Alleannah's POV:
“Kuya pwede po pa-picture ulit?” pagtatanong ko na may halong alinlangan dahil baka hindi na siya pumayag na maulit muli yung pagpapa-picture ko sa kanya.
“Blurred po kasi yung unang picture eh!” dagdag ko pa.
“Ah ganun ba, sure!” sagot ng iniidolo ko na may kasamang ngiti.
Pero bago pa man kami makapagpicture, may biglang isang fan na bumulong.
“Ano ba yan, kanina pa yung babae na yan! Nakakailang picture na siya, baka nga alibi niya lang na blurred yung pictures niya!” naasar na bulong nung babae na sa totoo lang parang hindi siya bumulong sa kasama niya dahil sa lakas ng boses niya.
“Wait lang po ah, saglit lang po ito.” Sabi niya sa mga fans niya na sobrang atat nang magpapicture at magpapirma sa kanya.
January 24, 2012
Sa library ng school namin, habang nagre-research kami ng bestfriend ko para sa activity namin sa History ay naisipan ko na magbukas ng twitter para magcheck kung may nagtweet ba sa akin o nag direct message o mas kilala sa acronym na DM. Nabuksan ko na ang account ko at nakita ko naman na walang bagong tweet o kahit dm sa akin. Kaya nag scroll na lang ako para makita ang tweets ng mga fina-follow ko. Nang biglang makakita ako ng tweet galing sa isang account ng bookshop…
“Pandayan Bookshop: Poster Making Contest and Mini Book fair”
Sa sobrang tuwa ko ay napalo ko sa braso ang bestfriend ko, nahampas ko siya dahil sa sobrang saya at gusto kong tumili ng mga panahon na yon kaso ay nasa library kami at bawal ang maingay don.
“Bestie! May booksigning na magaganap!” masigla kong sinabe sa kanya.
“Saan naman yan? Tsaka anong araw yan?” mababakas mo sa mukha niya na hindi siya gaanong interesado sa nabanggit ko. Siguro dahil yun sa hindi siya mahilig magbasa ng mga nauuso na libro ngayon.
“Sabi dito sa Malolos Capitol Gym daw, sa January 26 daw! Tara punta tayo, please?” pamimilit kong pag aaya sa kanya.
January 26, 2012
Dumating na nga yung mismong araw ng booksigning, at dahil doon, 7am pa lang nakagayak na ako dahil sobrang excited na akong makita ang iniidolo ko sa kauna-unahang pagkakataon.
Naalala kong bigla na nagtweet ako sa kanya nung mismong araw na makita ko yung tweet ng pandayan tungkol sa event.
“Hello kuya @akoposimarcelo see you po sa Malolos Capitol Gym. Pupunta po ako at magpapa-booksign. Kahit umulan pa o mataas yung sikat ng araw, gagawa ako ng paraan para puntahan ka.” Yan lang naman yung tinweet ko sa iniidolo ko.
After a few minutes…
Marcelo Santos III retweeted your tweet: “Hello kuya @akoposimarcelo see you po sa Malolos Capitol Gym. Pupunta po ako at magpapa-booksign. Kahit umulan pa o mataas yung sikat ng araw, gagawa ako ng paraan para puntahan ka”
Marcelo Santos III followed you.
Nadagdagan na naman ang ngiti sa mukha ko, hindi ko maipaliwanag yung saya na nararamdaman ko. Nasipa ko tuloy yung upuan sa library sa pagkakilig at tuwa. Napagalitan tuloy ako nung librarian namin. Halos maiyak na ako nang makita ko yung dalawang new interactions na yun sa account ko. At dahil finallow niya nga ako, nagkaroon na ako ng chance na mai-DM siya, sa twitter kasi para mai-DM mo yung isang tao kailangan ay finafollow ka din niya.
“Kuya Em, pupunta po ako sa Booksigning dito sa Malolos. I’ll be wearing a floral headband po para matandaan niyo ako, ang dami niyo po kasing fans eh.”
At habang tinatype ko yan, sobra akong kinikilig. Mali mali nga yung mga natatype ko eh, alam niyo yung pakiramdam na ilang beses kong napindot yung backspace sa sobrang daming mali? Ganun.
Ilang minuto na ang lumipas mula ng maisend ko kay kuya Em yung message na yun, pero hindi pa rin siya sumasagot. Kaya naisipan ko tuloy magsend ng isa pang message…
“Sana po makilala niyo ako. See you po!”
After 3 seconds, he replied…
“See you! J”
OMG! 2 syllables lang yung reply niya pero sobrang natuwa na ako. Ang dami nang pumasok sa isip ko nung makakita ako ng sagot galing sa kanya. Una, naisip ko na pagdating ko sa lugar na yun may slow motion na magaganap sa pagpasok ko ng pintuan, na makakarinig ako ng tunog ng isang romantic na kanta na sinabayan pa ng malakas na hangin na magiging dahilan ng paghangin ng buhok ko kasabay ng mga matatamis na ngiti ko habang papalapit sa kanya. Pangalawa, may isang lalaki na lalakad papunta sa harapan ko para sabihin sa akin na kilala niya ako at sobrang saya niya na nakita niya ako sa lugar na yon. At pangatlo, biglang may mag aabot ng microphone sa kanya at aabutin niya ang mga kamay ko para umakyat ako ng stage at ipakilala sa libo libong tao na nandoon sa event at sabihing ang swerte niya dahil nakita na niya ang matagal na niyang hinahanap na true love.
“Pero teka, paano mangyayari lahat yon? Kilala ka na ba niya agad agad? Ano yan, love at first sight?” sabat ng bestfriend ko na hindi ko alam ay nakikinig pala sa mga sinasabe ko kahit na ang alam ko naiisip ko lang yung mga yon. Yun pala ay nabibigkas ko na nga harapan sa kanya, sa sobrang excited ko siguro, kaya ganun.
***
Nakarating na nga kami sa mismong lugar na pagdadausan ng book fair. Nakakita nga ako ng pintuan na may nakalagay na tarpaulin na tungkol sa nabanggit kong event, at doon ay pumasok kami ng bestfriend ko. Pagtapak ng paa ko sa pintuan ay may nakita akong isang binatilyong lalaki na papalapit sa akin. Nginitian niya ako, biglang nagkaroon ng slow motion habang sabay kaming papalapit sa bawat isa. Ngayon ay nasa harapan ko na siya at hindi pa rin naalis ang tingin namin sa bawat isa, naramdaman ko na hinawakan niya ang braso ko at bigla niya akong tinanong…
“I-ikaw ba si Alleannah?” pagtatanong niya sa akin habang nakangiti pa rin na may halong kaba.
“O-opo kuya. Ako nga po. Pa-paano mo po nalaman?” Nabubulol kong sagot dahil sa pinaghalong tuwa at kaba rin. Tuwa dahil natandaan niya ang pangalan ko at nakilala niya ako agad agad.
“Ah, kase nakita ko sa ID mo na nakasuot sayo yung pangalan mo.” Nagulat ako sa sagot niya, tumingin ako kung suot ko nga yung ID ko.
“Ay! Oo nga po nu? Hahaha” napahiya kong sagot na sinamahan ko na lang ng halakhak para hindi niya ako mahalata.
“Osige ate, kailangan muna natin magpa-register sa labas bago pumasok kasi po bawal po ang pumasok dito kapag hindi pa nakakapagpa-register.”
Nagtaka ako sa sinabe niya. Inaninag kong mabuti yung mukha niya, at tinignan yung damit niya na may pin sa gilid malapit sa balikat.
“Kent Peligrino – Staff” nahiya akong bigla. Para bang gusto kong magtakip ng mukha dahil sa kalokohan ko. Inakala ko na siya si kuya Em at nakita ko yung mukha ni kuya sa mukha niya. Mali na naman pala ako. Nakakahiya talaga.