Compound

382 7 0
                                    

                Ang bahay ni Lola ang pinaka-unang bahay na itinayo sa compound ng kanilang pamilya. Sabi nila yung lupa daw na nabili ng pamilya ni Lola ay dating tapunan ng basura, mga isinasalvage at mga taong pinatay noong panahon ng hapon, hindi lang naman yung lupa nila Lola kundi yung buong lupa ng barangay. Kahit relihiyosa ipinagsawalang kibo na lang nila ang nalaman at binili parin ito.

                Pitong taon ako noon ng tumira kami sa bahay ni Lola, dahil bata pa mabilis akong humanga sa bahay dahil sa laki nito. Pagbungad palang ay makikita mo na ang napakalawak na sala, sa kaliwa ang dalawang kwarto na magkatapat ang pinto, may divider at sa likod nito ay ang dining table, kusina bodega at ang banyo. Noong una ay ini-enjoy ko ang pagtira namin sa bahay ni lola, ngunit hindi nagtagal madalas na akong magkasakit, halos every week ay nilalagnat ako at ang aking kapatid. Hindi mapakali si Mama kaya ipinasuri na nya kami sa tiyuhin nyang albularyo.

                Binigyan kami ng aking kapatid ng tig-isang pangontra na nakabalot sa pulang tela, at may sinabi ito kay Mama na hindi ko pa noon maintindihan. Simula noon lagi na naming suot yung pangontra, nagagalit si Mama kapag nakikita nyang hindi ito nakalagay sa damit namin. Hindi na kami nagkasakit pagkatapos nun.

                Nang maghigh school ako nakaramdam na ako ng kakaiba sa bahay ni Lola. Parang laging may matang nakamasid sa bawat kilos ko. Madalas kasi ako naiiwang mag-isa sa bahay, andun kasi lagi sa karenderya sa bayan si Mama at Lola yun kasi ang negosyo nila, si Papa naman ay namamasada ng aming tricycle, ang kapatid ko namang si Dessa ay iniiwan ni Mama sa isa ko pang Lola na nanay nya. Hindi ko na lang binigyan pansin ang nararamdaman ko, ang ginagawa ko na lang ay pumupunta sa bahay ng pinsan ko upang makipagkwentuhan. O kaya naman nagtatanim ako sa garden ni lola, madaming tanim si lola ng iba't-ibang uri ng halamang gamot. Meron ding mga bugambilya at ibang pang-namumulaklak na halaman.

                        Nagkaroon ng pinansyal na problema ang aming pamilya kaya naman naputulan kami noon ng kuryente. Ang dating sobrang liwanag na bahay ni lola ay biglang dumilim, tanging tukarol at gasera ang gamit namin noon. Doon na nagsimulang magparamdam ang mga hindi nakikitang nilalang sa amin. 

                              Sa kwarto at sa cr ako madalas makaramdam ng takot, kaya hindi ako pumupunta ng banyo kapag wala akong kasama sa bahay. Madalas ko ding patulugin sa bahay ang isa kong pinsan para may kasama ako sa kwarto. Hindi naman nila ako inaano, kaya sa katagalan nasanay na din ako sa kanila, hindi ko na lamang sila pinapansin. Nasanay na din akong mag-isa kasi  sa isip ko alam kong may "kasama" ako.

                              

                                

_________________________________________

                        

   

ANG BAHAY NI LOLATahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon