Part 2

5.6K 129 5
                                    

"GINABI ka," malumanay na sita sa kanya ng kanyang ina.

"Mano po," sa halip ay sagot ni Faith, hindi magawang tumingin ng diretso sa ina.

"Dumaan po kami sa amin," si Patrick ang sumagot para sa kanya. "Dumating po ang mama ko. Ipinakilala ko po si Faith."

Bahagyang nagulat ang mama niya. "Kumusta naman? Tinanggap ba naman ng mama mo ang anak ko?" bakas sa tinig ang protectiveness nito bilang ina.

Nagkatinginan sila ni Patrick.

"Okay lang, Ma," siya na mabilis na sumagot. Kasinungalingan iyon kung tutuusin pero hindi naman niya magagawang sabihin ang totoo. Malalagay lang sa alanganin si Patrick kapag ganoon.

Tumango lang ang kanyang ina. "Mabuti naman. Kumain na ba kayo?"

"Tapos na po," sagot naman ni Patrick. "Inihatid ko lang po si Faith. Sige po, aalis na ako."

"Mag-iingat ka."

"Ma, ihahatid ko lang po siya sa gate," wika niya.

Sa mga ganoong pagkakataon ay hindi pa rin niya naiwasang makadama ng guilt. Bagaman nasa edad na siya at responsibilidad na niya ang mga ginagawa niya, nagi-guilty pa rin siya sapagkat alam niyang nasisira niya ang tiwalang ibinibigay sa kanya ng ina.

"Ingat ka, sweetheart," paalala niya sa binata bago ito sumakay ng kotse.

"Para sa iyo, siyempre," nakangiti namang tugon nito sa kanya. "You made me happier tonight, Faith. I love you."

"I love you, too."

Hindi na inalintana ni Patrick kung nasa kalye man sila. Niyuko siya nito at siniil ng halik ang kanyang mga labi.

Minsan pa ay naramdaman niya ang alab ng pag-ibig nila sa isa't isa. Hindi ganap na napawi ang apoy na tumupok sa kanila sa ilang oras nilang pagsasama sa lugar na pinuntahan nila. Ipinikit niya ang mga mata at tinanggap-ginantihan ang halik nito.

Lalo nang lumalim ang halik ni Patrick. Lalo din naman iyong nagpatindi sa sensasyong gumagapang sa buong katawan niya. Kahit kailan, ang halik ni Patrick ay nagagawang magpalambot sa mga tuhod niya.

"T-tama na," aniya habang may natitira pa siyang tamang huwisyo. "Baka may makakita sa atin."

Tumawa nang mahina si Patrick. "Wala. May nakikita ka bang tao sa paligid?"

"Sige na, umuwi ka na. Take care."

At bago tuluyang sumakay ng kotse si Patrick ay kinabig pa siya nito at hinagkang muli.

Hangga't hindi nawawala sa paningin niya ang kotse ni Patrick ay nanatili siya sa tarangkahan. Nakapagkit pa rin ang ngiti sa kanyang mga labi ng magpasya siyang tumalikod. Kahit naman hindi naging maganda ang pagtanggap sa kanya ng ina ng binata, nababale-wala iyon sa tuwinang si Patrick na mismo ang kapiling niya. Dama niya ang pagmamahal nito sa kanya. At para sa kanya, wala nang iba pang higit na importante kaysa sa pag-ibig nito.

Pero bahagyang napalis ang ngiting iyon nang makita niyang nasa sala pa rin ang kanyang ina. Halatang inaabangan siya nito at seryoso ang ekspresyon.

"Mag-usap tayo, Faith," pormal na wika nito.

Marahan siyang tumango at naupo sa sofa. "Tungkol saan, Mama?"

"Sa iyo." At mataman siyang tinitigan nito. "Dumadalas na pag-uwi mo nang gabi."

"Eh, Mama, overtime ako lagi sa opisina, di ba?" katwiran niya agad bagama't siya mismo ang nakakaalam na hindi lang iyon ang totoo. "Mabuti nga at sinusundo ako ni Patrick."

"Alam ko. Pero hindi ka naman inaabot ng alas onse sa opisina. Hanggang alas siete lang ang overtime mo."

Napalunok siya. "K-kumakain pa kasi kami sa labas." Siyempre, hindi naman niya maaamin sa ina ang iba pang lugar na pinupuntahan nila.

"Mag-aasawa ka na ba, anak?"

Parang natigagal siya sa tanong na iyon ng ina. Mas lamang sa tinig nito ang kalungkutan sa posibilidad na iyon.

"H-hindi pa naman, Mama. Three years from now pa ang plano namin."

Subalit nanatili sa anyo nito ang lungkot. "Ipinakilala ka na niya sa mama niya. Kumusta naman ang trato sa iyo?"

Naumid siya. Hindi niya inaasahang mauulit pa ang tanong na iyon. At alam niyang mas masasaktan ang mama niya kung sasabihin niya ang totoo. "Okay naman," replay din ang naging sagot niya.

At gaya ng inaasahan niya, hindi kumbinsido sa ganoon katipid na sagot ang mama niya. "Dumaan nga pala rito ang nanay ni Jude kanina. Kinukumusta ka. Magkakaroon daw sila ng family reunion two weeks from now. Iniimbitahan tayong sumama."

"Mama, family reunion iyon. Hindi naman tayo kamag-anak."

"Pero parang kapamilya na rin tayo sa tagal ng pagiging magkaibigan namin ni Mareng Lourdes," tukoy pa nito sa ina ni Jude. "Isa pa, hindi naman kayo mag-iba ni Jude."

"Yes. Mag-best friend kami," maagap na niyang sagot bago pa ito magsalita ng anumang insinuwasyon.

"Kung maaari lang kitang diktahan, Faith," pagbuntong-hiningang wika ng kanyang mama. "Mas gusto kong si Jude ang mapangasawa mo. Mas kilala ko ang batang iyon kaysa kay Patrick—"

"Mama, please. Magkaibigan lang kaming talaga ni Jude. Saka si Patrick ang mahal ko."

Tumango ito. "Naiintindihan ko. Nakikita ko rin naman na maligaya ka sa kanya kaya nga hinahayaan lang kita. Ang gusto ko lang ay ang maging masaya ka, anak. At siyempre, ang mahal mo'y pag-aaralan ko ring mahalin."

Nangilid ang kanyang mga luha. "Thanks, Ma."

--- itutuloy ---

Maraming salamat sa pagbabasa.

Feel free to vote and comment; and share the link, too.

Facebook Page : JasmineEsperanzaAuthor

Booklat | Dreame : Jasmine Esperanza

Instagram | Twitter | Tumblr : jasmineeauthor

Wedding Girls Series 09 - FAITH - The PrinterTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon