Kabanata 8

2.4K 191 18
                                    

Nakatitig ako sa may pinakamaitim na mga matang nakita ko sa buong buhay ko. Ang kanyang kulay ay kayumanggi at nababalutan ng mga baybayin na tattoo. Mukha siyang nililok ng isang magaling na iskultor. Mukha siyang isang panaginip na nabuhay.

"Hinga, Marikit," utos nito at parang doon lamang natuto ang aking baga na huminga ng kusa.

"Saan ka nagmula?"

Tumaas ang isang sulok ng kanyang labi ngunit hindi ako sinagot. Ibinaba niya ang libro sa mesa. Napapikit ako ng maramdaman kong dumaiti ang kanyang buhok sa aking balikat.

"Kumain ka na ba, Marikit?" ulit niya sa kanyang tanong nang nakabalik na siya sa kanyang pagkakatayo sa aking harapan. Doon ko lamang napansin na ang nakatapis sa kanyang baywang ay ang sapin sa kama.

"Bakit alam mo ang pangalan ko samantalang hindi ko alam ang sa iyo?"

Tuluyang siyang ngumiti ngunit bakit pakiramdam ko ay isa akong daga sa harapan ng nakangiting leon?

"Hindi mo dapat sinasagot ang aking tanong ng isa pang tanong. Hindi tayo makakapag-usap ng matagal, Marikit. Kailangan kong bumalik kung saan ako nararapat."

"Pangalan? Ano ang pangalan mo?" Sinalubong kong muli ang kanyang itim na mga mata. Para akong nalulunod sa mga ito. Parang isang balon na hindi ko alam kung hanggang saan ako malalaglag. Ang alam ko lamang ay nahuhulog ako at hinihintay ko ang aking pagbagsak.

"Kumain ka na ba, Marikit?" may diin ang kanyang pagkakatanong.

"Hindi pa."

"Kailangan mong kumain." Paalala niya sa akin. Doon pa lamang kumalam ang sikmura ko at narinig niya ang pagwawala nito. Napapikit ang manggagaway at nakakunot na ang noo niya ng magmulat ng mga mata.

"Babalik ako. At sa aking pagbabalik, malalaman mo ang ngalan ko. Iwasan mo ang mga taga-bantay kung nais mo pa akong makita. Sunugin mo ang libro kung kinakailangan ngunit huwag mong ibibigay sa kanila. Maliwanag ba?"

Para akong nahipnotismo sa kanya. Kusa akong tumango nang hindi nagtatanong kahit marami akong mga katanungan.

"Aalis na ako. Ingatan mo ang libro. At Marikit,"

Napakurap ako sa harapan ng manggagaway. Yumuko siya upang magkatapat ang aming mga mata. "Hindi lahat ng iyong nababasa ay totoo. Ang mga kwento na nalimbag ay hango sa kung ano ang totoo sa paniniwala ng nagsulat."

Marahan akong tumango. Nawalan yata ako ng kakayahang magsalita.

"Kumain ka na. Huwag mong papabayaan ang iyong sarili." Paalala niya. Tumayo siya ng tuwid at mabilis na naglakad paakyat ng hagdanan. Para akong namalikmata at doon lamang nakakilos. Sinundan ko ang manggagaway sa itaas ngunit ang natira na lamang mula sa kanya ay ang sapin sa kama na nasa ibaba ng sahig at libro. Pinulot ko ang libro at ang sapin na kanina lamang ay nakatapis sa kanya. At ewan ko ba kung bakit parang napaso ang aking kamay sa naisip na dumapo ang sapin sa kanyang katawan kanina.

"Madaya ka," bulong ko sa libro.

****************

"Hindi ako madaya," natatawang sagot ko. Hinila lamang ako ng tanikala kung kaya ako ay umalis kaagad.

"Bakit kilala mo ako gayong hindi kita kilala?" Huminga ng malalim si Marikit at binitawan ako sandali sa kanyang hapag na maliit sa gilid ng kama. Sinimulan niyang ayusin muli ang higaan at nang masigurong wala ni isang lukot mula sa sapin na ibinalot ko sa katawan ko kanina ay nilapag niya ako sa aking lugar— sa kanyang tabi.

"Ang dami kong tanong ngunit wala kang sinagot ni isa,"

"Wala akong oras na magtagal, patawad." Sagot ko sa kanyang malungkot na mga mata.

"Ikaw ba iyon? Alam kong ikaw iyon ngunit paano? Nakakulong ka ba? Isinumpa?"

Umiling ako sa kanyang harapan. Ang aking kwento ay masalimuot intindihin.

"Nangako ka. Na sa iyong pagbabalik, sasabihin moa ng pangalan mo."

"Pangako," mahinang wika ko at parang narinig niya ako ng sumilay ang isang magandang ngiti mula sa kanyang labi.

"Panghahawakan ko iyan. Iiwanan muna kita at kakain muna ako. Babalik ako maya-maya."

Unti-unting lumapit ang mga lapi ni Marikit sa pamagat ng libro at binigyan niya ito ng isang banayad na halik. Naramdaman ko ang pagdaiti ng kanyang labi sa aking kabuuan.

"Mapangahas ka," bulong ko sa kanyang papalayong imahe na palabas ng pintuan.

"Binibigyan mo ako ng mga bagay na limot ko na ang pakiramdam. At mapangahas ako," dugtong ko habang nakatingin sa kawalan. "dahil hinahanap ko ang kapangasahan mo."

Bumalik si Marikit pagkaraan ng ilang oras. Nahiga siya sa aking tabi at tumingin sa akin.

"Ano ang taga-bantay?" tanong niya.

"Hindi ka talaga maubusan ng tanong."

"At bakit parang ang bigat mo kaninang umaga? May kinalaman ba si Ms. Mel? Teka nga, magpapakita ka ba sa panaginip ko?"

"Hindi. Naubos ang lakas ko sa paglabas sa libro." Paliwanag ko sa huling tanong niya.

"Iyon pala ang mukha mo na itinatago sa akin sa panaginip. Bakit mo tinatago gayong hindi ka naman pangit?"

Natawa ako ng bahagya sa mga sinasabi niya. "Mataas ka pala. Akala ko ay maliliit ang mga purong Pilipino." Pagpapatuloy niya.

"Marami ang hindi mo alam," mahinag wika ko.

"Bukas naman, inaantok na ako. Magpakita kang muli, manggagaway." Bulong niya bago tuluyang hilahin ng antok.

"Mag-iipon mula ako ng lakas, Marikit. Hanggang sa muling pagkikita."

Kinabukasan ay isinama ako ni Marikit pababa sa unang palapag. Nakikita ko siyang gumagawa ng mga libro na dinala ng taga-bantay. Nakaupo ako at nakapangalumbaba habang nakatingin sa kanya. Kung minsan ay tumitingin siya sa gawi ko at kumukunot ang noo. Pagkatapos ay iiling at babalik sa kanyang ginagawa. Napapansin kong hindi siya kumakain kapag nakaupo na sa kanyang upuan. Kung hindi kape ay tubig lamang ang kanyang iniinom. Mag-uusap kaming dalawa sa kanyang pagpapabaya sa sarili pagbalik ko. Hindi tama ang nagpapalipas ng pagkain.

Bandang hapon nang may mag-ingay sa tabi Marikit at nagsalita siya rito. Ito na marahil ang telepono na dinala ng mga Amerikano noon.

"National Museum? Mga anong oras?" tanong niya. Napatingin muli siya sa gawi ko at saka kumunot ang noo.

"Hindi. Nasa akin ang libro. Wala namang nagpupunta rito." Wika ni Marikit. Napatayo ako sa aking kinauupuan at lumapit sa bintana ng pamagat.

"Sige Ms. Mel, dadating ako bukas. Okay po, ingat din kayo."

"Ugh, huwag kang lalabas bukas sa libro. May pupuntahan tayo." Wika niya sa akin.

"Saan?"

"Kailangan ko bang magdala ng bedsheet bukas? Baka bigla na lang bumulaga sa amin itong taong 'to," bulong niya sa sarili.

"Taga-bantay," wika ko sa nagngangalit na mga ngipin.

The Book MakerTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon