Chapter 05.1: Nasaan ka Elisa?
Anim na araw na ang nakalipas mula nang mamatay si Ms. Lizabeth. Pero parang wala lang sa mga kaklase ko. Para ngang nagbakasyon lang si Ms. Liza o lumipat ng paaralan para sa kanila.
Anim na araw na rin kaming nag-aalala dahil sa pagkawala ng kaklase naming si Elisa. Lahat kami nagtataka, natataranta at... natatakot. Ang sabi nila Apryl at iba pa niyang kasamahan sa pageant, nagpaalam raw siya na umalis muna pagkatapos ng kanilang short break. Pero pagkaraan ng ilang oras, hindi na siya bumalik.
Hindi na namin sinabi sa Mommy at Daddy niya dahil mag-aalala lang ang mga ito, at nagtatrabaho sila sa ibang bansa.
Hanggang ngayon, patuloy pa rin ang paghahanap namin sa kanya. Nagbabakasakaling... buhay pa siya.
"Uupo nalang ba tayo dito? Tutungana? Maghihintay na may isang taong makakakita kay Elisa?" pabasag ni Clark sa katahimikang namumuo sa aming lahat.
"Kakahanap lang 'di ba natin kanina sa kanya? Hindi ba pwedeng magpahinga naman tayo kahit isang oras lang?" sabat ni Angel.
"Sapat na ang kalahating oras para magpahinga. Mahalaga ang bawat oras na nasasayang. Walang mangyayari 'pag uupo lang tayo dito na walang ginagawa," paliwanag ni Clark. Alam naming mas nag-aalala si Clark kay Elisa dahil mahal niya ito. Kaya kahit na ilang ulit pa siyang binusted, hindi pa rin siya susuko na maangkin ang puso ng dalaga.
"Napapagod rin naman kami Clark. At tsaka paulit-ulit lang din ang pinupuntahan natin, wala naman siya doon," singit ni Aivan.
"Ano, susuko ka nang mahanap si Elisa?" tanong ni Clark sa nanlalakihang mga mata.
"Wala akong sinasabing ganyan. Ang sa akin lang, dapat magkaroon din tayo ng pahi---,"
"Tang*na! Sabihin mo na kasi kung ayaw mo nang sumama sa paghahanap. Hindi 'yong kung ano-ano pa ang sinasa---," hindi nakatapos sa pagsasalita si Clark nang bigla siyang suntukin ni Aivan.
Hindi nagpatalo si Clark at binigyan din ng malakas na suntok si Aivan. Nagkagulo sa loob ng silid namin, kaya inawat sila ng mga kaklase namin.
"Tang*na ka din," galit na sabi ni Aivan. "Hindi mo lang alam kung gaano ako nag-alala sa pagkawala ni Elisa. Halos ilang gabi na rin akong hindi nakatulog sa pag-aalala."
"'Wag mo 'kong pinagloloko. Alam ko noong una pa man, ayaw mo nang sumama sa amin sa paghahanap kay Elisa," nanggagaliiting sabi ni Clark.
Maya-maya ay tumayo na si Cloid at pumunta sa gitna nila Clark at Aivan.
"Pwede ba, umayos naman kayo! Para pa rin kayong mga bata. Walang mangyayari kung pakikipag-away lang ang alam niyo," wika ni Cloid.
"Wala kang karapatang mangialam sa ayaw namin, Cloid," sabi ni Clark habang hawak pa rin siya ng mga kaklase naming lalake at pilit inaawat.
Tumingin si Cloid sa kanya. Halatang nainis ito sa sinabi ni Clark dahil sa ekspresiyon ng kanyang itsura.
"Vice president ako sa section na 'to kaya may karapatan akong mangialam sa away niyo, sabi ni Cloid. Nakita kong napangiwi si Clark. "Hanggang wala pa si Apryl, ako muna ang maglilinis ng mga baho niyo."
"Huwag kang umasta na parang wala kang sekretong tinatago. Sa apat na taon nating pagsasama, alam ko na lahat ang mga sekreto niyo, pati ang mga tunay niyong ugali," sabi ni Aivan sa buong klase.
Hindi na nakasagot si Cloid. Naagaw kasi ng pansin namin ang mga nagkakaguluhang estudyante sa labas ng classroom namin. May nagsisigawan at nagtatakbuhan. Mukhang papunta sila sa laboratory room dahil dumaan sila sa bandang kaliwa.
Agad naman kaming nagsilabasan at sinundan ang mga estudyante. Ngunit bago pa man ako makapunta sa laboratory room ay may naramdaman akong tumapak sa paa ko, kaya napahinto ako sa paglalakad. Pinagpagan ko ang medyas na natapakan siguro ng isa estudyante kanina at tumayo ulit. Nagulat nalang ako nang makita ko ulit ang babaeng nakatitig sa akin noong pauwi na ako. Pero ang ipinagtataka ko kung bakit hindi siya napapansin ng mga estudyanteng dumadaan sa kanya. Mas lalo akong nagulat nang tumagos lang siya sa isang babaeng dumaan. Para siyang... isang... kaluluwa.
Umiling ako. Pinikit ko ang aking mga mata at kinusot ang mga ito. Baka namamalik-mata lang ako at kung ano-ano lang ang nakikita ko.
Pagmulat ko muli, ay wala na siya. Baka nga namamalik-mata lang ako.
Hindi ko muna iyon pinansin at dumiretso nalang sa laboratory room kung saan nagsisipuntahan ang mga estudyante.
Pagkarating namin doon ay tumambad sa amin ang sunog na katawan ni Sir June, ang Chemistry teacher ng paaralang ito. Nakakadiri ang nangyari sa kanya. Sunog ang kanyang katawan hanggang sa kanyang mga kamay. Ang kanyang ulo ay puno ng packing tape na may nakalagay na JUNE at ang kanyang kamay ay nakatali sa magkabilang bakal ng dingding. Ang kanyang mga paa ay nakatali rin sa bandang ilalim ng dingding kung saan nakatali ang kanyang mga kamay. Nakalambitin siya sa nakapormang ekis.
Sino kaya ang gumawa nito? Nakakatakot. Mas lalo akong kinabahan dahil hanggang ngayon ay hindi pa rin namin nahahanap si Elisa. Baka may nangyari na sa kanyang masama. Wag naman sana.
"Kawawa naman siya. Sino naman kaya ang may gawa nito sa kanya?" rinig kong sabi ng isang estudyante.
"Una si Ms. Liza, ngayon si Sir June naman," sabi naman ng kasama niya. "Sino kaya ang susunod? Sana 'yung malditang librarian natin." ngumisi sila ng mahina.
Siguro nga tama si Elisa. Na sinadya ang pagpatay kay Ms. Liza at sa tingin ko, ang pumatay kay Sir June ay ang pumatay din kay Ms. Liza.
Pero ang tanong, bakit niya ito ginagawa at sino siya?
"Renee," rinig kong may tumawag sa akin. Mukha iyong boses ni Elisa kaya nabigla ako.
Lumingon ako sa likod at nagulat ako dahil iba ang nakita ko. Ang babaeng nakatitig sa akin noong pauwi na ako ay ang babaeng nakatitig din sa akin ngayon.
Akala ko namamalik-mata ulit ako, pero nung kinusot ko muli ang aking mga mata, hindi na talaga ako namamalik-mata.
Pinuntahan ko siya at tinawag pero tumalikod lang siya sa akin at naglakad papuntang kanan.
"Sino ka ba? At... bakit mo ako palaging tinititigan?" sigaw ko sa kanya.
Pero hindi siya sumagot o lumingon man lang. Para siyang walang naririnig. Patuloy lang siya sa paglalakad. Napansin kong pumasok siya sa lumang storage room kaya tumakbo ako at sinundan siya.
Laking gulat ko nang makita ko sa salaming bahagi ng pinto ang salitang HELP. Alam kong sinulat ito mula sa dugo gamit ang kamay dahil sa masangsang nitong amoy.
Wala nang pumapasok sa lumang storage room kaya nagtataka ako kung bakit pumasok dito ang babae.
Hinawakan ko ang seradura ng pinto at pinihit ito pabukas. Mabuti nalang at hindi ito lock. Dati kasi nakasarado talaga ito. Wala na kasing naglalagay ng mga gamit dito dahil luma na ito at may bago nang stock room ang paaralang ito.
Nagulat ako sa nakita ko pagkabukas ko ng pintuan. Hindi ko kaya. Nakakasuka. Nakakadiri.
Bakit ito nangyarisa kanya? Bakit?
BINABASA MO ANG
Someone is Staring at You (Editing)
TerrorLook around and observe everything. Because I know that there is someone staring at you right now... SO PLEASE BE CAREFUL! Fact: Waking up between 2:00 - 3:00 AM without any reason means that, Someone is Staring at You!