A few hours after that call, Chrisma was fervently wishing that Wayne had never called her at all. Lalo na nang yakapin niya ang mga anak nina Xander at Michelle na sina Matt at Rachel habang sinasabi sa mga bata na wala na ang papa ng mga ito at comatosed naman ang mama ng mga ito. Hindi niya alam kung nauunawaan na ba nina Matt at Rachel ang trahedyang nagganap. Limang taong gulang pa lamang ang mga ito. Hindi pa lubos ang kamalayan tungkol sa kamatayan. Hindi pa malinaw na nauunawaan ng mga bata ang malagim na nangyari sa pamilya ng mga ito na kailan lang ay buo at masaya.
Nabunggo ang sasakyan nina Xander at Michelle habang pauwi ang mga ito mula sa paghahatid sa eskwela kina Matt at Rachel. Isang pick-up truck na minamaneho ng isang lasing ang sumakop sa lane na binabagtas ng sasakyan ng mag-asawa. It was a head on collision. Patay rin ang lasing na driver.
Xander died on the spot while Michelle was barely alive when she was rushed to the hospital. Hindi pa man lumilipas ang inisyal na pagdadalamhati nilang lahat sa pagkawala ni Xander ay isa na namang malaking dagok ang sumunod. Michelle died just a few hours after her husband's death. Ni hindi na ito naggising pa.
Parang mababaliw sa labis na pighati at pagdadalamhati si Chrisma. Hindi niya alam kung paano niya naggawang patuloy na kumilos at magsalita ilang araw matapos ang biglaang pagkawala ng dalawa sa itinuturing niyang pinakamahalagang mga tao sa buhay niya. Para siyang biglang naputulan ng isang kamay at isang paa.
Gayunpaman ay hindi niya maggawang itodo ang pagluha. Sa tuwina ay pinipigilan niya ang sarili kapag nadarama niyang naninikip na ang lalamuna niya at nagbabanta nang tumulo ang mga luha niya. Dahil alam niya na sa sandaling magsimula na siyang umiyak, walang humpay na ang pag-agos ng mga luha niya. At sa oras na mangyari iyon, hindi niya maaalagaan ang mga pamangkin niya.
Wayne handled all the details for the funeral services for Xander and Michelle and dealt with the rest of their families. Pero siya ay itinuon niya lahat ng lakas at oras niya sa pag-aasikaso at pag-aaruga sa naulilang mga pamangkin. Buti na lang at sanay na ang mga bata sa kanya kaya hindi gaanong nanibago ang mga ito sa presensya niya sa bahay ng mga ito. Ang problema, ang akala nga ng mga bata ay nagbabakasyon lang ang mga magulang ng mga ito kaya pansamantala ay siya muna ang nagbabantay sa mga ito. Minsan na kasing nangyari iyon noong nakaraang taon nang siya ang magbantay kina Matt at Rachel nang mag-second honeymoon sina Michelle at Xander sa Macau. Siya ang humiling na huwag na nilang isama sa burol at libing nina Michelle at Xander sina Matt at Rachel. Nag-aalala kasi siya na baka matakot lang ang mga bata kapag nakitang nasa loob ng kabaong ang mga magulang tulad ng nangyari sa kanya noong bata pa siya. Lalo pa't hindi pa naman nauunawaan at natatanggap ng mga bata ang nangyari sa mga magulang. Pinagbigyan naman siya ni Wayne.
Payo pa nga ni Wayne sa kanya ay hayaan na lang muna nilang ganoon ang paniwala ng mga bata. Hayaan na lang daw muna nilang maniwala ang mga bata na nagbabakasyon lang sa malayong lugar ang mga magulang. Darating din daw ang panahon na mauunawaan ng mga ito ang tunay na ibig sabihin ng pagkamatay ng mga magulang ng mga ito. Sang-ayon naman ang mama ni Wayne sa pasya ng lalaki. Maging si Lola Lala ay ganoon din ang ipinayo sa kanya nang makausap niya ang lola niya sa telepono.
Hindi makababalik ng Pilipinas si Lola Lala para sa burol at libing nina Michelle at Xander. Matapos kasing malaman ni Lola Lala ang nangyari kina Michelle ay inatake sa puso ang matanda. Bagay na mas lalo pang nagpabigat sa kalooban at mga pangamba ni Chrisma. Sinabihan kasi ng mga doktor si Lolo Rogelio na siyang tumawag sa kanya tungkol sa nangyari sa lola niya, na hindi raw pwedeng bumiyahe pabalik ng Pilipinas si Lola Lala. Hindi raw kakayanin ng lola niya ang bumiyahe sa ngayon. Ang ipinagpapasalamat na lang niya ay hindi naman grabe ang nangyaring atake sa puso ng lola niya.
Kaya naman ngayong araw ng libing nina Michelle at Xander ay mangilan-ngilan lang silang naroon mula sa side ng pamilya ni Michelle. Matagal na rin kasing namayapa ang mga magulang ni Michelle. Kaya maliban sa kanya, sa pamilya ng mga ate niya at kay Lola Lala, walang nang maituturing na malapit na kamag-anak si Michelle. Kung nakauwi siguro sina Lola Lala at Lolo Rogelio mula Australlia ay may makakaramay siya habang ihinahatid nila sa huling hantungan nito si Michelle. Pero wala ang dalawa at hindi rin naman niya masandalan sina Ate Nerissa at Ate Talia.
Buti na lang kahit papaano at handang umalalay sa kanya si Wayne. Hati ang atensyon ni Wayne sa pag-alalay sa kanya at sa ina nito at ni Xander.
"Chrisma? We have to go," malumanay ang tonong tawag ni Wayne sa kanya nang balikan siya nito sa harap ng magkatabing puntod nina Michelle at Xander. Nauna na nitong inalalayan patungo sa kotseng sinakyan nila ang ina nitong si Tita Cory.
"It's not fair, Wayne. Napakabata pa nilang dalawa. Marami pang pangarap si Michelle para sa mga anak niya. At si Xander, alam ko marami pa siyang gustong maggawa para sa mag-iina niya," wika niya kay Wayne na huminto sa tabi niya.
Hindi sumagot si Wayne. Pero sapat na ang presensya nito sa tabi niya upang kahit papaano ay mabawasan ang lungkot at pighating nadarama. Kusa niyang ikinawit ang braso sa braso nito at ihinilig ang ulo niya sa dibdib nito. Tila labis na nabigla na nanigas si Wayne sa pagkakatayo. Akala niya ay itutulak siya nito palayo. Pero marahil, nakita nito na wala pa siyang lakas para tumayo mag-isa. Kaya naman umangat ang isang braso nito at hinayaan siyang mapaloob sa mga bisig nito. Marahang hinagod-hagod pa nito ang likod niya. Tahimik na inaalo siya sa kabila ng tiyak niyang nadarama rin nitong sariling pangungulila para sa yumaong kapatid.
Wayne remained the strong and unshakeable rock they all leaned on in these trying times. Tipid na tipid ang mga salita ng lalaki. Pero higit pa sa sapat ang presensya at mga ginagawa nito upang manatili siya at ang ina nito na matatag nitong nakalipas na mga araw. At dahil batid rin niya kung gaano kalapit si Wayne kay Xander, alam niyang labis-labis rin ang paghihinagpis ni Wayne sa pagyao ni Xander.
Pero dahil kailangan niya at ng ina nito na si Mrs. Cory Domingo, ang pag-alalay at suporta nito, hindi maggawang ilabas ni Wayne ang sariling kalungkutan. Bigla tuloy siyang na-guilty dahil hindi man sinasadya ay naging dagdag pa siya sa intindihin ng lalaki.
"I'm sorry, Wayne," mahinang sambit niya rito.
Tila nagulat naman na biglang napakunot-noo si Wayne nang yukuin siya.
"Sorry para saan?" usisa nito.
"Alam ko, nalulungkot ka rin pero dahil mas inuuna mong intindihin kami ni Tita Cory, hindi ka makapagluksa. I'm sorry."
"Forget it. This is what Xander would've wanted me to do. And knowing that eases some of the pain I'm feeling too."
Sa kabila ng sinabi ni Wayne ay mahigpit na niyakap pa rin ni Chrisma ang lalaki. Sa pamamagitan man lang ng init ng yakap niya ay mabahagian niya ito ng lakas niya tulad ng ginagawa nito para sa kanya nitong nakalipas na mga araw. Pero saglit lang siyang hinayaan ni Wayne na yakapin ito. Dahil halos wala pang tatlong segundo ay kusa na nitong kinalas ang mga braso niyang nakayakap dito.
"Let's go," anito na tila biglang naasiwa sa pagkakadikit nila. Nagpatiuna pa ito sa paglalakad patungo sa kinapaparadahan ng sasakyan nito na para bang nangangambang bigla na naman niya itong dambahin at yakapin. At hindi niya aaminin iyon sa lalaki kailanman pero may kurot sa puso niya ang iniaktong iyon ni Wayne.
BINABASA MO ANG
(COMPLETE)SILVER BELLES 1- CHRISMA IN OUR HEARTS
Romance"Ikaw raw ang babaeng magpapangiti sa akin araw-araw kahit na may mabigat na problema akong pinagdaraanan. Ikaw raw ang babaeng magpapatawa sa akin kahit na nasa gitna ako ng matinding kalungkutan."