Iba ang aking pakiramdam nang lumabas kami sa pribadong silid. Nakahawak si Carol sa braso ko na parang inaakay ako habang naglalakad. Si Zandro ay nasa kanyang tabi habang nasa likod namin si Jake, Ms. Mel at Ms. Rose. Parang may nakamasid sa amin. Paglingon ko sa bintana ay may isang uwak na nakatitig sa amin. Napahinto ako, ganon din sila Carol. Sinundan nila ng tingin ang tinitingnan ko.
"Uwak. Sa Maynila?" Nagtatakang tanong ni Jake. Hindi ako nilubayan ng tingin ng uwak. Para siyang si kamatayan kung tumitig.
"Tara na. Sasamahan ka naming umuwi." Mahinang wika ni Carol sa akin. Napilitan akong mag-iwas ng tingin at magpatuloy sa paglalakad. Sa gilid ng mga mata ko ay tinitingnan ko ang bintana na madadaanan namin. Naroon ang uwak. Lumilipad siya sa bawat bintana upang tingnan ako.
Palakas nang palakas ang kilabot ko habang palabas kami ng gusali. At ang uwak ay naroon sa pintuan ng makalabas kami.
"Parang may mali," wika ko kay Carol. Napatigil muli sila sa paglalakad. "Mayroong nakatingin sa atin."
Napalinga sila sa paligid ng biglang parang may sumasakal sa akin. Napakapit ako kay Carol. Hindi ako makahinga.
"Kit," nahihintakutan akong sinalo ni Carol at Zandro.
"Sakal," pilit kong nagsalita habang hawak ko ang leeg ko. "Nasasakal ako."
"Puksain ang susi ng hinaharap," wika ng isang babae sa 'di kalayuan. Napahandusay ako sa semento habang hinabahol ang paghinga.
"Udaya," sigaw ni Ms. Rose.
"Kit... Kit, hinga ka lang." Pinaypayan ako ni Ms. Mel habang nakatayo naman si Zandro, Jake at Ms. Rose upang harangan ako. Sa siwang ng kanilang mga binti ay nakita ko si Udaya na papalapit.
"Hmm... ano kaya ang lasa ng sanggol ng Manggagaway? Matitikman ng mga tiktik mamaya," wika niya. Nanlaki ang mata ni Carol at Ms. Mel. "Ano ang lasa ng dugong bughaw na sanggol, Mutya?"
"Kit, huminga ka. Buntis ka ba?" Tanong ni Carol. Patuloy sa pagpaypay si Ms. Mel habang unti-unti akong kinakapos ng hininga.
"Nandito na ang taga-sundo mo Mutyang Marikit." Tumatawang sabi ni Udaya. Unti-unting nagdidilim ang paningin ko.
"Tigilan mo."Utos ni Ms. Rose kay Udaya.
"At bakit ko gagawin mga walang utang na loob? Pagkatapos ko kayong kupkupin ay ito ang gagawin ninyo," sigaw ni Udaya. Itinaas ni Udaya kaliwang kamay niya at mas lalong humigpit ang pagkakasakal sa akin ngunit doon ko nakita ang putol niyang daliri. Putol ang kanyang hinlalato—ang pinakamahabang daliri sa kamay.
"Tigilan mo sabi," sigaw ni Ms. Rose at may kung anong pwersa ng hangin ang tumangay kay Udaya palayo sa amin. Sa isang iglap ay nawala si Udaya sa harapan namin ngunit hindi ang hindi nakikitang kamay na sumasakal sa akin.
"Nasaan siya?" Tanong ni Jake.
"Kit," sigaw ni Carol sa akin. Unti-unting nanlalabo ang paningin ko. Inuga-uga ako ni Carol ngunit hindi nakakatulong.
"Kit, lumaban ka. Buntis ka yata, lumaban ka. Hinga," natataranta na maging si Ms. Rose. Nakatingin ako sa langit at naririnig ang sigaw ni Bunao. Sa di kalayuan ay ang uwak na nakatingin din sa akin. Hindi ko alam kung bakit biglang naging tao siya. Sa huling hininga na meron ako, sinambit ko ang kanyang ngalan.
"Sidapa," wika ko at tuluyang nagdilim ang aking paningin.
**************
Kung maari lamang na umusok ako sa galit sa nais na mangyari ni Marikit ay nagawa ko na. Tama ang taga-bantay, gugunawin ko ang mundo kung makakalaya akong wala siya.
BINABASA MO ANG
The Book Maker
FantasyIsa akong manggagaway na nakakulong sa isang libro. Isang kaparusahan na hindi ko dapat sinapit ngunit ipinataw sa akin. Hindi ko sukat akalain na ang tanging babae na aking iniibig ang siyang maglalagay sa akin sa kapahamakan. Kapalit ng kanyang ka...