginagawa silang tulay sa kanayunan. Linggo lang ngayon kaya't wala siyang pasok.
"Brokenhearted?" Puno nang kuryusidad na tanong ni Sam. Hindi maiwasang mapukaw ang interes sa babaeng nakasabay niya nitong nakaraang araw.
"Oo daw. Pinagpalit diumano ng boyfriend sa ibang babae, at bago pa malaman niyang si Rani ay matagal na din daw palang niloloko," anang ina na abala naman sa pagdidilig ng ibang halaman. "Balita ko pa nga'y engaged na daw sana ang dalawa."
BINABASA MO ANG
Samhira Villego[girlxgirl/lesbian]
Cerita Pendek"Puwede mo ba akong mahalin? Puwede mo bang iparamdam sa'kin kung paanong magmahal ang isang Samhira Villego?"