"BULALAKAW"Sa bintana ko sinilip buwan at tala sa langit
ako ay humiling nang ang mata'y maipikit
ibigay mo, oh tala, ang sigaw ng damdamin
magbigay ng palatandaan kung hindi siya para sa'kin
-
Hindi inaasahan nang bigla kang matanaw
magmula nga noon, nag-abang na ng bulalakaw
'pag nakita'y humiling, iyon ang sabi sa akin
kaya hinihintay palagi ay pagkagat ng dilim
-
Minsan sa tingin ko'y sadyang 'di para sa akin
nakikita ko palagi ay normal lang na bituin
minsan pa nga'y wala, lalo sa t'wing tag-ulan
pakiramdam ko ang tadhana ako ay tinataguan
-
Bulalakaw, bulalakaw, ikaw ba ay totoo?
Kay daming mga tao ang humihiling sa'yo
Bakit ba sa iba ay nagpapakita ka?
Nawa'y sa akin din, kahit minsan lang sana
-
Hindi inaasahan, bulalakaw nagpakita
Ako'y napasigaw, bigkas ko ay 'hayan na!'
pumikit ng mariin, humiling ng taimtim
sinulit ang pinaghintay sa matagal mong pagdating
-
Mabilis kung dumaan, bulalakaw ay ganyan
agad itong naglaho doon sa kalangitan,
hindi lahat ng bituin sa langit mo mapapansin
mayroon dito sa lupa, hiniling kong mahulog sa'kin
-
Sa muli kong pagmulat ang araw ay sumikat
sa dalampasigan, simoy ng hangin amoy maalat
dama ko ang sampal nagmula sa karagatan
kasabay ng sampal sa'kin ng mapait na katotohanan
-
Sa kanyang kinaroroonan mata ko ay napangko
nangyari'y di inaasahan, luha ko'y biglang tumulo
isa itong palatandaan, ang aking isang hiling
ipakita ng tadhana kung siya ba ay para sa'kin
-
Siya ay nakatayo, sa aki'y nakatingin
sa mata'y may pananabik, ngiting labas ang kaniyang ngipin
nagsimula akong humakbang upang siya ay lapitan
bigla akong kinain ng saririling kahihiyan
-
Hindi ako, hindi ako, wala sa akin ang sulyap mo
ang babae sa likod ko, tumakbo siya tungo sa'yo
kitang-kita ng mata ko ang pagiging malapit niyo
niyakap mo, 'di ko kinaya, nadudurog ang puso ko
-
Kumakabog, naninikip, pinipiga ang dibdib ko
nahulog sa ibang tao ang bituin sa mundo ko
ano ito, bakit ganito, hindi ba't humiling ako?
Bulalakaw, bulalakaw, ikaw pala'y 'di totoo-------------
Watty UN: Missyellevii
🖤
BINABASA MO ANG
RANDOM THOUGHTS - POEMS
Thơ cawrite what's on your mind, and you'll see your masterpiece. ✔