Pinatay Ko Sila

41 3 1
                                    

Pinatay Ko Sila
(Maikling kwentong kapupulatan ng aral)


Ako si Tonyo, 25 taong gulang. Hayskul ako nung una akong magsigarilyo. Nung una, gusto ko lang talagang sumabay sa mga barkada kong halos araw-arawin ang pagyoyosi. Sabi nila, astig daw kasi tingnan sa lalaki ang ganun. Kaya naman isang araw, sa banyo ng mga lalaki, palihim kaming nanigarilyo. Hindi ko maipaliwanag ang pakiramdam ko nun. Ang kasiyahang umaapaw sa loob ko sa bawat pagbuga ko ng usok. Ibang-iba! Para akong lumulutang sa ere.

Hanggang sa ang unang tikim na iyon ay nasundan ng pangalawa, ng pangatlo... hanggang sa hindi ko na mabilang pa. Walang araw ang lumipas na hindi nakatikim ng sigarilyo ang mga labi ko. Binusog ko ito ng yosi. Mawalan na ng perang panggastos sa project, wag lang mawalan ng perang pambili ng sigarilyo.

Kung bubuksan mo naman ang bag ko, isang notebook, isang ballpen, isang lighter at ilang stick ng sigarilyo ang pihadong makikita mo. Ganoon ang naging ayos ko hanggang sa tumungtong ako sa huling taon ko sa hayskul.

Graduating ako noon... graduating ako nung mahuli ako ng isa naming guro na naninigarilyo sa likod ng isang lumang silid-aralan. Dinala ako sa guidance office at pinangaralan. Pero sino ba sila para diktahan ang mga dapat kong gawin? Wala naman akong nasasaktan sa paninigarilyo ko kaya bakit nila ako pagbabawalan?

Kaya ayun, hindi ako sumunod. Pinagpatuloy ko ang paninigarilyo ko at kahit ilang ulit pa nila akong idala sa opisinang iyon ay hindi ako hihinto. Nagmatigas ako. Nagmatigas ako hanggang sa wala na silang nagawa kundi ang i-expel ako.

Wala akong pakialam. Mabuti nga iyon dahil sakit sa ulo lang naman ang pag-aaral. Ang nakaka-badtrip lang naman ay ang araw-araw na pagpapamukha sa akin sa bahay na napakatanga ko para sayangin ang pagkakataon kong makapagtapos.

Noong hindi ko na nakayanan ang mga sermon ng mga magulang ko ay naglayas ako. Malayo sa kanila... sa mga taong hindi makaintindi sa akin.

Nakitira ako sa barkada ko nun. Palipat-lipat pa nga ako dahil kailangan kong bumukod kapag nakakapangasawa na ang mga gago.

Napag-iwanan ako. Sila nakapagtapos ng pag-aaral. May asawa at mga anak na. Ako? Sigarilyo lang ang meron ako. Lahat iniwan ako, pero itong maikling stick na ito lang ang nanatili sa tabi ko. May poreber kami! Pero bakit ang lungkot pa rin?

Kaya naman nung may babaeng bumihag sa puso ko at nabihag din ng akin, muli kong naramdaman ang pakiramdam ko noong una kong tikman ang yosi. Lumulutang sa ere dahil sa kasiyahan. Sa pagkakataong iyon, naramdaman kong may taong kaya akong tanggapin. Na bukod sa yosi, may taong magpapasaya sa akin.

Nagsama kami sa iisang bubong. Masaya ako sa kanya at alam kong ganun din siya sa akin. Ni wala akong narinig na reklamo mula sa kanya kapag nakikita akong naninigarilyo. Siya lang, siya lang talaga ang nakakaintindi sa akin. Kaya mahal na mahal ko siya. At lalo ko pa siyang minahal nang malaman kong buntis siya sa akin. Magkakaroon na kami ng supling!

Todo alaga ako sa misis ko magmula nun. Pareho kaming excited sa bubuuin naming pamilya. Araw-gabi nasa bahay ako para bantayan siya. Sa bahay na rin ako nagyoyosi para mas matutukan ko sila ng magiging anak ko.

Masaya ako. Mas masaya pa kaysa sa nararamdaman kong kasiyahan sa paninigarilyo. Pero ang kasiyahang iyon ay panandalian lang din pala.

Isang gabi ay dinugo siya. Nagpapanic ako nung dinala ko ang aking misis sa hospital. Nangangatog ako. Halos hindi na makahinga sa sobrang kaba.

Ang bigat ng pakiramdam ko habang naghihintay sa labas ng ER. At lalo pang bumigat iyon nang bumukas ang pinto at harapin ako ng doktor.

Nang gabing iyon, tila ilang ulit akong sinaksak. Tuloy-tuloy na bumuhos ang mga luha sa aking mga mata. Luha ng sakit, ng panghihinayang, ng pagsisisi. Humagulgol ako sa hospital.

Hindi ko matanggap...

Na ang babaeng tumanggap sa akin... at ang baby namin... pinatay ko.

Random WritesTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon