Spoliarium

38 0 0
                                    

"...At ngayon, 'di pa rin alam kung ba't tayo nandito. Puwede bang itigil muna ang pag-ikot ng mundo?"

Tanaw ko ang mapayapang pag-alon ng karagatan mula sa balkonahe ng aking kwarto na nagpapakalma sa magulo kong isipan. Tinungga ko ang alak na hawak ko at ramdam ko ang hagod nito sa aking lalamunan. Isang bote lang. Pampatulog lang. Pampawala ko rin kasi ng stress ang alak. Nagbabaka-sakali akong mamaya sa paghiga ko, malimutan ko na ang mga nangyari ngayong araw. Sana nga mawala na sa isip ko. Nais kong mabura sa alaala ko ang masaklap na sinapit ng kasamahan namin. Sumalangit nawa ang kaluluwa niya. Ako mismo ang nakakita sa nangyari sa kanya. Na-trauma yata ako. Hindi ko na alam.

"Mang Art! Mang Art, 'asan ho kayo?!" Tawag ko kay Mang Art, ang tagapamahala ng environmental organization namin dito sa Cebu. Dinalaw namin sila dahil nakarating sa amin ang panggugulo ng mga minero sa may kabundukan ng isa sa mga isla na pinangangalagaan nila dito. Pumunta kami rito upang tulungan silang kausapin ang mga walang pusong amo ng mga minerong iyon.

Nag-usap kami sa main office ng organisasyon namin 'di kalayuan sa resort na aming tinutuluyan. Nasa dulo ito ng isla kaya medyo matagal ang lakad pabalik sa resort. Maayos naman ang naging usapan. Napagkasunduan naman namin na hindi nila gagambalain pa ang kabundukan doon dahil hindi nila iyon pagmamay-ari at wala silang karapatan ni pahintulot na pagminahan iyon. Mahirap man para sa kanila, ngunit wala silang nagawa dahil mali talaga ang intensiyon nila. Pinayuhan na lamang namin sila na isagawa nila ang kanilang pagmimina sa mga lugar na napagminahan na at nang may pahintulot sila. Wala naman nang naging problema roon at nakipagkamayan na kami sa kanila.

Pabalik na kami sa aming resort na tinutuluyan nang magpaalam sa akin si Mang Art na kukunin niya lang daw ang ibang gamit niya sa likuran ng opisina. Babalikan niya raw ako rito sa labas. Kami na lamang ang mga tao rito. Alas dose na ng tanghali at malamang ay gutom na ang mga kasama namin kaya pinauna ko na sila. Mahigit 30 minuto na akong naghihintay pero wala pa rin si Mang Art. Naisipan kong hintayin na lamang siya sa may dalampasigan dahil 5 minuto lang naman ang lalakarin pabalik doon. Nakararamdam na rin kasi ako ng gutom. Tumayo ako at lumabas mula sa opisina. Sinubukan kong pumunta sa likuran, ngunit may gate bago makapasok at naka-lock ito.

Dumungaw na lang ako, "Mang Art! Medyo matagal pa po ba kayo? Nagtext ho sa'kin si Ate Erna. Handa na raw ho ang tanghalian." Wika ko sa malakas na boses. Wala akong narinig na sagot. Napabuntong-hininga ako. Hindi yata ako naririnig ni Mang Art. Tumalikod na ako at nagsimulang tunguhin ang dalampasigan. Medyo liblib ang kinatatayuan ng opisina kaya nakaramdam ako ng kaunting takot. Ngunit hindi ko iyon pinansin at nagpatuloy sa paglalakad.

Napatalon ako sa gulat nang may narinig akong isang putok. Ayaw kong mag-isip ng kung ano-ano pero parang putok ito ng isang baril... BANG! Isang putok na naman ang narinig ko. Natatakot na ako at nagsimulang maghanap ng mapagtataguan. Dumapa ako sa damuhan para makapagtago. Sa 'di kalayuan, tanaw ko ang mga armadong lalaki na itim ang kasuotan at may mga balaclava sa ulo. Kaladkad ng dalawa sa mga ito si Mang Art, duguan at naghihingalo. Napasinghap ako sa itsura niya. Naiiyak at nanginginig na ako sa takot. Kailangan ko nang tawagan at humingi ng tulong sa mga kasama namin!

Habang humihikbi, naramdaman ko ang kaluskos sa damuhan. Akala ko'y isang hayop ngunit yabag pala iyon ng mga paa ng isa sa mga armadong lalaki patungo sa direksiyon ko! Nakita ko ang isang malaking puno sa kaliwa ko. Agad kong ginapang iyon nang tahimik at maingat. Putikan na ako pero wala na akong pakialam basta't makatakas ako sa kanila. Malapit ko nang maabot ang puno nang hindi ko napansin ang kahoy sa lupa na binagsakan ng braso ko. May patusok ito sa dulo kaya sa kasamaang palad ay nasaksak ang aking braso. Paimpit akong napatili sa sakit ngunit kinaya ko pa rin na makalapit sa puno.

Sa mga oras na 'to, pakiramdam ko na sobrang hina ko dahil wala man lang akong lakas ng loob na tulungan si Mang Art. Bugbog-sarado siya ng mga masasamang lalaki. Awang-awa ako sa kaniya. Gustong-gusto ko siyang tulungan pero wala akong lakas o kahit anong armas para malabanan sila. Iyak at dasal na lamang ang nagsilbing armas ko. Pakiramdam ko'y ako na ang pinakawalang silbing tao sa mundo. Sana ako rin, patayin na nila...

SpoliariumTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon