𝐇𝐎𝐒𝐓𝐈𝐋𝐄

26 1 0
                                    

༺༻
Ako... Ay nilalang niya.

Pinanganak ako... Katulad lang din nila.
Sa kauna-unahang pagsilay ko sa mundo,
Ako'y nagtangis...
Katulad lang din nila,
Walang pinagkaiba.

Lumaki ako at namulat sa totoong mundo.
Namulat ako sa itinadhana nilang daan para saakin.
Ang kakaibang daan kumpara sa iba.
Binago at hinulma ako ng mga pagkakataon at sitwasyong dumaan.
Sunod-sunod ang unos hanggang sa lunurin ako ng pagdadalamhati.

Tinahak ko na nga ang daan na hindi ko kailanman ginusto...

Iniiyak ko ang kalungkutan habang unti-unting niyayakap ang daang ibinigay saakin... Ang aking kapalaran.
O' kaybigat sa pakiramdam.
'Ni hindi ko inaasahan na ito ang ang aking kahihinatnan sa pagdating ng panahon.

Pinanood ko ang paghihirap ng aking nasa paligid.
Nagtataka ako sapagkat ako ang itinurong may kasalanan.
Ako? Bakit ako?
Ang daang itinadhana saakin ang may kasalanan... Hindi ako
Hindi ko kailanman ginusto ito
Lumaban naman ako...
Hindi nga lang nabigyang pansin.
Siguro nga, kapalaran na itong matatawag.

Kapalaran, kapalaran, kapalaran...
Sa halip na ikaw ang katakutan,
Bakit ako?
Kailanma'y hindi hiniling at
Hindi pinagplanuhan...
Wag ako ang iyong sisihin.

Sa pamamagitan ko, lumago at tumibay ang mapalad na bida.
Ako ang siyang naging pagsubok na nagpatibay at yumari sa kanilang karakter...
Habang ang sarili ko nama'y lumulubog pailalim sa pighati.
Hindi patas at hindi makatarungan.
O' kung ako'y iyong naririnig,
Nais ko sana'y palarin din katulad nila.

Imbes na galit, hindi ba dapat sila'y magpasalamat?
Ako na siyang inyong kaaway ang nagbigay diwa sa sari-sarili niyong kwento.
Sigurado...
Kung wala ako, isang di makabuluhan at paulit-ulit na istorya lamang ang nakatala sa libro ng iyong buhay.

Ito na, dumating na ako sa huling wasiwas ng aking espada.
Kalansing ng laban ko at ng kinilalang tagapagligtas ang naririnig niyo.
Nakakabingi ang kanilang suporta sa tagapagligtas.

Ah, sana'y tulad nila, mayroon din akong tagapagligtas. Isang tagapagligtas na handang labanan ang aking kapalaran.
Pagod narin kasi ako...

Hanggang sa ako'y nagapi ng bida.
Sobrang sakit.
Napakasakit na makita at marinig ang nagdiriwang na hiyawan niyo matapos akong talunin ng pinaka-mamahal niyong tagapagligtas.

O' siyang naglalang,
Nauubusan na ako ng hangin at nawawala narin sa ulirat.
Gusto kong magtanong, bakit naging ganito?
Kung katarungan lang din naman ang ipinaglalaban ng mapalad na bida, sana'y nilabanan niya rin ang hindi patas na hatol sa akin.

Tuluyan na nga akong naging makasarili sapagkat sa aking huling hininga, hiniling ko na sana'y may nalungkot saaking pagkawala.

༺༻

PROSAIC & POESYTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon