Masakit sa aking kaloob-looban ang makitang nagtuturuan ang aking mga kaklase kung sino ang lalahok na guguhit para sa paparating na kompetisyon. Nakaupo ako ngayon sa pinakadulong bahagi ng silid at naghihintay na lamang namay mag banggit ng aking pangalan,
"Ayy si ano! Magaling yung magguhit!"
"Si ano rin, magaling!"Napabuntong-hininga ako ng wala ni isa sa kanila ang nagrepresenta ng aking pangalan. "Bakit ayaw mong makilahok sa kanila? Magaling kang gumuhit diba?" Nagpanting ang aking mga tainga ng marinig ko ang sabi ng aking katabi, ano raw? Ako, magaling gumuhit? Nahihiya naman akong napalingon sakanya at nag-aalangang itinuro ang aking sarili, "Ako ba ang kinakausap mo?" Marahas syang tumango at ngumiti, "Nakita ko lahat ng mga likha mo, lahat sila'y magaganda". Ang sarap, ang sarap marinig ang mga salitang matagal ko nang inaasam-asam na mapakinggan, "Salamat nalang pero nahihiya ako eh" nakayuko kong saad, "Kung nahihiya ka, mas nakakahiya yung mga sumali ng walang alam sa larangan ng pagguhit, base sa mga obserbasyon ko sa mga guhit mo ay pawang pangkatotohanan at masyadong malalalim ang mga salitang nasa likod ng iyong mga guhit. Mahusay ka at mas huhusay ka pa, kapag may tiwala ka sa iyong angking talento", nakakataba ng puso, "Ipakita mo sa lahat ang nakakubli mong talento, ipakita mong magaling ka at ipakita mo ang iyong mga likha na buong-puso mong ginawa, hangga't patuloy kang magtatago sa likod ng liwanag, hindi ka mapapansin o matitingala ng lahat, dapat ikaw ang magsilbing liwanag" nakangiti nyang saad.
Hanggang ngayon, hindi ko pa rin limot ang mga katagang kanyang binitawan, ang mga katagang nagsilbing inspirasyon ko upang maabot ang aking mga pangarap. Lahat ng kanyang salita ay makahulugan, hindi ko lubos maisip na ang mga salitang iyon ay ang magsisilbing tulay ko patungo sa hinaharap. Ngayong isa na akong ganap na Professional Artist, gusto kong magsilbing inspirasyon ang aking storya.