1998
"UMUWI ka agad, Patrick. May pag-uusapan tayong importante," pautos na wika ni Mrs. Paz Gallego, ang mama nito.
"Ihahatid ko si Faith, Mama. Mag-stay pa ako nang kaunti sa kanila," sagot nito at hinawakan siya sa kamay. "Di ba, sweetheart?"
Hindi makaimik si Faith. Hindi mapakali ang pakiramdam niya. Unang beses iyon na tumuntong siya sa mansyon ng mga Gallego na naroroon ang mama ni Patrick. Bagong dating ito buhat sa ibang bansa at ipinakilala siya dito. At hindi rin naman siya sobrang naïve para hindi niya malaman na ayaw sa kanya ng mama nito. Matabang na matabang ang trato nito sa kanya.
"You heard me, son. Umuwi ka agad."
"Bye, Mama," wika lang ni Patrick, tila walang narinig.
"Aalis na po kami," aniya.
Bahagya lang tumango si Mrs. Paz Gallego. Mabilis itong tumalikod pero hindi nakatakas sa paningin niya ang ginawa nitong pag-ismid.
"Tara na," baling sa kanya ng kasintahan at dinala na siya sa garahe kung saan naroroon ang kotse nito.
Wala pa rin siyang kibo kahit na silang dalawa na lang. Nang paandarin nito ang kotse at ipagbukas sila ng gate ng isang unipormadong katulong, lalo niyang naramdaman ang agwat ng kalagayan nila sa buhay. Sa kanyang pananahimik, higit niyang naramdaman ang panliliit.
"Faith, may problema ka?" banayad na tanong nito sa kanya.
"Ayaw sa akin ng mama mo," mahinang sagot niya.
"Huwag mong pansinin iyon." Tumawa lang si Patrick. "Wala namang ibang gusto iyon para sa akin kung hindi ang inaanak niyang si Janica."
Nakagat niya ang mga labi. "T-talaga namang kayo ni Janica ang bagay. Mas maganda siya sa akin. At pareho kayong mayaman."
Magkababata sina Patrick at Janica. Sa mansyon ng mga Gallego, parang tunay na anak na rin ang trato kay Janica. Sa mga pictures na naka-display sa library, karamihan ay kasama roon ang babae.
Bagaman hindi pa niya ito nakikita ng personal, kabisado na rin niya ang anyo nito sa dami ng litratong naroroon. Kuha ang mga larawan sa iba't ibang bansa kasama siyempre pa ang buong pamilya ni Patrick kung saan tradisyon na ang taunang pagbabakasyon.
Nasa America ngayon si Janica at doon na naka-base, ayon na rin kay Patrick. Pero paminsan-minsan ay umuuwi pa rin ito sa Pilipinas upang mamasyal sa mga tourist spots dito.
"Don't say that, Faith. Ikaw ang girlfriend ko. Ikaw ang mahal ko. Si Janica ay kababata ko at kinakapatid. Hindi na rin hihigit pa roon ang pagtingin ko sa kanya. Buong-buo ang pagmamahal ko sa iyo." Inabot nito ang kamay niya at hinagkan ang bawat daliri niya. "I love you, Faith."
"I love you too, Patrick," maemosyong sagot niya.
Talaga namang mahal niya si Patrick. First and only boyfriend niya ang binata. Sa loob ng dalawang taong relasyon nila, napatunayan na rin naman nila sa isa't isa ang pagmamahal na iyon.
Mayroon na rin silang plano para sa kinabukasan nila. Naghihintay lamang si Patrick na maipasa ang board exam para sa mga civil engineers at aangat pa ang puwesto nito sa isang prestihiyosong construction firm na pinapasukan nito. Dalawa hanggang tatlong taon lamang ang balak ni Patrick na mamasukan doon. Kapag natutuhan nito nang husto ang pagpapatakbo ng kumpanya, magsasarili din ito.
Buo ang kompiyansa ni Patrick sa sarili. Ayaw nitong umasa sa pera at impluwensya ng ina nito. Siya naman, talagang sariling pagsisikap lang ang puhunan niya. Ang tanging yaman nilang mag-ina ay ang maliit na bahay na naipundar ng kanyang ama bago ito naaksidente sa Saudi.
Scholarship ang naging tuntungan niya kaya siya nakapagkolehiyo. Kung hindi pa siya nagpa-part time job sa kung anu-anong fast food, malamang na hindi pa siya nakasalba. Tama lang pangkain nilang mag-ina ang maliit na kita nito sa kung anu-anong delihensya.
Madalas sabihin sa kanya ni Patrick na makakalimutan niya ang lahat ng hirap na dinanas niya kapag mag-asawa na sila. Gagawin daw nitong maginhawa ang buhay niya. At siyempre, kapag ganoon ang paksa nila ay kilig na kilig naman siya. Hindi lang dahil sa maalwang buhay na pangako nito bagkus ay sa posibilidad na magkakatuluyan na sila.
Mahal na mahal niya si Patrick. Lahat ay ipinagkakaloob niya sa kasintahan upang patunayan lamang ang pag-ibig na iyon. Kung mayroon man siyang problema sa relasyon nila, iyon ay ang hindi lubusang pagboto ng kanyang mama sa binata.
Para kay Aling Adeling, mas bagay sa kanya si Jude. Pero si Jude ay ni hindi nanliligaw sa kanya. Matalik niya itong kaibigan. At sa kabila ng tagal ng pinagsamahan nila ng lalaki buhat pa noong high school, ni minsan ay hindi lumampas sa pagiging kaibigan ang trato nila sa isa't isa.
"Lalabas na sa isang linggo ang resulta ng exam ko," ani Patrick.
"Don't tell me, kinakabahan ka pang hindi makapasa?" Nilakipan niya ng ibayong sigla ang tinig. "Baka nga kasali ka pa sa top ten."
"Ayokong umasa doon, Faith. Masaya na akong makapasa. That's one step higher sa pag-abot ng mga pangarap natin. Malay mo, hindi na abutin ng tatlong taon ang paghihintay natin at magpakasal na rin tayo?"
"Three years pa ang plano nating magpakasal, di ba? Casual pa nga lang ako sa trabaho ko."
"Madiskarte ako, Faith. Basta nakita kong kaya na kitang buhayin ng buhay na gusto kong ibigay sa iyo, bakit pa tayo maghihintay ng tatlong taon? At hindi mo na rin kailangang magtrabaho. Saka mainam na mag-asawa nang maaga para maaga din tayong magkaanak." Nilingon siya nito at pinisil ang kanyang palad. "I want to make love to you without the hassle of birth control."
"A-ako din naman, Patrick. Mabuti nga hindi ako nahuhuli ni Mama na nagpi-pills."
Maraming beses na ring ipinagkaloob niya ang sarili sa kasintahan. Wala siyang pagsisisi sa bagay na iyon. Mahal na mahal niya si Patrick at kasali na rin iyon sa pagpapadama niya ng pag-ibig dito. Iyon nga lang, ginawa rin nilang responsable ang kanilang mga kilos. Alam nilang pareho na hindi pa ngayon ang panahon para sila magkaanak.
"Faith, can we do it again?" may halong lambing na tanong nito. "Now?"
Napalunok siya. Ang totoo ay hindi naman niya kailangan nang sumagot. Kahit kailan naman humiling si Patrick ay pinagbibigyan niya. Ilang sandali pa, dinala na siya nito sa isang hotel.
BINABASA MO ANG
Wedding Girls Series 09 - FAITH - The Printer
Romance"Hindi pa huli ang lahat para sa atin, Faith. Hindi na natin maibabalik ang mga taong nagdaan pero puwede pa tayong magkasama-sama, di ba? And this time, hindi na tayo magkakahiwalay pa. I love you. Kahit kailan, hindi nagawang pawiin ng galit ang p...