Baka pumalaot sa dagat. Imposible namang umalis, hayun ang kanyang kotse. Ano bang gagawin ko?
Hindi man alam ng dalaga ang gagawin, nanatili lang siya roon. Nakaupo sa swing na bakal, o kaya naman ay palakad-lakad sa dalampasigan. Hindi niya alintana kahit na medyo kumakalam na ang kanyang sikmura.
Hanggang sumapit na ang hapon, sa wakas ay natanaw niya ang padaong na lantsa sa dalampasigan.
Hayun na siya! Sumigla ang kanyang pakiramdam.
KUMUNOT ang noo ni Jerome nang matanaw niya ang pamilyar na bulto ng isang babaeng nakatayo sa dalampasigan, nakatanaw sa kanyaat sa malas ay siya talaga ang hinihintay.
Ano na naman ang ginagawa ng babaeng ito rito?
Hinagilap niya sa sarili kung naiinis siyang makita ito, pero salat sa ganoong damdamin ang binata.
Ang totoo, lihim siyang natuwa na naroon ito.
Dahil sa maghapong paglalayag niya sa karagatan, paminsan-minsan ay naiisip niya ang makulit na dalaga. At lagi siyang napapangiti kapag naalala ang pagkamali-mali nito at minsan ay ang pagiging clumsy.
Mangungulit na naman kaya ng huli niyang isda? O, baka may ibang pakay. Hapon na, ah.
Hanggang nakadaong sa pampang ang lantsa ay hindi pa rin ngumingiti si Jerome.
"O, bakit narito ka?" pagalit pa niyang tanong nang makalapit na rito.
"Ah, k-kasi... may sasabihin sana ako sa iyo."
"Ano iyon?" Pero humakbang na ang binata patungo sa resthouse.
"K-kung ayaw mo nang bilhin ang mga huli kong isda, baka naman puwede mo akong kunin na katulong dito sa resthouse mo!" habol naman ito sa paghakbang niya.
"Ano?" Napatigil siya sa paghakbang at hinarap ito.
"K-kasi, ang hirap ng buhay namin. Kung hindi kami makakahuli ng isda, wala kaming makakain. Kung papasok na lang akong katulong sa iyo, may regular akong sweldo, hindi ba?"
"Pero hindi ko kailangan ang katulong dito. Bukod sa may katiwala na ako rito sa resthouse, isang linggo lang ako rito. At dahil apat na araw naako rito, tatlong araw na lang ang ilalagi ko rito at babalik na ako sa lungsod."
"H-ha? G-ganoon ba?"
"Oo, ganoon. Kaya puwede ba, tigilan mo na ang pangungulit sa akin." Saka binilisan ng binata ang paghakbang at tuluyan na itong iniwan.
NAIWANG nakatigagal si Alex habang nakatanaw sa sarado ng resthouse.
Habang nagiging mailap sa kanya ang guwapong binata, tila naman lalong nadaragdagan ang pagnanais niyang makalapit dito.
Hindi aware ang dalaga na unti-unti nang nagiging obsesyon ang dati ay pag-iilusyon lang niya na ito ang maging asawa.
Hindi! Hindi niya ako puwedeng iwan! Hindi siya puwedeng bumalik sa lungsod hanggang hindi ko siya napapaibig. Kapag nakaalis na siya, imposible na talagang may makilala akong lalaki na kagaya niya na tutupad sa mga pangarap ko sa buhay.
